#BeaAlonzo1521issue
Hindi itinago ng talent manager na si Shirley Kuan ang galit sa aniya’y paninira sa alaga niyang si Bea Alonzo ng producer ng international film na 1521.
Ang 1521 ay iprinodyus ng Inspire Studio, ang independent production company na pag-aari ng U.S.-based Filipino producer na si Francis Ho.
Si Bea ang female lead star sa 1521, at ang leading man niya ay ang American actor na si Hector David Jr.
Nabalutan ng kontrobersiya ang pelikula dahil sa mga mabigat na paratang ng kampo ng producer laban kay Bea.
Diumano, hindi maganda ang karanasan ng producer sa pakikipatrabaho sa aktres na maraming “unreasonable demands and expectations” kahit wala sa kontrata.
Nagpatutsada rin ang kampo ng producer sa pagtanggi umano ni Bea na i-promote ang 1521.
Dahil sa mga naglabasang ulat tungkol sa isyu, nababansagang hindi maganda ang work attitude ni Bea.
Na basta na lang nito iniwan sa ere ang pelikulang pinagbidahan, at hindi man lang tinulungan ang producer sa pag-promote.
Diin ni Shirley, walang katotohanan ang mga alegasyon laban kay Bea.
“I don’t want her to have a wardrobe malfunction in front of everybody during the shoot.
“Is that unreasonable?”
Ito ang mariing balik-tanong ni Shirley laban sa producer.
Tinawag ni Shirley na isang “modus operandi” ng producer ang pandidiin at pang-iipit kay Bea para galitin ito at magkaroon ng publicity tungkol sa pelikula.
Sinabi ito ni Shirley nang humarap siya sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa headquarters ng Summit Media Office sa Mandaluyong City, noong Miyerkules, October 5, 2023.
Kasama sa panayam ang awtor na ito si Rommel Llanes, associate editor at head of video section, at si Khryzztine Baylon, writer for news section ng PEP.ph.
PRODUCER CLAIMS BEA DID NOT SHOW UP FOR COSTUME FITTING
Unang alegasyon laban kay Bea ay kagagawan umano ng aktres kung bakit ito ang nagbayad ng costumes nito sa pelikula.
Base ito sa official statement ng kampo ng producer, na nailathala sa Inquirer.com at sa online tabloid counterpart nito noong September 30 at October 2, respectively.
Ang nagbayad at nagpagawa raw ng original costume ni Bea ay ang producer.
Pero nagkaaberya nang hindi sumipot si Bea sa schedule ng fitting ng costume bago nagsimula ang produksyon.
“Later on she wants to redesign the costume according to her style and wants her own tailor to do it and refused to have it fixed by production design contracted tailor.
“So, she ended up paying for the repair herself since she refused the services of the production tailor,” saad sa bahagi ng pahayag mula sa kampo ng producer.
Sinegundahan ito ng production designer na si Francisco Nebres, na kilala rin sa palayaw na Nono.
Sa kanyang Facebook noong September 30, sinabi ni Nebres na isang young fashion designer mula sa Bicol ang gumawa ng “warrior costume (with double)” at “princess costume” para sa isang eksena ni Bea sa pelikula.
Inatasan daw ang fashion designer na isang buwan bago ang shooting ay sukatin ni Bea ang costumes.
Pero, isang linggo bago magsimula ang shooting sa Palawan, nalaman daw ni Nebres na nagkaroon ng “alterations” sa costumes ni Bea, at ang gumawa ay ang personal stylist ng aktres.
Pinayagan daw ng produksiyon na i-alter ang costume “for Bea’s comfort.”
SHIRLEY CLARIFIES BEA’S COSTUME WAS ILL-FITTING
Kinontra ito ni Shirley.
Aniya, mali ang impormasyong nilalabas ng producer at production designer ng 1521.
Wala raw binigay kay Bea na fitting schedule isang buwan bago ito nagsimulang mag-shooting noong August 1, 2022 sa Palawan.
Idinetalye ni Shirley sa PEP.ph ang timeline kung kailan unang nasilayan at nasukat ni Bea ang kanyang costume.
July 25, 2022—o anim na araw bago ang flight ni Bea patungong Palawan—saka pa lamang daw ipinadala ni Nebres sa staff ni Shirley ang mga kopya ng litrato ng costume ni Bea.
“Kung hindi pa kami nag-request, di niya pinadala,” punto ni Shirley.
“Photos pa lang, dahil ni-request ng office ko, ‘Patingin man lang, hindi pa namin nakikita anong itsura ng costume, lilipad na si Bea.’
“So, hindi totoo yung one month before na [fitting schedule].”
July 26, 2022, lumuwas daw mula Bicol patungong Manila ang fashion designer na gumawa ng costume ni Bea, at personal na dineliver ang tatlong costume na gagamitin ni Bea.
Wala raw si Bea nang dumating ang designer. Pero pag-uwi ng aktres, noong araw na iyon, agad na sinukat ng aktres ang costume.
“Hindi kasya. Maraming diperensiya,” saad ni Shirley.
“Because nakikita yung likod ni Bea, nakikita yung side niya, hindi maitaas yung zipper.
“I don’t want to show it to public. I wanna keep that private, with all due respect to Bea. But I will show it to you as proof.”
Sa puntong ito, ipinakita ni Shirley sa PEP.ph ang mga litrato kunsaan makikitang sinukat ni Bea ang kanyang costumes.
Ang papel ni Bea sa pelikula ay isang native Filipino princess noong pre-colonial period sa Pilipinas kaya mabusisi ang costume ng aktres.
Nakita ng awtor na ito ang original version ng babaylan/warrior costume ni Bea: one-shoulder bra top at matching skirt.
Sa litrato, makikitang maluwag ang bra top at kailangang i-adjust para hindi ito malaglag.
Nakita rin ng awtor na ito ang original princess costume naman na natahi para kay Bea: isang pink formal gown.
Lampas dalawang dangkal ang pagitan ng tela, kaya hindi maitaas ang zipper sa likod ng gown. Mayroon ding problema sa bandang gilid ng gown.
May ikatlong outfit din na ginawa ang fashion designer na matching white crop top at white shorts para sa isang eksena sa dulo ng pelikula.
Pero hindi maisara ang zipper sa shorts.
Malinaw na hindi kasya kay Bea ang second at third outfits, habang ang first outfit ay kailangang i-adjust.
“July 27, 2022 we sent the photos to Nono [and told him] that the costumes did not fit well. So, Bea will just have it repaired,” patuloy ni Shirley sa panayam ng PEP.ph.
Kinabukusan, June 28, nag-request daw ang team ni Bea na makipag-Zoom meeting sa production team ng 1521 para humingi ng malinaw na instructions.
Diin ni Shirley, “Again, dun sa pre-prod, we discussed na hindi kasya yung costume.
“Again, pinakita namin sa Zoom dahil andun yung producer, andun yung director, andun yung line producer, andun yung makeup artist.
“It was a pre-prod. We requested for it. It was our initiative.
Ang tinutukoy ni Shirley na director ay ang Filipino-American actor-director na si Michael Copon.
Si Copon ang gumanap bilang Lapu-Lapu sa 1521. Ilan sa kanyang acting credits sa American TV series ay ang pagganap niya bilang Blue Ranger Power Rangers Time Force (2001) at Felix sa U.S. TV series na One Tree Hill (2004-2005).
Ang AD o assistant director ay si Mai Montelibano, ang line producer ay si Ramon “Monch” Bravante, at ang production designer na si Nebres.
TEAM BEA TAKES CHARGE OF REPAIRING THE COSTUME
Ang suhestiyon daw ng production team ay ipagawa ang tatlong costumes ni Bea sa Palawan.
Tumanggi raw ang team ni Bea.
Paliwanag ni Shirley: “E, kailan pa i-re-repair yan? E, shooting na pagdating niya.
“And then sino yung mga tailor niyo diyan? Baka hindi gamay ang katawan ni Bea.
“May ganun, e, gamay-gamayan. Kahit ikaw, kung may sastre ka, gamay ka, di ba?
“At saka, wala nang time. Remember, they sent the costume on the 26th. Bea has to be in Palawan August first, start ng shoot.”
Dahil gahol sa oras kaya raw personal nang inasikaso ng team Bea ang pag-ayos sa costumes nito.
Lahad ni Shirley: “We did not demand. We told them, ‘What are we supposed to do?’
“Kami nang gagawa ng paraan to protect Bea. Hindi namin trabaho yan. Pero ginawa namin.
“Sige na lang. Let’s be a team player. Is that unreasonable?”
Diin pa ni Shirley, “At pumayag sila. Kasi, hindi namin sisisingilin.
“We’ll just take care of it. Even though kasalanan nila, technically. Kasalanan nila, e.”