Shaira Diaz recalls the time she caught Edgar Allan Guzman watching porn

Shaira Diaz(right) on time she caught fiancé EA Guzman (left) watching porn: “Umiyak ako kasi nasaktan ako. Kasi siyempre, sinasabi kasi nila na normal lang sa lalaki na manood ng ganito, ganyan-ganyan. Bakit parang kailangang i-normalize?”

PHOTO/S: SCREENGRAB FROM @OGIE DIAZ YOUTUBE

Inamin ng aktor na si Edgar Allan “EA” Guzman na itinigil niya ang panonood ng porn dahil sa fiancée niyang si Shaira Diaz.

Bukas sina EA at Shaira na sabihin sa publiko na matapat ang kanilang pagsunod sa sexual abstinence o celibacy o hindi pagtatalik hangga’t hindi sila ikinakasal, mula nang magkaroon sila ng relasyon noong 2013.

Kuwento ni EA sa vlog sa YouTube ni Ogie Diaz nitong April 20, 2024, ultimo pagpapaligaya sa sarili ay hindi niya magawa nang hindi ipinapaalam sa kanyang nobya.

Nakokonsensiya raw kasi si EA na gawin ang mga bagay na taliwas sa paniniwala ni Shaira.

“Yung karaniwang ginagawa ng lalaki, e, ayun na lang [ginagawa mo]?” tanong ni Ogie kay EA nang malamang sa loob ng labing-isang taon ay hindi pa sila nagtatalik ni Shaira.

Sagot ni EA, “Actually, hindi rin, e. Kahit tanungin mo siya [Shaira], hindi rin.

“Siyempre sine-share ko pa rin yon. Ako kasi, nakokonsensiya ako kapag ganun, e.

“Sabihan niyo na ako na mabait, pero talaga kasing nakokonsensiya ako.

“Kasi nga, gusto kong i-save. Para kapag nagpakasal kami, nandun na kami sa moment na baby agad.”

Sundot na tanong ni Ogie, “When was the last time you practice that, yung karaniwang ginagawa ng mga lalaki?”

Saad ni EA, “Ako, siguro a year. Isang taon na.”

Nang tanungin si Shaira kung naniniwala siya rito, sagot ng actress-TV host, “Hindi ako interesadong malaman, sa totoo lang.

“Sabi ko nga sa kanya [EA], never akong nanood ng mga porn.”

Sa puntong ito, dito na inamin ni EA ang pagkakataong mahuli siya ni Shaira na nanonood ng porn sa kanyang cellphone.

Pagbabahagi niya, “Ngayon hindi na rin ako nanonood ng porn. One time kasi nahuli niya ako, e.”

SHAIRA CAUGHT EA WATCHING PORN

Mabilis na sinang-ayunan ni Shaira ang naging rebelasyon ni EA sa pagkakahuli niya ritong nanonood ng porn.

Aminado ang Unang Hirit host na umiyak at nasaktan siya nang makitang may ibang nakahubad na babaeng “pinapantasya” si EA noong mga unang taon nila bilang magkarelasyon.

Pagbabalik-tanaw ni Shaira, “Sabi niya tapos na raw siya dun. Tapos noong parang nakita ko yung history [ng phone niya], na hindi ko inaasahan, parang ako, ‘Ano to, sino to?’

“E, sabi niya tapos na siya dun [sa phase na nanonood], ganyan, na matanda na raw siya para dun. Tapos bigla kong makikita yung history na may ganun.

“Umiyak ako. Sorry ha, hindi ko kasi alam kung ako lang to or parang may rin iba talaga.

“Umiyak ako kasi nasaktan ako. Kasi siyempre, sinasabi kasi nila na normal lang sa lalaki na manood ng ganito, ganyan-ganyan. Bakit parang kailangang i-normalize?”

May paniniwala raw kasi si Shaira kapag nanonood ang lalaki ng porn ay pinagpapantasyahan din niya ang babaeng pinapanood nito.

Aniya, “Para sa akin kasi, parang kung nanonood ka nun, e, di parang pinagpapantasyahan mo yung ibang babae.

“Ayun na nga, nakita niyang nakahubad ganyan, hindi ko alam. Basta, nasaktan talaga ako.

“Sabi ko nga, ‘Palit tayo, ako manonood. May pinagpapantasyahan akong ibang lalaki, matutuwa ka?’

“Parang cheating din kasi siya sa akin. Kasi nakita mo yung katawan ng ibang tao which is supposed to be sacred.

“Yung katawan natin dapat sacred siya.”

Hindi naman daw pinipilit ni Shaira na sang-ayunan siya ng iba, lalo na’t alam niyang magkakaiba ang pinapaniwalaan ng bawat isa tungkol sa usaping sex.

EA REACTS

Nang makitang umiiyak at nasaktan si Shaira, doon na raw natauhan si EA at nagdesisyong hindi na manood pa ng porn.

Aniya, “Doon nag-start… na nung nasaktan siya, sinabi ko sa sarili ko na, ‘Ah, hindi na.’

“Nakonsensiya kasi ako, parang ganun. Tinamaan ako dun sa sinabi niyang nasasaktan siya.

“Dahil sobrang mahal ko siya at nasasaktan siya, nag-stop talaga [ako].”

Hindi naman daw itatanggi ni EA na mahirap at sakripisyong maituturing ang ginawa at naging desisyon niya.

Mas nanaig lang daw ang pagmamahal at respeto niya kay Shaira kung kaya’t kahit mahirap ay ginawa at patuloy niya ngayong ginagawa.

Saad niya, “Mahirap, I swear, hindi siya madali.

“Sobrang hirap, knowing me. Kilala ko yung sarili ko, e, bago pa maging kami.

“As in noong nakilala ko siya, minahal ko siya every day, every day minamahal ko siya, all of a sudden nagbabago yon.

“There’s a time na sinabi ko sa sarili ko na, ‘Ito na yung babaeng gusto kong makasama sa habang buhay.”

IS EA THE ONE?

Kung gaano kamahal ni EA si Shaira ay ganoon din naman daw ang pagmamahal ng TV host-actress sa aktor.

Kung tutuusin, ilang beses na raw pinatunayan at ipinadama ni EA kay Shaira at sa pamilya nito ang tapat na pagmamahal niya na handang magtiis at magsakripisyo.

Ani Shaira, “Sure naman ako [na wala siyang ibang babae], sa mga ipinapakita niya.

“Ano kasi siya, very consistent hindi lang sa akin kundi sa pamilya ko rin.

“The way he interacts with my family, yung paggalang niya, yung pagmamano niya sa tuwing makikita niya magulang ko, yung lola ko, mga tito ko.

“Talagang malalaman ko naman, e. Malakas yung pakiramdam ko na wala naman siya.”

Labing-isang taon nang magkarelasyon sina EA at Shaira.

Noong December 25, 2021 nang mag-propose si EA kay Shaira.

Pero isiniwalat lamang nila sa publiko na engaged na sila noong February 16, 2024, sa pamamagitan ng Unang Hirit, kung saan isa sa mga host si Shaira.