Halos iisa ang tanong sa amin nang napag-usapan namin ang tatlong noontime shows sa radio program namin sa DZRH.
Malapit na raw bang sibakin ang Tahanang Pinakamasaya dahil hindi na ito kumikita?
Iyan din ang tanong namin sa ilang taong bahagi ng noontime show at sa ilang taga-TAPE, Inc.
Ang iba ay sinasabing hanggang December 2024 pa ang kanilang kontrata sa GMA-7, at hindi raw nila alam kung magkakaroon ng renewal.
May iba namang dedma sa tanong namin. Nakikita naman daw sa programa nilang punung-puno ito ng commercial load. Ibig sabihin, kumikita pa sila.
Ayon sa ilang napagtanungan namin, minimum daw na commercial load ng Tahanang Pinakamasaya ay 30 minutes. Kapag weekend ay umaabot daw ng mahigit 40 minutes. Malakas yun!
Kaya parang hindi kapani-paniwalang nalulugi ito. Mas marami pa raw silang commercials kung ikumpara sa It’s Showtime.
Pero pagdating sa ratings, nangunguna pa rin ang Eat Bulaga! ng TVJ, at madalas ay natatalo ng It’s Showtime ang Tahanang Pinakamasaya.
Ang napapansin lang namin sa Tahanang Pinakamasaya, parang nagtitipid sila sa pamimigay ng premyo sagames, at kahit sa ipinamimigay sa segment nilang “G sa Gedli.”
Ang dinig kasi namin, malaki pa ang bayarin nila sa GMA-7 at pati sa suppliers.
Totoo kayang umabot na raw ng halos PHP800M ang utang ng TAPE sa GMA-7?
May naglinaw sa aming matagal nang pagkakautang iyon sa GMA-7, at nagkapatung-patong na lang.
Ibig sabihin, nung panahon pa ng Eat Bulaga! ng TVJ at legit Dabarkads naipon ang pagkakautang sa GMA-7 at sa ilang suppliers.
Sabi sa amin ng aming source, hindi naman daw aabot sa ganung halaga kung sa revamped Eat Bulaga! na naging Tahanang Pinakamasaya ang utang na yun.
May ilang suppliers daw na matagal na ring hindi nababayaran. Kaninong pananagutan ito?
Nagkakaroon ba ng ganung problema sa ilalim ng management ni Mr. Tony Tuviera?
Hindi na kami nangahas na itanong ito kay Mr. T dahil magmula nang pumutok itong mainit na isyu ng Eat Bulaga! ay tahimik lang siya.
Pero bukas ang PEP Troika sa kanyang paliwanag.
Ngayon daw ay sinasambot sila sa mga babayaran dahil sa mga matagal nang utang.
Umalma ang ilang taga-TAPE nang tinanong namin tungkol sa intrigang ito.
Kung anu-ano raw kasi ang mga naglalabasang balita tungkol sa Tahanang Pinakamasaya. Parang sa kanila raw sinisisi bakit sila nagkabaun-baon sa utang.
Sana alamin daw muna na matagal na ito at umabot na ngayon sa bagong management.
“Nakakaawa naman ang TAPE, puro napi-fake news!” himutok ng taga-TAPE na ayaw ipabanggit ang pangalan.
Ang Battle of Noontime Shows ang pinakamalaking local showbiz story ng 2023.
Marso 1, 2023 nang i-blind item natin dito sa PEP Troika ang malaking pagbabagong magaganap kaugnay sa isang noontime show, na malamang makaapekto sa TV landscape.
Noon ay TVJ at Legit Dabarkads pa ang nasa Eat Bulaga! ng GMA-7, at ang It’s Showtime ay nasa TV5.
Umalis kapagkuwan ang TVJ sa Eat Bulaga!, na ni-revamp kapagkuwan with a new set of hosts.
Nang mag-umpisa ang E.A.T. ng TVJ sa TV5, ang It’s Showtime ay lumipat sa GTV.
Nabawi ng TVJ ang pangalang Eat Bulaga! at iyon na ang naging title ng kanilang noontime show sa Kapatid Network.
Ang revamped Eat Bulaga! ay naging Tahanang Pinakamasaya.
Hanggang katapusan pa ng taon ang kontrata ng TAPE o Tahanang Pinakamasaya sa GMA-7.
Patok ang “EXpecially For You” segment ng It’s Showtime.
Noon pa man ay sumagi sa isip ko, mas masaya kaya kung ang It’s Showtime ang maging noontime show ng Kapuso Network?
Ang mga prime-time Kapamilya serye ay hindi makapag-promote sa It’s Showtime, dahil may mga kalaban sa GMA Prime.
Halimbawa, si Kim Chiu na host ng It’s Showtime, hindi niya mai-promote sa sariling noontime show ang Linlang na umeere sa TV5.
May Kapuso stars na mas gustong mag-guest sa It’s Showtime kesa sa revamped Eat Bulaga! o Tahanang Pinakamasaya.
Isinasaaalang-alang kasi nila ang TVJ.
Sina Vic Sotto at Jose Manalo ay meron pang weekly sitcom na Open 24/7 sa GMA-7 sa kabila ng mga kaganapang ito.
Si Jose ay napabilang pa sa Battle of the Judges ng Siyete.
Nagkademandahan sa pagitan ng TAPE at ng ilan sa orig na bahagi ng programa.
Kaya kaabang-abang kung anu-ano pa ang bubulaga kaugnay sa sanga-sanga at sala-salabat na isyu sa Battle of Noontime Shows.
Medyo alarmed lang ang GMA-7 dahil parang apektado rin ang pre-programming at post-programming sa rating ng Tahanang Pinakamasaya.
Pero sana, ma-improve pa nila ito in the days to come. Good ratings and good sales ang basehan ng renewal, if ever.
Sa salpukan ng noontime shows, sana’y mas marami pang madagdag na audience sa mga nanonood ng TV. Para kasing same-same lang.
At tulad natin, nanonood na lang tayo sa ating ibang device kung kailangang may abangan.
Ibang-iba noong hihintayin talaga natin ang takdang oras na palabas ito sa TV.
Tayo, panonoorin na lang natin ito sa ating libreng oras. Good luck sa mga noontime shows talaga.
Teka, saang show nga ba bagay mag-guest ang Troika? Baka hindi sa noontime kundi sa isang game show.
Editor’s Note: Bukas ang Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) sa panig ng lahat ng nabanggit sa isyung ito.