Gerald Anderson on settling down with girlfriend Julia Barretto: “Mas marami pang problema sa mundo ngayon.”

Going strong ang relasyon nina Gerald Anderson at Julia Barretto mula nang isapubliko nila ang kanilang pag-iibigan noong March 2021.

Ayon kay Gerald, marami na silang pinagdaanan ni Julia ngunit mas nananaig ang tiwala nila sa isa’t isa kaya sila patuloy na nagtatagumpay.

Pagbabahagi ng Kapamilya actor, “You know, maraming ups and downs, e, sa relationship, business, career, may mga ups and downs yan.

“Ang importante, alam naman natin na kapag nasa down, aangat ulit. Basta always stay humble, kasi bababa ulit and aangat uli.

“Never give up, and siguro ayon yung ginagawa namin [ni Julia], hindi kami naggi-give up sa mga endeavors namin and each other.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng entertainment press sina Gerald at Julia sa press room ng ABS-CBN Ball, noong Sabado, September 30, 2023.

Dito ay hindi sila nakaligtas sa tanong kung kung kailan magle-level up ang kanilang relasyon at humantong ito sa usaping pagpapakasal.

“Napag-uusapan na ba ang marriage?” tanong ng isang reporter sa dalawa.

Natatawang sagot ni Gerald, “Sasabihin namin sa yo?

“Mas marami pang problema sa mundo ngayon kesa ano.

“Pero you know, darating tayo [diyan]. Basta, basta.”

Nauna nang pinabulaanan ni Julia, noong September 8, ang haka-hakang kasal na sila ni Gerald.

Paglilinaw ng Viva actress, “No, walang ganun, walang ganun. Walang secret-secret! Mahirap magka-secret na ngayon sa mundong mabilis ang balita!”

Ang tanging kinumpirma lang ni Julia ay maligaya sila ni Gerald sa takbo ng kanilang relasyon.

Pero wala raw siyang nakikitang rason para madaliin ang paglagay sa tahimik.

“Sobrang excited… Bakit niyo ba kami minamadali?” natawa uling bulalas ng aktres.

“We’re just really happy where we are right in life. I mean, it’s something to look forward to.”

GOING TO THE BALL TOGETHER

Walang mapagsidlan ang saya at excitement nina Gerald at Julia na sila ang magka-date sa ABS-CBN Ball 2023.

Naganap ang ABS-CBN Ball o Star Magic Ball, ang annual formal gathering event para sa Kapamilya stars, sa Shangri-La Makati.

Hindi katulad noong 2019, sa parehas ding ABS-CBN Ball, naglakad nang solo sina Julia at Gerald sa red carpet.

Ayon sa Kapamilya actress, mas naging espesyal pa ang pagtitipon at pagdalo niya ngayon dahil kasama na niya ang nobyo.

Saad ni Julia, “Kanina ko pa sinasabi na I’m really excited to be here, but I’m even more excited that I get to walk and attend this event with Gerald. So, we’re so excited.”

Tinanong din si Gerald kung paano niya ide-describe ang kanyang date na si Julia noong gabing iyon.

Pagmamalaki niya, “Very beautiful. Given naman na yon, hindi ko na kailangang sabihin.”

Hirit pa niya, “Wala akong [suot na] jewelry tonight. Ito [Julia] yung jewelry ko tonight. Check niyo yung Instagram ni Julia Barretto, ayon yung ano ko, jewelry ko.”

Para sa Kapamilya actor, bukod sa kasama niya si Julia, masaya rin siyang makita ang mga katrabaho niya matapos ang halos apat na taong pagkakahinto ng taunang ABS-CBN Ball dahil sa pandemya at pagkawala ng prangkisa ng Kapamilya nework.

Aniya, “Yung magkikita-kita ulit yung mga nakasama natin sa trabaho and yung mga makakasama pa natin at mga kaibigan nating matagal na nating hindi nakasama, it’s celebration.

“Forever grateful, the fact na nandito tayong lahat, we have all the opportunity to be together, it’s a great privilege sa atin.”