Na-maintain ng rival noontime shows na Eat Bulaga! at It’s Showtime ang kanilang manonood.
Halos ganun pa rin ang ratings nila. Walang nadagdag, walang nang-iwan. Patuloy silang tinututukan ng kani-kanilang loyal viewers.
Ang It’s Showtime, naglalaro lang sa 7% at 8% ang pang-araw-araw na rating. Medyo nadagdagan pagdating ng Sabado.
Kagaya nung Biyernes, April 19, 2024, naka-7.4% ang It’s Showtime at ang Eat Bulaga! ay naka-4.8%.
Noong Sabado, April 20, ay 8.2% ang naitalang rating ng It’s Showtime, at ang Eat Bulaga! ay 4.7%.
Sabi ng ilang taga-TV5 na nakausap namin, hindi nababahala rito ang mga taga-Eat Bulaga! dahil aware sila kung hanggang saan lang ang reach ng TV5 at hindi pa naman maaasahan ang televiewers sa RPTV.
Hindi kagaya sa It’s Showtime na mataas na talaga ang televiewers sa GMA-7 pa lang, at dagdagan pa ito ng sa GTV, A2Z, at meron pa sa Kapamilya Channel.
Kaya hindi raw nababahala rito ang mga taga-Eat Bulaga!. Wala raw silang nararamdamang pressure, dahil panay pa nga ang taping nila ng ilang episodes.
Nagre-react lang daw sila kapag may nagkakalat ng mga fake news tungkol sa kanilang programa.
Ito ang dahilan kaya nag-imbita na sila ng ilang entertainment media sa birthday episode ni Vic Sotto nung nakaraang Sabado.
Hindi rin nababawasan ang tumututok sa mga afternoon drama ng GMA-7 kaya hindi na nag-e-effort ang Kapamilya Channel at TV5 ng itatapat nila.
Nananatili pa ring mataas ang ratings ng Kapuso afternoon shows, lalo na ang Abot-Kamay na Pangarap nina Jillian Ward at Carmina Villarroel.
Noong Biyernes, April 19, ay naka-10.2% ito; habang ang katapat nitong Dirty Linen rerun sa TV5 ay 0.5%.
Ang Lilet Matias: Attorney-at-Law ay 9.1%, at ang Mars Ravelo’s Darna rerun ay 0.5% din.
Sumunod ang Makiling na 7.7%. Ang Fast Talk With Boy Abunda naman ay 4.7%, at ang Yumi’s Cells ay 2.4%.
Sumunod ang Family Feud na 7.4%.
PRIME TIME RATINGS
Pagdating sa prime time, nananatili pa ring mataas ang 24 Oras.
Pero tingnan natin kung maaapektuhan ito kapag nagsimula nang mapanood sa All TV ang Kapamilya news program na TV Patrol.
Noong Biyernes ay 13.1% ang 24 Oras. Ang TV Patrol ay 2.6%, at ang Frontline Pilipinas sa TV5 ay 3.3%.
Nananatiling mataas ang FPJ’s Batang Quiapo na 14%, at ang Black Rider na 12.6%.
Makatulong kaya ang crossover ng Abot-Kamay Na Pangarap sa Black Rider? Sa trailer pa lang nito ay mahigit 1M views na, wala pang isang araw na na-upload.
Ang My Guardian Alien naman ay na-maintain ang 10.3% rating, at 9.7% naman ang katapat nitong Linlang.
Sumunod ang Amazing Earth na 5.4%, at ang malapit nang matapos na Can’t Buy Me Love ay 6.6%.
JERRY OLEA
Namamayagpag ang GMA-7 kung tanghali at hapon. Malaki ang agwat ng Kapuso shows sa mga programang katapat sa TV5.
Nakatulong ang It’s Showtime para tumaas ang ratings ng pre-programming nitong TikToClock, pati na ang mga kasunod ng It’s Showtime na Abot-Kamay Na Pangarap at Lilet Matias: Attorney-At-Law.
Aba! Kinakabog pa nga ng ratings ng Abot-Kamay Na Pangarap at Lilet Matias: Attorney-At-Law ang ratings ng My Guardian Angel, huh?!
Rerun na lamang ang Linlang at Mars Ravelo’s Darna, kaya okay lang na hindi umabot sa 1% ang ratings ng mga ito.
Sa Mayo 6 nga ba ire-replay na ng GMA sa afternoon block ang Voltes V: Legacy?
Patuloy ang pagharurot ng FPJ’s Batang Quiapo sa prime time. Kumbaga’y naghahabol sa tambol mayor ang Black Rider.
EXCITING TV LANDSCAPE
Andami nating inaantabayanang pagbabago sa local TV landscape.
Looking forward tayo sa Pinoy adaptation ng It’s Okay to Not Be Okay starring Anne Curtis, Joshua Garcia, and Carlo Aquino. Malapit na itong simulan.
Sa nalalapit na pagtatapos ng Can’t Buy Me Love ay dalawang teleserye raw ang nakapila sa SnoRene tandem nina Anthony Jennings at Maris Racal — isa para sa Kapamilya Channel at isa para sa Viu.
Meron pa silang gagawing movie para sa Netflix, di ba?
Kailan ba talaga ang TV comeback ng game show ni Willie Revillame, at saan iyon ieere?
Ikinakasa na ba ang bali-balitang bagong primetime collab ng Kapamilya at Kapuso na tatampukan ni Gerald Anderson at ng isang Kapuso actress?
Matutuloy ba ang pagsasanib-puwersa nina Richard Gutierrez, Daniel Padilla, Enrique Gil, at Ian Veneracion sa isang maaksyong teleserye?