Carla Abellana answers change of management, network transfer iss.ues

Isa-isang sinagot ni Carla Abellana ang mga katanungan ng press tungkol sa ilang katanungan tungkol sa kanyang career moves.

Una na rito ang pag-alis niya sa Luminary Talent Management, ang talent management ni Popoy Caritativo.

Noong Martes, September 26, 2023, opisyal na ipinakilala sa media si Carla bilang bagong artist ng All Access to Artist (Triple A Management) na ginanap sa Sampaguita Gardens.

May anggulo na lumalabas na umalis si Carla kay Popoy dahil alaga rin nito ang kanyang ex-husband na si Tom Rodriguez, at bali-balitang babalik na ito ng bansa.

Diumano, umiwas lang si Carla para hindi sila magkailangan ni Tom sa isang management.

“Actually, parang hindi naman po,” saad ni Carla.

Diin niya: “Kasi, kung dahil lang do’n, dapat umpisa pa lang, umalis na ‘ko. But of course, professional po akong tao.

“Hindi naman po ako basta-basta aalis ng Luminary kung dahil lang sa reason na ‘yon po.

“Wala pong kinalaman. Nothing to do with that.”

Lumipat si Carla kay Popoy nang magpakasal ang aktres at si Tom noong October 2021.

Pero January 2022 ay naiulat ang hiwalayan nina Tom at Carla, at kalaunan ay nakumpirma iyon.

NO BAD BLOOD WITH POPOY

Nilinaw din ni Carla na maayos siyang nagpaalam kay Popoy bago lumipat ng ibang management.

Dalawang taon din ang aktres sa pangangalaga nito.

Sabi naman ni Carla: “And of course, no bad blood po yan, maayos naman po akong nagpaalam kay Popoy.

“Of course, pumayag naman po siya at hindi naman po niya ko talagang pinigilan or anything.

“Wala naman pong away or misunderstanding or anything. Kumbaga, maayos po ang aking pag-alis, pagpapaalam ko po sa kanya.

“Of course, I’ll always be grateful naman po sa lahat ng trabaho, sacrifies, lahat ng effort, hardwork na binigay po ni Popoy sa akin.

“At saka, kahit sa labas po ng trabaho, si Popoy ‘yan. Kumbaga, hindi na po ito trabaho, yung aming relationship, hindi na po mababago.”

Bakit niya naisip na umalis?

“Parang nararamdaman ko po na marami pa po akong gustong gawin, gustong subukan. Nararamdaman ko po na sa ibang management ko po magagawa.

“At buti na lang, nagpaubaya naman po si Popoy at maayos naman po silang nag-usap ni Direk Mike.”

Si Mike Tuviera ang presidente ng All Access Artists….”

RUMORED NETWORK TRANSFER

Isa pang isyu na tinanong kay Carla ay kung may katotohanan ang usap-usapang diumano’y aalis na rin siya ng GMA-7 at lilipat ng ibang network.

Sabi ni Carla, “Sa tingin ko po, kaya po yan maingay o nagsimula yung gano’ng chismis dahil yung kontrata ko po sa GMA, nag-expire na noong May.

“So, medyo matagal na rin pong expire. Four months na rin pong expired ang aking kontrata. So, siguro po, do’n po nagsimula ‘yon.

“At wala pa pong renewal, wala pang signing or anything. So, siguro kaya may gano’ng nakakasingit kasi po, e, question mark pa po ‘yon.”

Wala pa raw talaga siyang masasagot sa bagay na ito.

“Sa ngayon po, e, wala pa naman po akong pinipirmahan na kahit anong kontrata naman po to any network.”

Ayon din kay Carla, “under negotiation” pa rin ang ugnayan niya sa GMA-7.

“Ay opo, definitely, pinag-uusapan na rin po ‘yan. Ilang months na rin po, dinadaan sa negotiation and may mga discussions na rin po.”

Sa ngayon, may ipalalabas pa siyang teleserye sa Kapuso network, ang Stolen Life, kunsaan kasama niya sina Beauty Gonzalez at Gabby Concepcion.

ON FUTURE PLANS

Labing-apat na taon na ang nakalilipas mula nang magsimula siya sa showbiz bilang bida ng GMA-7 adaptation ng teleseryeng Rosalinda.

Marami pa raw siyang gustong maabot pa pagdating sa pag-arte.

“Whether sa pelikula or sa teleserye, marami pa po akong hindi nakakatrabaho.

In terms of mga hindi ko pa nakaka-trabaho, do’n po ako, e, more than sa role. Do’n sa hindi nakakatrabaho, mas do’n po ako nae-excite.

“Alam naman po natin na sa industriya natin, mas maliit po ang chance na maka-trabaho namin ang ibang artista pa na hindi ka-same network.

“So, do’n po ako nae-excite. Yun po ang parte ng aking wish list or bucket list. Magkaroon po ako ng chance na makatrabaho sila, lalo na mga leading men pa.”

Mabilis ang sagot ni Carla nang tanungin naminkung sino sa mga leading actors ngayon ang gusto niyang makatrabaho.

“Ay, isa po sa pangarap ko, Piolo Pascual po!” nakangiting sabi niya.

Natawa naman ito nang biruin namin na mukhang pa-ABS-CBN nga yata siya papunta.

“Piolo Pascual po, whether pelikula or teleserye, kahit ano po,” saad ni Carla.

“Pero yun nga po ang sabi ko, exciting ang ating industry ngayon. At least, may mga gano’ng opportunities na nagko-co-prod na po ang ating mga networks ngayon.”

Isa rin daw sa gusto niyang pagtuunan pa ng pansin ay ang kanyang social media.

“Napakahusay ng All Access to Artists ng kanilang Digital team. Excited akong pagandahin pa, buhayin pa ang aking social media platform.

“Alam kong hindi nila ‘ko pababayaan pagdating do’n, susuportahan po nila ko ro’n.”

Gusto rin ni Carla na makatrabaho sina Marian Rivera at Maine Mendoza lalo na at isang management na lang sila.

“Sana po kahit isang social media post lang with Ms. Marian Rivera at Maine Mendoza. Hindi naman po kailangang full project,” sey niya.

“Marami pa po, makapag-hosting pa ulit, sana whether variety show or big pageant po ulit.”