May panibagong pag-amin ang aktres na si Andrea Brillantes tungkol sa naging celebrity crush niya noong bata pa siya.
Sa bagong upload na vlog ni Ivana Alawi na may titulong “KING CRAB MUKBANG + JUICY Q&A WITH ANDREA BRILLANTES” nitong nakaraang September 22, 2023, diretsong inamin ni Andrea na crush na crush niya noon si Paul Salas.
Naitanong kasi ni Mona Alawi, kapatid ni Ivana na kasama nila sa mukbang vlog, kung sino ang first crush nito.
Sabi ni Andrea, “First crush ko, ako po Paul Salas.
“Paul Salas kasi nag-audition po ako noon sa Marimar, hindi ako nakuha.”
Ang Marimar ay ang Kapuso primetime serie na pinagbidahan nina Marian Rivera at Dingdong Dantes taong 2007.
March 2003 ipinanganak si Andrea kaya tama ngang apat na taong gulang lamang siya noon.
Kuwento pa ni Andrea, “Pero napansin po ako ni Sir Dingdong, kinuha niya ako sa parang wedding ng kapatid niya or whatever, tapos ang kasama ko dun si Paul Salas.
“Siguro mga four or five years old lang yata ako nun, tapos crush na crush ko talaga siya.”
Tanging nasambit ni Ivana sa pagkabigla, “Four years old?”
Ayon pa kay Andrea, “Crush ko talaga si Paul Salas, e. Oo.
“Crush na crush ko siya noon. Pero ngayon, hindi na.”