Sugar Mercado declares loyalty and support for TVJ, Willie Revillame

sugar mercado in pink

Bilang dating miyembro ng SexBomb Girls at co-host ng Eat Bulaga!, naapektuhan din daw noon si Sugar Mercado nang magkaroon ng problema sna Tito, Vic & Joey sa TAPE, Inc. executives na humantong sa paglipat ng veteran TV hosts-comedians at pagbubukas ng bagong programa sa TV5, ang E.A.T..

Pahayag ng 37-year-old dancer-comedienne, “TVJ, inilaban nila, di ba?

“Ang haba na ng taon na ginugol nila sa entertainment. History na talaga sila.

“Basta alam ng tao na sila ay nakakatulong sa mga mamamayang Pilipino, like ako, galing ako sa dukha, natulungan ako ng TVJ. Sila ang naging daan kung bakit ako naging si Sugar.

“Kaya alam ko, kahit ano pa ang pinagdaanan nila o pagdadaanan pa, aangat at aangat sila.

“Malaki ang naibigay nila sa mga tao, kaya alam kong ibabalik yun sa kanila ni Lord.”

Nang mabalitaan daw ni Sugar ang kontrobersiyang kinasangkutan ng legit Dabarkads, isa siya sa celebrities na nagpakita ng suporta sa mga ito.

Pagbabalik-tanaw ni Sugar, “Una nga po nag-post ako. Kasi sa simula, hindi ko po nga alam kung ano talaga ang nangyayari.

“Biglang that day, biglang hindi na lang sila nag-live.

“Si Ate Ciara [Sotto] kaagad ang unang [tinawagan ko], ‘Ano ba talaga ang nangyayari?'”

Sabi pa niya tungkol sa Eat Bulaga!, “Malaking part yun ng buhay ko, e. Malaki ang naitulong nila sa buhay ko, lalo na sa magulang ko.

“Mula sa babuyan, umangat nang umangat ang estado ko sa buhay, kahit hindi ako nakapagtapos. Yung ako lang bumubuhay sa pamilya namin.

“Kaya kapag may mga ganung nangyayari sa mga taong may malaking bagay sa buhay ko, naa-alert talaga ako.

“Kaya tinawagan ko talaga siya [Ciara]. ‘E, ayun nga, malungkot. Ganoon talaga.’

“Kaya ayun, nag-guest ako sa kanila. Yung kahit paano nakisaya ulit ako sa kanila. Kina Bossing [Vic], malaki talaga ang utang na loob ko sa kanila.”

sugar mercado gimme 5

Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Phililppine Entertainment Portal) si Sugar sa opening and ribbon-cutting ng newest branch ng Asia’s Lashes noong Linggo, October 9, sa SM Cherry, Shaw Boulevard, Mandaluyong City.

Si Sugar, kasama sina Andrea del Rosario at Jenny Miller, ang brand ambassadors kaya inanyayahan sila ng CEO at founder ng Asia’s Lashes na si Leah Urbani para magbigay ng suporta sa branch franchisee na si Anna Geda.

Hindi rin daw maiwasang malungkot nang sobra ni Sugar sa pagpapaalam ni Willie Revillame sa ALLTV, kasabay ng pansamantalang pagkawala ng programa nitong Wowowin.

Halos tatlong taon ding naging co-host si Sugar ng Wowowin noong nasa GMA-7 pa ito.

Pahayag ni Sugar, “Si Kuya Wil naman, alam ko na marami ang nag-aantay sa kanya. Alam ko na makakabalik din siya.

“Actually, sa maraming tao din niyang natulungan… saksi naman tayong lahat diyan, sa lahat ng mga tulong na ibinigay niya, so alam ko na makakabalik siya in time.

“Siguro ngayon, sarili muna niya ang inaasikaso niya, ang minamahal niya, nagre-relax muna, inaano muna ang health niya.

“Alam ko ang Panginoon, ibinigay sa kanya yung magic na yun upang makatulong sa mahihirap, kaya babalik at babalik siya.

“Makakabalik at makakabalik siya, maybe next year, or sa susunod na taon.

“Marami ang nagdarasal sa kanya para mangyari yun.”

Noong panahong marami ang nagsasabing baka katapusan na ng career ni Willie mula nang kumalas ito sa ALLTV, ano ang reaksiyon ni Sugar dito?

Saad niya, “Nasabi ko na nga, na kung TVJ ay inilaban nila, alam ko si Kuya Wil ganun din.

“Siyempre, sino ba naman ang hindi malulungkot? Maraming mga taong nabigyan niya ng pag-asa sa buhay ang mga umiyak at umaasang magkakaroon uli siya ng show.

“Sabi ko nga, kapag may magtanong kung sino sa industriya natin ang may malaking puso, lagi at lagi nang mababanggit ang pangalan ni Kuya Wil.

“Saksi naman tayo lahat diyan.

“Ako, pagkatapos kong mawala sa Eat Bulaga!, di ko rin alam kung saan mapupunta ang buhay ko.

“Lalo na single mom ako noon. Siya ng tumulong sa akin. Kinupkop niya ako.

“Binigyan niya ako para sa anak, katulad din nina Donita [Nose]. Si Tekla, si Hipon [Herlene Budol].

“Naging daan siya upang sumikat at mabigyan ng tulong ang mga taong wala.

“Kaya ako, kasama nga ang maraming taong binago niya ang kapalaran, nagdadasal talaga kami para sa kanya.”

Kuwento pa ni Sugar, “Nag-text nga ako sa kanya na, ganun nga, nagdarasal kami para sa kanya.

“Nag-reply man siya o hindi, alam kong nababasa po niya yun.

“Kilala namin siyang lahat, e. Gusto lang niyang mapag-isa, mag-isip, magmuni-muni, magnilay-nilay.”

Sa puntong ito, ibinahagi naman ni Sugar ang latest na kaganapan sa kanyang buhay.

Aniya, “Heto, busy-busihan.

“Alam niyo naman ako, isang strong-independent single mom with two kids—Gab and Olivia.

“Regular school na sila ulit, kaya more na need kong tutukan sila kasi lumalaki na, para hindi matulad sa ina na brainy. Ha ha ha!

“Tapos busy rin ako sa business ko na tinutukan ko para rin sa mga anak ako.

“At dito nga sa Asia’s Lashes, bukod sa pagiging ambassador, ay business partner din ako ni Miss Leah.

“Soon magkakaroon din ako ng streaming online kasama ang isang sikat na celebrity.

“Guestings din, at siyempre, kung merong offer na show o TV project, why not poknat, di ba?”

Sabi pa ni Sugar, “Kaya ko yan lahat, sa dami kong pinagdaanan sa buhay…

“Basta ganun ang life ko ngayon. Lahat ng efforts ko, para talaga sa mga anak ko.”