Idinaan ng aktres na si Bea Alonzo sa legal battle ang pag-alma sa aniya’y paninirang-puri sa kanya ng veteran showbiz columnist at host na si Cristy Fermin.
May 2, 2024 nang magtungo si Bea sa Quezon City Prosecutor’s Office para magsampa ng cyber-libel complaint laban kay Cristy.
Dawit sa complaint sina Rommel Villamor at Wendell Alvarez, na co-hosts ni Cristy sa online showbiz-oriented show na Showbiz Now Na (SNN).
Nasa YouTube ang online show ni Cristy. Mayroon itong mahigit 438,000 followers at higit 664 videos habang isinusulat ang artikulong ito.
Simple ang format ng mga video. Nakaupo si Cristy at ang mga co-host sa harap ng camera habang pinag-uusapan ang ilan sa mga mainit na topic sa showbiz.
May 67 video uploads ang SNN channel ngayong 2024. Sa 65 videos, 16 ang kasama si Bea sa main topics ng tsikahan.
Sa report na ito, inilatag ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang pagsusuma sa nilalaman ng episodes ng online show ni Cristy kunsaan tinalakay si Bea para sa taong 2024.
Kasama rito ang sagot ni Cristy sa demanda ni Bea.
CRISTY FERMIN ON BEA ALONZO ISSUES
JANUARY 29, 2024
Ang unang episode tungkol kay Bea ngayong taon ay in-upload noong January 29.
Ang headline ng episode ay “DJ, WASAK NA ANG BULSA? ! KASAL NINA DOM AT BEA, SA ITALY BA O SA SPAIN ! NAGLALANGIS ANG PAA NG AKTOR!”
Naglatag lamang si Cristy at ang kanyang co-hosts ng mga inaabangang update tungkol sa nalalapit na kasal nina Bea at noo’y fiancé pa nitong si Dominic Roque.
Itinanong nila kung saan gagawin ang kasal—sa Italy ba o sa Spain.
Napag-usapan ding baka mahal ang kasal abroad kaya’t sa farm na lang ni Bea sa Zambales ganapin ang okasyon.
FEBRUARY 4, 2024
Four days later, o noong February 4, may bagong upload na video sina Cristy tungkol kay Bea. May titulo itong “SI KATHRYN ANG PIPILI NG LEADING MAN? BEA ALONZO, NAUNTOG NA?!”
Ibinalita rito ang tungkol sa usap-usapang hiwalay na sina Bea at Dominic.
Tinalakay nila ang magkasalungat na reaksiyon nina Bea at Dominic nang tanungin tungkol sa wedding preparations nila.
Sumagot noon si Dominic ng ilang mga imbitado sa kanilang kasal, habang si Bea ay nagsabing hindi pa nila nasisimulan ang preparasyon.
Dito umugong ang espekulasyong may wedding jitters ang couple.
“Hiniling” ni Cristy at ng mga co-host na sana ay hindi matuloy sa hiwalayan kung anuman ang problema ng couple.
Dominic and Bea in one of their trips abroad
FEBRUARY 7, 2024
Noong February 7 ay may mainit na rebelasyon si Cristy. Ang headline ng episode ay “PULITIKO ANG MAY-ARI NG CONDO UNIT NI DOMINIC? ALAM BA YUN NI BEA?!”
Ayon kay Cristy, may sources siyang nagsabing may nalaman si Bea kaya’t pinaimbestigahan nito si Dominic.
Gusto raw ni Bea malaman kung ano ang trabaho ni Dominic. Wala raw kasing makapagsabi kung ano ang eksaktong pinagkakakitaan nito.
Base sa Instagram bio ni Dominic, pag-aari niya ang Blackpeak Hypermedia, isang boutique creative agency na may serbisyo para sa production at digital marketing solutions.
Sa show ni Cristy, binanggit nilang nakatira si Dominic sa isang mamahaling condo unit na hindi raw basta ma-afford ng kahit sinong artista.
Sabay bunyag ni Cristy, base sa kanyang sources, ang condo unit na tinutuluyan ni Dominic ay pagmamay-ari umano ng isang “kontrobersiyal” na lalaking pulitiko.
“Ngayon kapag tinrace natin kung bakit nakapangalan doon sa pulitiko yung unit at bakit siya ang boss ni Dominic…
“Kayo na po ang bahalang humusga kung ano ang nababalitaan ninyo tungkol dun sa pulitiko at sa kanyang mga kaibigan,” matalinhagang saad ni Cristy.
Tinalakay rin ni Cristy sa show ang usap-usapan sa social media na ang usaping prenuptial agreement ang itinuturong dahilan kung bakit on the rocks ang relasyon nina Bea at Dominic.
Binanggit ni Cristy ang opinyon ng ibang netizens na “ginagamit” lang umano ni Dominic si Bea.
Baka raw “nauntog” si Bea “dahil bulsa lang niya ang masasaktan.”
FEBRUARY 10, 2024
Makalipas ang tatlong araw, noong February 10, inilabas sa online show ni Cristy ang episode na may titulong “LUMAMBOT KAYA SI KATH KAY DANIEL? DESIGNER PAUL CABRAL, DAMAY SA BEA-DOM ISSUE!
Tinalakay rito ni Cristy ang alegasyong kumakalat sa social media na may “benefactor” umano si Dominic.
Ang usap-usapan umano sa social media: si Dominic ay “manggagamit” at “nagtitinda ng karneng hilaw.”
Ipinaliwang ni Cristy na ang “nagtitinda ng karneng hilaw” ay may kinalaman sa “indecent proposal” at “pagpatol sa mga lalaki.”
Pag-amin ni Cristy: “Wala po kaming eksaktong masasabing impormasyon tungkol doon na siya ay mayroong benefactor.”
Pero tinalakay pa rin ni Cristy sa show ang aniya’y usap-usapan na “nabuking daw ni Bea Alonzo na mayroon daw benefactor si Dominic.”
Ayon kay Cristy, may netizens na nagtatanong kung sino ang tumulong kay Dominic na makabili ng engagement ring na ibinigay nito kay Bea.
Isa raw sa mga pangalang nadadawit ay ang fashion designer na si Paul Cabral.
Paliwanag ni Cristy, hindi pa artista si Dominic nang magtrabaho ito bilang “bus boy” sa shop ni Paul sa Quezon City.
“Pero hindi nangangahulugan na magkarelasyon si Paul Cabral at si Dominic Roque,” ani Cristy.
Paglilinaw ni Cristy, boss-employee ang ugnayan daw ng dalawa.
Kasabay nito ay natalakay rin ni Cristy at ng kanyang co-hosts ang anila’y usap-usapan sa social media tungkol sa sexual orientation nina Dominic at Bea.
Sinabi ni Cristy na matagal na panahon na ang nakararaan nang lumutang ang issue na “tibo” si Bea. Ayaw na raw niyang halukayin pa ang isyung iyon.
Sabay salo ni Cristy, “Babaeng-babae siya sa pananaw ko.”
Kay Dominic naman, sinabi ni Cristy na tingin niya ay pino lang kumilos ito.
“Lalo na kung marespeto at edukado, ay effeminate. Pero hindi nangangahulugan na beki,” salo ulit ni Cristy.
FEBRUARY 12, 2024
Hanggang sa nagbigay ng clue si Cristy tungkol sa may-ari ng condo unit na tinitirahan ni Dominic.
Base ito sa February 12 episode ng online show ni Cristy. Ang titulo ng episode ay “MGA KUWENTO NG PULITIKO, ALAM NI BEA! SINO SA KANILA ANG MAY-ARI NG CONDO UNIT NI DOMINIC?”
Sinabi ni Cristy na “boss” at “pinagtatrabahuhan” ni Dominic ang di pinangalanang pulitiko. Kontrobersiyal din daw ang pulitikong iyon.
Wala raw sa Senado at Kongreso, kundi nasa “ehekutibo” na sangay ng gobyerno ang puwesto ng pulitiko.
Aminado si Cristy na may mga pulitikong nadawit sa isyu mula nang ilabas niya ang impormasyon tungkol sa condo unit ni Dominic noong February 7.
Pinangalanan ni Cristy ang limang lumutang na mga pangalan ng pulitiko. Wala raw sa mga ito ang tinutukoy niya.
Pero hinamon ni Cristy si Dominic na ituwid ang isyu dahil sigurado raw si Cristy sa kanyang impormasyon na isang “kontrobersiyal na pulitiko” ang may-ari ng “mamahaling condo unit” ni Dominic.
FEBRUARY 14, 2024
May pasaring kay Bea ang titulo ng sumunod na episode ng online show ni Cristy.
February 14, Valentine’s Day, nang ilabas sa online show ni Cristy ang episode na may titulong “DOMINIC, PA-VICTIM NGA BA O KAWAWA?! BEA, TATANDANG-DALAGA! BAGETS ACTRESS, WALANG PAKIALAM!”
Pinag-usapan ni Cristy at ng kanyang co-hosts ang cryptic posts ni Dominic sa social media noon, kasabay ng cryptic post ng kapatid ni Dominic at handler ni Bea na si Nina Ferrer.
Tingin ng netizens ay may kaugnayan iyon sa hiwalayan nina Bea at Dominic.
Tinalakay rin uli ni Cristy at ng kanyang co-hosts ang alegasyong “booking” na inuugnay kay Dominic na kalat umano sa social media.
Ani Cristy, “Kung totoo man po na ito ang linya ni Dominic, noon pa dapat ang laki-laki ng pera niya ngayon, daang milyon na dapat, kung totoo.”
Sa puntong ito ay napakuwestiyon si Cristy sa aniya’y usap-usapan ng netizens tungkol sa kung sino kina Dominic at Bea ang gumagastos noong magkarelasyon ang mga ito.
“Bakit sinasabi na si Bea lang ang sinasabing gumagastos pag pumupunta sa ibang bansa, si Dominic hindi? Hindi naman natin alam kasi hindi naman natin sila kasama.”
FEBRUARY 16, 2024
Kung ang mga intriga kay Dominic nakasentro ang mga nakaraang episodes, napuruhan si Bea sa mga sumunod na episodes ng online show ni Cristy.
February 16 nang ilabas sa online show ni Cristy ang episode na may headline na “BEA, NAGHUGAS-KAMAY, BINA-BASH! AKTOR, MAY BINTI NG SANGGOL SA PAGITAN NG MGA HITA!”
Pinuna rito ni Cristy ang joint statement nina Bea at Dominic tungkol sa kanilang hiwalayan.
Sabi sa bahagi ng statement nina Bea at Dominic: “Unfortunately, some even confirmed our breakup without our consent, and some created ridiculous stories that had no basis and were utterly false, so we felt the need to share this announcement with great sadness, for our peace of mind and our families.”
Hindi nagustuhan ni Cristy ang pasaring ng ex-couple na inunahan pa raw ang mga ito ng iba, partikular na ng media, sa pagkumpirma tungkol sa kanilang hiwalayan.
Idiniin ni Cristy na public figures sina Bea at Dominic, kaya hindi raw maiaalis na maibalita ang nangyayari sa buhay nila.
Idiniin din ni Cristy na kampo mismo nina Bea at Dominic galing ang cryptic posts, na ayon pa rin kay Cristy at sa kanyang co-hosts, ay nakadagdag sa espekulasyon tungkol sa breakup ng couple.
Kung nagsalita raw agad sina Bea at Dominic ay hindi na raw sana lumaki ang isyu.
Sabay sinundot ni Cristy ang mga aniya’y kumakalat na negatibong komento sa social media laban kay Bea.
“Ano ang tawag sa kanya ngayon? ‘Lola Bea, Tiyang Bea, Auntie Bea.’ May nagsasabi pa na, ‘Uy, hindi ka na bata para ganyan ang astahin mo. Hindi ka na spring chicken,’ may mga ganon. ‘Puwede bang ibaba mo naman ang standards mo?’
“Parang ang lumabas na kawawa ngayon, si Dominic.
“‘Kaya naman pala hindi nakatiis sa yo ang mga dati mong karelasyon. Ikaw pala itong manipulative.'”
Nagkomento rin si Cristy na nakalimutan daw ng publiko ang isyu sa condo unit ni Dominic, at biglang nasentro kay Bea.
“Sa kanya pala dapat yung pa-victim. Sad girl,” sabay hirit ni Cristy.
Wala raw ibang puwedeng sisihin kundi si Bea.
“Nabaliktad na ang mundo ni Bea Alonzo. At siya rin ang gumawa ng dahilan kung bakit,” ani Cristy.
Sabay napapangiting hirit niya, “Ano ang kanta na ibibigay mo kay Lola, ahhh, kay Bea?”
Kausap nun ni Cristy ang co-host na nag-dedicate ng kanta para sa isyu.
Dominic Roque proposes to Bea Alonzo on July 21, 2023
FEBRUARY 18, 2024
Sa sumunod na episode ng online show, naungkat ang past relationships ni Bea.
February 18 nang ilabas sa online show ni Cristy ang episode na may titulong “GERALD AT BEA, WALA PALANG GHOSTING ISSUE? KATHRYN, UNBOTHERED KAY DANIEL!”
Tinalakay ni Cristy at ng kanyang co-hosts ang anila’y usap-usapan mula sa insiders na “vindicated” ang ex-boyfriends ni Bea dahil “may dahilan” daw kung bakit “hindi natatagalan” ng karelasyon ang aktres.
Ayon kay Cristy, hindi raw totoo ang alegasyong “ghosting” ni Bea kay Gerald nang maghiwalay ang mga ito noong 2019.
Kung naugnay man daw noon si Gerald sa noo’y leading lady nito sa pelikula na si Julia Barretto, noong panahong iyon ay nagkikita na rin umano sina Bea at Dominic.
Base raw iyon sa pagsusuri ni Cristy at ng kanyang co-hosts sa timeline kung kailan nagsimulang mag-date sina Bea at Dominic.
Binanggit ni Cristy ang isang panayam kay Dominic kunsaan sinabi raw nitong “2019” ay nagde-date na sila ni Bea bilang magkaibigan.
Ipinakita sa video ng show ang litrato nina Bea at Dominic kasama sina Gabbi Garcia at Khalil Ramos na kuha sa Japan.
Bea and Dominic with Khalil Ramos and Gabbi Garcia
Kung pareho raw “may pinagkakaabalahang iba” sina Bea at Gerald noong 2019, “di pareho silang nang-ghosting!”
Pero hindi nalinaw ni Cristy na ang petsa ng litratong iyon ay November 2019.
Ang pagbubulgar ni Bea tungkol sa aniya’y hiwalayan nila ni Gerald nang walang paalam ay July 2019.
FEBRUARY 20, 2024
February 20 nang basagin ni Dominic ang pananahimik sa mga isyung binabato sa kanya.
Kinondena ni Dominic ang aniya’y mga mapanirang tirada ni Cristy sa kanya.
Base ito sa isang official statement ng kanyang abugado mula sa Fernandez & Singson law office, na inulat ng GMA News Online.
Sabi rin dito, ang nagmamay-ari ng condo unit ni Dominic ay si Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos.
Pero mariing itinanggi ng abugado ni Dominic ang akusasyong “benefactor” ng aktor si Jalosjos.
FEBRUARY 21, 2024
February 21 nang kumpirmahin ni Bullet Jalosjos na siya ang nagpaparenta ng tinitirahang condo unit ni Dominic.
Ipinaliwanag ni Jalosjos na matagal na niyang kaibigan si Dominic, at malisyoso raw ang espekulasyong iugnay sila sa isa’t isa.
Nagpahiwatig din si Jalosjos na dapat managot ang mga nagpapakilalang batikang journalist, pero ni hindi raw nagbeberipika ng impormasyong kinakalap ng mga ito.
Inamin na ni Jalosjos na siya ang may-ari ng condo at pinaparentahan lamang niya ito sa actor, na kaibigan na niya for 10 years.
Nanindigan si Cristy na hindi niya umano siniraan si Jalosjos sa kanyang online show.
Sa radio show ni Cristy noong February 21, nilinaw niya na hindi niya pinangalanan si Jalosjos sa kanyang show at hindi rin daw niya ito tinawag na benefactor.
“Nasaan po ang malisya? Nasaan po ang paninirang-puri sa ganyang kalagayan? Wala po akong nakikita.”
Bullet Jalosjos
FEBRUARY 24, 2024
Noong February 24, sina Bea at Dominic pa rin ang main topic nina Cristy.
Ang titulo ng episode ay “MAGKASUNDO MAN, MAY LAMAT NA ANG RELASYON NINA BEA AT DOMINIC! BUNTIS O HINDI, TULOY ANG KASAL!”
Pinag-usapan ni Cristy at ng kanyang co-hosts ang balitang tila inaayos nina Bea at Dominic ang kanilang relasyon.
Pero ayon daw sa source ni Cristy, nakarating sa ina ni Bea na nagkakausap pa rin sina Bea at Dominic sa kabila ng hiwalayan.
Ang payo raw ng ina ni Bea na si Mary Anne Ranollo, mag-isip ng mabuti si Bea bago magdesisyon.
MARCH 9, 2024
March 9 nang lumabas sa online show ang episode na “KASAL KUNO NINA BEA AT DOMINIC, KINAUMAYAN! KUMUSTA NA ANG MADALDAL NA SI ATTY. PAOLO CONTIS?”
Tinalakay nila rito ang usap-usapan sa social media na nagkabalikan umano sina Bea at Dominic.
Mukhang hindi natuwa sina Cristy sa development na ito.
Komento ni Cristy, tingin niya ay “pinaglaruan” lamang nina Bea at Dominic ang publiko. Na parang “in-enjoy” lang daw ng mga ito na pinag-uusapan sila.
Nabanggit din ni Cristy na ang hindi niya nagustuhan sa nasubaybayang isyu ay “nagturo” pa raw sina Bea at Dominic ng sisisihin at pagkatapos ay “biglang walang kibo.”
Cristy Fermin
CRISTY FERMIN ON ALLEGATIONS FROM BEA’S DRIVER
MARCH 15, 2024
Hindi lang tungkol sa buhay pag-ibig ni Bea nagkomento si Cristy. May iba pa siyang mga isyung pinalutang.
Isa na rito ay ang diumano’y kawalan ng malasakit ni Bea sa kanyang mga kasambahay.
Inihayag ito ni Cristy sa March 15 episode ng online show na may pamagat na “BEA, NABUKING NG MOMMY, PINAGALITAN! CHARICE, AYAW NANG MARINIG NI JAKE ZYRUS!”
Ayon kay Cristy, pinalayas daw sa bahay ni Bea ang ilang mga kasambahay kabilang ang driver ni Bea.
Nakausap daw ni Cristy ang girlfriend ng driver ni Bea. Ito ang source ng kanyang impormasyon.
Kuwento raw ng source, ipinapabayad ni Bea sa driver ang mga gasgas at sira sa sasakyan kapag naaksidente ito sa pagmamaneho.
Sundot ni Cristy, “Ang tanong ko, bakit, wala bang insurance ang kanyang sasakyan?”
Inireklamo rin ng source na wala umanong overtime at night differential pay ang driver ni Bea.
Nakisimpatiya si Cristy sa sitwasyon ng driver.
Pagpapatuloy ni Cristy, “Ipagda-drive ni [driver] si Bea papuntang Iba, Zambales, sa kanyang farm.
“Tapos sa taping and shooting puma-pack up sila umaga na halos. So, wala pang tulog may lakad na naman…
“Pero bakit hindi mo binibigyan ng overtime? Bakit wala man lang night differential?”
Kuwento pa rin ng source kay Cristy, may benefits naman daw ang mga kasambahay ni Bea, tulad ng SSS at Philhealth.
Pero reklamo ulit ng source, hindi umano pinapayagang umalis ng bahay ang mga kasambahay para lakarin ang requirements sa kanilang mga benepisyo.
Tanong naman ni Cristy para kay Bea: “Bakit wala ba siyang liaison officer? May sekretarya naman siya, may P.A. naman siya, dapat sila ang lumalakad.”
Base sa paglalahad ng source ni Cristy, may “four to five” months lang nagtrabaho ang driver kay Bea.
Naroon pa raw ang driver nang maghanda ng Valentine surprise ang mga kasambahay ni Bea.
Pero kalaunan ay hindi na raw pinabalik ang driver sa trabaho.
Suspetsa ng source, ayon pa rin sa paglalahad ni Cristy, pinagbintangan umano ni Bea ang driver na nagsusumbong sa ina ng aktres.
Nakarating umano sa ina ni Bea na may dalawang okasyong natulog si Dominic sa bahay ng aktres noong panahong napabalitang break na ang couple.
Katuwiran ng source ni Cristy, hindi naman daw ang driver ang nagsumbong sa ina ni Bea.
Sundot ni Cristy, “Hindi naman natin sinasabi na, ‘Si Bea Alonzo ganito, ganyan.’ Wala tayong kamalay-malay ganyan pala yan. Ang layo sa hitsura!”
Bea Alonzo with her household staff
MORE ISSUES ABOUT BEA ALONZO’S LOVE LIFE
MARCH 23, 2024
Si Bea rin ang pinag-usapan sa episode ng show ni Cristy noong March 23. May titulo itong “MADALDAL KASI SI BEA, LAGOT! SIPPY-SIPPY RAW, AS IN SIPSIP, SI VICE GANDA! SINGER, LA OCEAN DEEP NA!”
Tinalakay rito ang pagkrus ng landas nina Bea at Julia Barretto na nagbesohan, nag-usap, at nagtawanan sa isang event.
Si Bea ay ex-girlfriend ni Gerald Anderson, at si Julia ang current girlfriend ng aktor.
Inulit dito ni Cristy na diumano ay “walang ghosting” sa hiwalayang Bea at Gerald noong 2019.
Nang maugnay raw kasi si Gerald kay Julia noon, sina Bea at Dominic ay may ugnayan na rin daw noon.
Sabay hirit ng isang co-host ni Cristy, lumalabas na “sinungaling” umano si Bea sa akusasyon nito noon kay Gerald na ghinosting siya ng aktor.
Pagkatapos ay hiniritan naman ni Cristy ang isa pang co-host niya na “pangaralan” si Bea.
Masyado raw “talkative” si Bea kaya sa huli ay ito rin ang naiipit sa mga binitawang salita.
MARCH 29, 2024
Patuloy ang pagsubaybay ni Cristy at ng kanyang co-hosts sa love life ni Bea.
Iyon ulit ang pinag-usapan sa episode ng show ni Cristy noong March 29, na may titulong “BEA AT DOM, PALIHIM ANG BALIKAN? KRIS, MAY PERA, PERO NAGDURUSA”
Pinag-usapan dito ang balitang nagkabalikan umano sina Bea at Dominic. Ang problema ay tutol daw ang ina ni Bea.
Nagbitiw ng opinyon si Cristy rito.
Sabi ni Cristy: “Masakit kasi sa tenga yung huling biyahe na ni Bea ito… Na para bang kailangan na lang niyang tanggapin si Bea dahil treinta’y sais anyos na siya.
“Hindi maganda yun. Hindi mo kailangan ng isang tao para lamang mapasubalian yung edad mo.”
Hindi raw maganda ang dating na pagkatapos ng mga kontrobersiyang nakapalibot sa hiwalayan nina Bea at Dominic ay magbabalikan ang mga ito nang basta na lang.
“Tanggapin natin ang katotohanan na si Bea talaga ay naging nega,” sabi ni Cristy.
Sabay kinuwestiyon ni Cristy kung nasaan ang manager ni Bea na si Shirley Kuan at paano raw niyo inaayos ang sitwasyon ng aktres.
Dominic and Bea at GMA Ball 2023
APRIL 18, 2024
Sa episode ng online show ni Cristy noong April 18, inihayag niyang diskumpiyado siya kay Bea.
May pamagat itong “BEA ALONZO, MAY BAGONG DRAMA!? KATHRYN AT ALDEN, LANTARAN NA!? TV HOST, INSECURE, MARAMOT!”
Tinalakay ni Cristy at ng kanyang co-hosts ang pagbura ni Bea ng mga litrato nila ni Dominic.
Sinimulan ni Cristy sa pagsasabing binansagan umano si Bea ng ibang netizens bilang “Reyna ng Eklatera.”
Si Cristy man ay tinawag ding “eklatera” si Bea. Hindi raw naniniwala si Cristy na binura ni Bea ang mga litrato ni Dominic, kundi tinago lamang daw ang mga ito.
Tingin daw ni Cristy ay ginawa iyon ni Bea para patunayan sa ina na hindi na sila ni Dominic. “Pinagagalitan” daw kasi si Bea ng ina.
Kaugnay ito ng balitang hindi na makikita sa Instagram account ni Bea ang mga litrato nila ng ex-fiancé.
Inulit ni Cristy ang impormasyon niya mula sa kanyang sources na sa kabila ng pinaniniwalaang hiwalayan nina Bea at Dominic ay “natutulog” pa rin daw si Dominic sa condo unit ni Bea.
Binanggit din ni Cristy ang isyu kay Dominic na nababasansagang “user” dahil sa pagpapakita nito sa netizens na si Bea pa rin ang wallpaper sa cellphone ng binata.
Sabay sundot ni Cristy na “bumagsak ang premium” at “na-nega” si Bea dahil sa kontrobersiya nila ni Dominic.
Pakiramdam daw ni Cristy at ng kanyang co-hosts ay “pinaglaruan” ng couple ang media dahil hinayaan daw ng mga itong maniwala ang tao na hiwalay sila iyon pala ay “sila pa rin.”
Hindi raw consistent ang couple. Matapos daw maglabas ng joint statement na gusto ng “privacy” ng mga ito, ang mga ito rin ang gumagawa ng aksiyon para “mapag-usapan,” tulad ng pagbura ni Bea sa mga litrato nila ni Dominic.
APRIL 28, 2024
Naglabas ng panibagong update si Cristy tungkol kay Bea sa April 28 episode ng online show nito. Ang titulo ng episode: “KATHRYN, DAKILANG ANAK?MOMMY NI BEA, AYAW TALAGA KAY DOMINIC?”
Napag-alaman daw ni Cristy sa source nito na “tuluyang hiniwalayan” ni Bea si Dominic.
Kuwento raw ng source, ang ina mismo raw ni Bea ang nagkumpirma nito. Kaibigan daw ng source ang ina ni Bea.
Lubos daw ang saya ng ina ni Bea dahil tutol umano raw itong pakasalan ni Bea si Dominic dahil sa mga hindi magandang isyu na nakakarating dito.
“Masaya ako. Hiniwalayan na talaga ng anak ko,” sabi raw ng ina ni Bea sa source.
Gusto raw ng ina ni Bea na makakasundo nito ang mapapangasawa ng anak.
Kumabig si Cristy sa opinyon niya tungkol sa pagbura ni Bea ng mga litrato ni Dominic sa Instagram.
Ani Cristy, senyales na raw pala talaga iyon na hiwalay na ang couple.
Pero nanindigan si Cristy sa opinyon niyang “bumaba ang premium” ni Bea dahil sa isyu.
“Tanggapin po natin, bumaba po talaga ang kanyang premium.
“Iba po talagang magtampo ang ating mga kababayan kapag meron silang nasilip sila na hindi kaaya-aya para hangaan ang artista, bibitiw, babaklas.”
MAY 2, 2024
Pormal na naghain si Bea ng reklamong cyber libel laban kay Cristy noong May 2 sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Dawit sa reklamo ang co-hosts ni Cristy na sina Wendell at Romel.
Hindi sinabi ng abogado ni Bea ang eksaktong mga episode sa online show ang inalmahan ng aktres.
Pero idiniin ng abogado na nagdesisyon si Bea na umaksiyon dahil sa “defamatory and malicious statements” na ibinabato ni Cristy sa “character” ng aktres.
Hindi raw tama na gamitin ang “negative sensationalism” sa ngalan ng mataas na views, na pinagkakakitaan daw ng show ni Cristy.
MAY 3, 2024
May 3 una nang nagsalita si Cristy tungkol sa demanda ni Bea sa kanya.
Umere iyon sa programa ni Cristy na Cristy Ferminute, na pinapalabas sa cable TV na One PH at may simulcast sa radio station ng TV5 na 92.3 Radyo 5 True FM.
Ayon kay Cristy, hindi pa niya alam ang nilalaman ng reklamo ni Bea dahil wala pa siyang kopya nito.
Ipinaliwanag niyang “malayo pa ang tatakbuhin ng kasong ito” dahil magpapalitan pa ang bawat kampo ng kanilang sinumpaang salaysay para sa kani-kanilang panig.
Nasa husgado na raw ang desisyon.
Pero hindi raw matatanggap ni Cristy ang alegasyong ginagamit niya si Bea para “pagkakitaan” at “pampataas ng views” sa kanyang online show.
Ni hindi raw isinaalang-alang ang mga pagtatanggol at proteksiyon na ginawa niya para kay Bea noon.
Nagbabalita raw siya, mapa-positibo o negatibo, hindi lang kay Bea kundi sa iba-ibang “public figures.”
Trabaho raw niya iyon bilang mamamahayag.
Diin ni Cristy: “Kayo po ay public figures, kayo po ay nabubuhay sa loob ng aquarium. Sabi ko nga, at gasgas na ang linya kong ito, kayo po ay mga isda sa loob ng aquarium. Ang publiko po ay nakatanaw sa inyo bawa’t galaw ninyo, bawat ikot n’yo, marami pong nakatanaw, wala kayong maaring ligtasan.”
Dagdag pa nito, nirerespeto niya ang karapatan ni Bea na magsampa ng reklamo.
“Pero kung ito ang naging dahilan para busalan ninyo ang aming bibig, opinion at malaya naming pamamahayag ay nagkakamali kayo.”
Handa raw si Cristy na harapin ang reklamo sa kanya.
Sabi niya patungkol kay Bea, “We will see you in court.”
MAY 6, 2024
Sa kanyang online show noong May 6, naglabas ng pahayag si Cristy sa kinahaharap ng cyber-libel complaint
May titulo ang episode sa show na “KIKO, OUT SA PROBLEMA NG MAG-INA! BEA, PANINIRA BA ANG MGA SALITANG ITO? ANG SUNGIT NI GIRL!”
Ayon kay Cristy, hindi totoong puro paninira kay Bea ang ipinapalabas sa kanyang online show.
Binalikan sa show ang clips mula sa siyam na episodes na pinalabas mula April 1 hanggang October 2022, episode noong December 28, 2023, at episode noong January 27, 2024.
Tinalakay sa mga episode na iyon ang mga papuri ni Cristy sa achievements ni Bea, at pagdepensa ni Cristy sa aktres na noo’y iintriga ng showbiz columnist at talent manager na si Lolit Solis.
Ikinatuwiran iyon ni Cristy na mga patunay na hindi raw dinisenyo ang online show niya para tiradahin si Bea.
Wala pang sagot ang kampo ng aktres tungkol sa pahayag ng showbiz columnist at host.
Bukas ang Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.