May pagsisisi sa sarili si Mickey Ablan sa pagpanaw ng panganay niyang anak na si Yzabel Ablan.
Si Janna Dominguez naman ay labis ang panghihinayang na wala siya sa tabi ni Yzabel bago ito malagutan ng hininga.
Pumanaw si Yzabel noong Sabado, October 7, 2023, dahil sa lung infection at heart failure.
Siya ay dalawampung taong gulang lamang.
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kina Mickey at Janna sa pamamagitan ng Zoom, Martes ng gabi, October 10, 2023, naglabas ng saloobin ang mag-asawa sa nakakabiglang pagpanaw ng anak.
Inusisa namin si Mickey tungkol sa medical history ni Yzabel.
Kaugnay ito sa komento ng broadcaster na si Korina Sanchez sa post ng PEP.ph sa Instagram tungkol sa biglaang pagpanaw ni Yzabel.
Komento ni Korina: “Her doctor looks LIABLE. Make the doctor accountable. Why werent the right checkups done? No XRay? Parang “biglaan” is unacceptable.”
Hindi raw ito masagot ni Mickey.
Saad niya, “Kasi yung ka-online checkup niya, alam na may lupus siya, alam na galing siya sa brain surgery.
“Ako naman, hindi ko sinisisi yung doctor, pero nasa isip ko din, at the back of my mind, na sana kinonsider din ng doctor, yung nag-online checkup sa kanya, na ‘Pumunta ka ng ER, magpa-checkup ka na sa doctor… Magpa-X-ray ka na, ganito, ganyan.’
“Kasi, ano klaseng checkup? Parang mag-usap lang kayo online.”
May mga panahon din daw na sumasagi sa isip nilang baka biglaang atakehin ng asthma ang anak.
Lahad ni Janna, “Meron talaga kasi, actually two months nga na, di ba nauso yung mga sakit, yung mga ubo? Checkup, ganyan-ganito lang.
“Puro blood works lang yung pinapagawa.
“Kami bilang parents, kampante kami kasi she wants to be independent, e, si Ate Yza, e.
“At that time kasi, siya yung kakausap sa pedia niya, parang pedialupus.
“Specifically, hindi siya yung normal pedia for pedia kids. For specific na sa sakit niya na lupus. So, yun.
“Kaya kami pag sinabi niya ng ‘Mommy,’ kampante kami na nakausap niya yung doctor niya.
“‘Okay baby.’ Kampante kami na, ‘Okay, sundin mo yung doctor mo kung anong sinabi, anong kailangan gawin, ano yung procedure na kailangan i-take.’
“Pero wala, wala naman ni-request na X-ray, di ba? Walang ni-request na ganun.”
YZABEL IS JANNA’S “FIRSTBORN”
Si Yzabel ay anak ni Mickey sa ibang nakarelasyon.
Pero nakabuo ng magandang mother-and-daughter relationship sina Janna at Yzabel nang magsama ang aktres at si Mickey.
Si Yzabel ang itinuturing ni Janna na panganay sa tatlong anak na babae nila ni Mickey na sina Micael at Julliann Gabriel.
Saad ni Janna, “Yes, panganay ko talaga si Yza.
“Ganito, kami ni Mickey kasi eleven years na. Eleven years na kami ni Mickey. Eleven years, di ba?
“Si Yza kasi, nung time na napunta sa akin is nine. Kaka-nine lang niyan nun.
“And di pa ako buntis nun, nung time na yun. Well, not knowing na buntis na ako.
“Siya yung unang nagsabi na, ‘Can I call you Mommy?'”
Nakuha pang magbiro ni Janna na, “Kasi nga, di ba, ang pogi ni Mickey. Ang daming tinatawag na mommy… di, joke lang.”
Sabat ni Mickey, “Happy na siya, ganito. Nakita ka na okay kayo.”
Habang kausap ng PEP.ph sina Janna at Mickey ay nabanggit nilang kasalukuyang nasa lamay ni Yzabel ang biological mother nito.
Dagdag ni Janna, “Si Yza kasi, again, napaka… very considerate na bata.
“She’s always thinking about people’s feelings na ayokong masaktan. Kasi, halimbawa, ‘Mommy Janna, na baka mamaya si Mommy Denise [biological mom] pag hiniram ako, magselos si ano.’
“Sabi ko, ‘Anak, you have all the right na to get all the love that you can have.’
“Sabi ko, ‘Yung mommy mo, Mommy Iwa mo, Mommy Denise mo.'”
Ang tinutukoy na “Iwa” ni Janna ay si Iwa Moto, na nakarelasyon ni Mickey bago siya.
Pagpapatuloy ni Janna, “Even though, nung time na nagkaroon siya ng moyamoya disease, nag-worry siya kasi magkikita-kita kami sa hospital.
“Sabi ko, ‘Hindi kita pagkakaitan ng…’ So para sa akin, ‘Anak, you deserve all the love in the world. Hindi para ipagkait kita sa what you need.’
“Kasi napakabait ni Yza.
“Tapos yun nga, nung di pa nga ako… Hindi ko pa alam na buntis ako noon.
“Yun nga si Yza, nag-flutter yung heart ko nung sinabi niya na, ‘Can I call you Mommy Janna,’ ganyan.
“Kasi siyempre, first time na may tatawag sa akin ng ganun, di ba?
“Nung nalaman ko buntis ako, alam mo, si Yza naka-witness lahat ng nangyari. Sa lahat, e.
“Siyempre may personal problem ka. Alam mo yung very affectionate yung bata na, ‘Mommy, are you okay?’
“‘Yes, Baby, I’m okay.’ Ganyan. Kaya first lahat kay Yza, kaya firstborn.
“Kaya lagi ko sinasabi sa kanya na bago ko ipanganak si Kaye [second daughter Micael], na, ‘Don’t worry. Kasi hindi ka man lumabas sa sinapupunan ko, ikaw ang baby ko. Ikaw ang baby ate ko.’
“Lagi namin siyang sini-secure, ganyan. And never kami nagkulang na ipaalam sa kanya yun.
“‘Ikaw ang ate namin. Ikaw ang panganay namin.’ Kasi dito talaga, first apo siya, e. First apo, first baby girl ng lahat.”
Napakamagiliw raw ni Yzabel sa mga tao kaya maraming nakakakilala sa kanya.
Kaya nagulat daw sila na ang daming nakikiramay at nagpupunta sa lamay ni Yzabel.
Dagdag ni Janna, “Sabi namin, she’s a very people person. Very people person.
“Well, namana niya yun sa daddy niya.
“Pag nakita mo at narinig mo yung bawat story ng taong pumunta dito, habang nagpi-pray dun sa ano niya, maa-amaze ka, sobrang mapa-proud ka bilang magulang niya na very exceptional tong batang to, na sobrang… sobrang daming nagmamahal kay Yzabel.”
YZABEL SUGGESTED NAME FOR FIRST BABY BOY
Noong madaling-araw ng Sabado, October 7, ilang oras bago bawian ng buhay si Yzabel, ay isinilang ni Janna ang bunso nilang anak ni Mickey, si Michael Zab Leon III.
Ito ang unang lalaking anak sa pamilya nila.
Masasabing hinintay talaga ni Yzabel na maisilang muna ang bunso nila bago siya lumisan sa mundo.
Ayon kay Janna, dinagdagan nila ang pangalan ng bunsong anak para may alaala pa rin kay Yzabel.
Kuwento ni Janna, “Actually pinalitan, hindi nga pinalitan, dinagdagan namin yung name.
“Kasi bago namin ilabas si Leon sa hospital, inaayos namin yung birth certificate.
“Si Mickey, kinausap si Ate Yza. Tapos may name na bumulong sa kanya na idagdag dun sa name.
“Actually, before pa nun nag-usap kami ni Ate. Sabi ko, ‘Anong gusto niyong name?’
“Kasi gusto ko mag-contribute sila dahil first baby boy nga ng mga tatlong babae.
“‘Gusto niyo ba may ‘Julliann’ katulad ng mga names niyo?’ Ayaw nila, so sige consider din na ganyan.
“So, The Third na dahil si Mickey, Michael. Tapos nag-suggest siya [Yzabel], sabi niya, ‘Bakit ayaw mo ng Mikee, Mommy?’
“M-I-K-E-E. Kasi si Yza, nung bata nilagyan nila ng Mikee Isabelle.
“Tapos biglang, ‘Ay, hindi Mommy, huwag na lang. Kasi baka maging sakiting katulad ko,’ sabi niya. Tapos tinanggal nila yan nung bata sila.
“Tapos sabi ko, ‘Anak, bakit mo sasabihin? Sige, gusto mo ba Mikee? Sige Mikee natin yan,’ ganyan-ganyan.
“May mga ganon na siya. Leon, nasabi ko kasi Leon. Parang sa Godfather kasi favorite nga namin ni Mickey si Michael Corleone [Al Pacino] dun.
“‘Ayan Mommy, maganda, Leon.’
“Tapos, from there, yan na, naging Michael Leon na siya.
“Tapos, si Mickey nung bago ako lumabas, bumulong siya sa ano, kay Ate Zab.
“Sabi ni Mickey, ‘Mommy, dagdagan natin ng Zab. Parang Yzabel.’
“So, Michael Zab Leon siya ngayon, The Third.
“Kaya, ayun, at least may part ng ano si Yzabel.”
“IKAW DAPAT MAGLILIBING SA AKIN…”
Ilang oras matapos pumanaw si Yzabel noong October 7, ibinahagi ni Mickey sa kanyang Facebook account ang labis na pagdadalamhati.
Bahagi ng kanyang post: “Nag promise ka hinde mo ako iiwan Ate [broken heart emoji]
“Heaven Gained another Angel [praying hands emoji]
“I’m so Lost and Confused!
“Ikaw dapat mag lilibing sakin bakit biglang ako na maglilibing sayo..”
Gaano kasakit kay Mickey na siya ang maglilibing sa anak imbes na siya ang maunang ililibing?
Tugon niya, “Actually, usapan namin yan. When the time comes, sila maglilibing sa akin.
“Ako, alam ko naman na… sa lifestyle ko, yan. Alam ko, mas mauna dapat ako sa kanya.”
Nang hiningan namin ng mensahe si Mickey para sa yumaong anak ay tila sinisisi pa rin niya ang sarili kung bakit wala siya sa tabi nito bago pumanaw.
Aniya, “Ako ano, nag-Story ako na kung kaagad ko siyang nadala sa hospital, feeling ko naagapan sana to lahat.
“Kasi, if I spend more time… dahil binibigay ko lang halos lahat ng time ko sa kanya. Pero, ito lang, di naman kami nag-aaway. Ano pa?
“Ito lang. Ito lang ang biggest regret ko. Hindi ako nakinig sa kanya.
“Na… kahit hindi niya verbally na sinasabi yung vibes na parang ‘Dad, kailangan ko nang magpa-hospital,’ marami akong mas inuna pang bagay na dapat piliin.”
Sinisisi ni Mickey ang sarili?
“Oo,” diretsong sagot niya.
“Kasi, kahit sabi nga na doktor, kung napaaga ang dala sa kanya, dapat buhay si Yzabel.
“Sana nung first attack niya nung Thursday, dinala ko na, walang ganito ngayon.”
“GOD ABOVE ALL.”
Ikinuwento naman ni Janna kung gaano ka-prayerful ang pumanaw na anak.
Aniya, “Ako naman, si Yza kasi very… 100 percent yung faith niya kay Papa God.
“Kaya lagi ko sinasabi kay Mickey, ‘We know our daughter well. Alam natin na ayaw niya na sisihin natin yung sarili natin sa lahat ng iyan.
“‘And… Yza, sobrang strong person. Mas strong pa yan sa ating dalawa. Mas mature pa yan sa ating dalawa.’
“Sobra. Sobrang tanda ng… alam mo yun? Brave heart. Great mind. Pure soul. Innocent heart.
“Alam mo yun? Paano ba? Bago kasi ano, noong on the way home, nakuwento ko sa yo [Mickey], di ba?
“Nagpi-pray ako kasi nga wala kong magawa, nasa hospital ako. Parang ako, mababaliw na. Hindi ko alam kung paano pupunta sa anak ko. Hindi ko man lang siya nakita.
“Isa sa mga sabi ko, parang si Mickey may regret.
“Wala kami nung time na… di man lang namin nakausap na, ‘Anak, kaya mo yan, labanan mo yan.’
“Yung mga ganun na words na gusto mong isabi sa kanya.
“But she has to let go. Kasi, at the end of the day, iniisip niya pa rin yung parents niya. May ganun siya.”
Ayon kay Mickey, naikuwento ng best friends niyang pinakiusapan niyang puntahan si Yzabel sa ospital na may gamot na ginamit ang mga doktor na dapat ay 15 times lang para ma-revive ang pasyente.
Pero ni-request daw nilang dagdagan ito at umabot sa lagpas tatlumpu. Kaya nabugbog din daw ang puso ni Yzabel sa nasabing gamot.
Lahad pa ni Janna, “So, nung time na on the way home dito, medyo ano na nga yung… bugbog nga yung heart niya.
“Kinukuwento nila sa akin yun kasi naka-pain reliever ako. So, nung time na yan, parang groggy yung moment ko.
“Hindi ko… alam mo yun, nagpi-pray na lang ako na, ‘Anak, I’m sorry. I love you,’ ganyan.
“‘Sorry, wala si Mommy sa tabi mo, si Daddy.’
“Gigising ka para kausapin siya tapos makakatulog ka na naman sa pain reliever.
“Tapos nung gabi na yun, kinukuwento ko dito sa lahat yung time na yun na, ‘Ate, nandito ka na ba? Are you here? Are you home?’
“Kasi wala akong choice, yun yung pinakapuwede kong kausap sa kanya, e.
“Tapos pag-open ko nung eyes ko, dun sa TV nakalagay ‘God above all.’
“Yung salita lagi ni Yza sa amin, e, God above all. So, lahat ng questions namin ngayon na, ‘Ba’t nangyayari to?’ Ang sagot, God above all.
“‘Bakit kinuha mo agad si Yza? We trust him kasi God above all.
“Yung mga deepest regrets niyo, put God above all. Ganun si Yza. ‘May problema ba kayo? Daddy, church tayo,’ di ba? Lagi, yan ang ano niya sa amin.
“Lagi si Papa God, ganun lang lagi. Sabi ko, ‘Yza, ikaw ba yan?’
“Tapos bigla nag-black yung screen, tapos nag-gray.
“Tapos, iyak na ako na iyak after nun.”
Nakatakdang ihtatid sa kanyang huling hantungan si Yzabel ngayong Huwebes, October 12, 2023.