Nakarating na kay Ogie Diaz ang balitang dinemanda siya ng cyber libel ni Bea Alonzo.
Sa pamamagitan ng Instagram Story nitong Huwebes ng hapon, May 2, 2024, naglabas ng maiksing mensahe si Ogie.
Hindi direktang tinukoy ni Ogie si Bea, pero mahihinuhang may kinalaman ito kay Bea dahil tiyempo ito sa ulat ng demanda kay Ogie ng aktres.
Bahagi ng post ni Ogie (published as is): “Pasensya na sa lahat ng reporters na tumatawag para maging balanse lang ang kanilang report.
“Naiintindihan ko kayo kung nginangarag kayo ng news desk o ng editors nyo.”
“Makakarating din naman sa amin yan para sagutin sa takdang panahon.”
OGIE DIAZ ON BEA ALONZO AND DOMINIC ROQUE
Sa huli ay may binitiwang salita si Ogie na waring may kinalaman sa mga isyung ibinalita niya tungkol kay Bea sa kanyang online show.
Hindi direktang nagbanggit ng pangalan si Ogie, pero mas malamang na tinutukoy niya ang kanyang coverage ng hiwalayan ni Bea at ng former fiancé nitong si Dominic Roque.
Sabi ng veteran showbiz personality: “Pero eto ha? Ayoko nang magpakaplastik. Tulad ng lagi naming hinihirit sa Ogie Diaz Showbiz Update, sila pa rin ang gusto naming magkatuluyan sa ending.”
Ang mga inireklamo ni Bea ng cyber libel ay sina Ogie Diaz, Cristy Fermin, at isa pang indibidwal na naninira umano kay Bea.
Dawit sa reklamo ang mga kasamahan nina Ogie at Cristy sa kani-kanilang online shows.
Nanindigan ang abogado ni Bea Alonzo, si Atty. Jose Manolo Garcia, na ginamit umano nina Ogie at Cristy ang “negative sensationalism” laban kay Bea para tumabo ng views at kumita ang kani-kanilang online shows.
Sinabi rin ng abogado na mayroong sapat na ebidensiya ang kampo ni Bea, at handa silang ipakita ang mga ito sa imbestigasyon ng kanilang reklamong cyber libel.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Atty. Garcia matapos nitong samahan si Bea sa paghain ng reklamo laban kina Ogie at Cristy at iba pa sa Quezon City Prosecutor’s Office ngayong Huwebes ng hapon.
Nananatiling bukas ang PEP.ph sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.