Jillian Ward says Ken Chan is boyfriend material

Jillian Ward and Ken Chan

Ngayong nabuo ang tambalan nina Jillian Ward, 18, at Ken Chan, 30, sa seryeng Abot Kamay Na Pangarap ng GMA-7, may mga kinikilig at umaasa na may mabuong espesyal na pagtitinginan sa pagitan ng dalawa.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), tinanong ang Kapuso actress kung bukas siya sa posibilidad na magkahulugan ang loob nila ni Ken.

“Well, di pa talaga ako nagpapaligaw. Basta masaya ako kasi kumbaga nagkaroon ako ng isa pang totoong tao sa buhay ko,” bungad ni Jillian.

Tingin ba niya ay boyfriend material si Ken?

Sagot ng dalaga, “Of course, si Ken sobrang bait siya, sobrang sipag and matalino siya. Di lang siya artista, businessman din siya. Super faithful din siya.

“Alam ninyo, sobrang na-touch ako sa kanya, nag-mass kami sa taping kasi first year anniversary namin.

“Ngayon ko lang nalaman na sobra pala ang faith niya kay God. Mas natuwa ako sa kanya.”

Unang nagkatrabaho sina Jillian at Ken bilang mag-kuya sa Kapuso prime-time series na My Special Tatay noong 2018.

Ay ngayon nga ay ipinapareha na sila sa hit afternoon series.

Lahad ni Jillian sa onscreen chemistry nila ni Ken: “Alam niyo, nung una nabigla kami na ang daming natutuwa sa amin, ang daming kinikilig.

“Nung una parang, ‘Ay, talaga?’ Pero sa totoo lang, sa ngayon pag may ginagawa kaming scenes, kinikilig kami habang ginagawa namin.

“Minsan napagsasabihan kami kasi pareho kaming di makontrol yung tawa namin pag nagte-take. Napagsabihan kami, ‘Alam niyo di na kayo puwedeng magtabi,’ kasi masyado raw kaming masaya kapag magkasama. Tawa lang kami nang tawa as in.”

Kuwento pa ni Jillian, magkasundo sila ni Ken on and off-cam.

“We’re super close, as in super close. Yesterday nag-breakfast kami sa taping then nag-dinner din.

“Lagi ko siyang kausap, lagi ko siyang tinatanungan ng advice, lagi kaming nagtutulungan sa eksena, even outside sa eksena.

“Sa personal and sa onscreen nagtutulungan kami.”

Nakapanayam ng PEP.ph si Jillian sa 15th anniversary ng LifeStrong Marketing Innovation, na ginanap sa Luxent Hotel sa Quezon City noong September 16, 2023.

BRANDING FROM GMA-7

Samantala, binigyan ng GMA-7 si Jillian ng titulong “Star of The New Gen.”

“Di ko ine-expect yun,” reaksiyon ni Jillian.

Dugtong niya: “Pero masaya ako sa lahat ng blessings, mayroon mang title o wala, ine-enjoy ko lang ang ginagawa ko pero thankful ako.

“Well, ako kasi di ko hinahayaan na mapunta siya sa ulo ko at para di rin ako ma-burn out sa ginagawa ko.

“Kumbaga, di rin magbago yung hardwork ko, so di ko siya hinahayaang mag-sink in masyado. Ine-enjoy ko lang ang ginagawa ko mayroon mang title or what.”

ON MOVIE WITH BONG REVILLA

Bali-balita na gagawin nila Jillian at Sen. Bong Revilla ang remake ng pelikulang Isusumbong Kita Sa Tatay Ko, na pinagbidahan nina Judy Ann Santos at namayapang Fernando Poe Jr. noong 1999.

Paglilinaw ni Jillian, hindi remake ang proyekto nila ni Bong.

Pero parang ganun ang tema niya, tatay ko siya, comedy siya, action, comedy and drama.

“Of course, sobrang saya ko kasi naaalala niya ako after all these years. Nakatrabaho ko siya nung four years old ako.

“Ngayon, siya talaga ang tumawag sa akin, siya ang nagsabi, ‘Let’s do a movie together.’

“Sobrang nakaka-touch kasi di niya ako nakalimutan, kinonsider niya ako at magiging totoo na ang pinaplano niya.

“It would come to life na talaga so masaya ako, sobrang blessed talaga kasi more than dun sa gagawing movie, naalala ako ni Sen. Bong.”