JERRY OLEA
Mag-uumpisa ang 12-day suspension ng It’s Showtime sa Oktubre 14, 2023, Sabado.
Kumpirmado na ang replacement nito ay iho-host ni Luis “Lucky” Manzano.
Inilabas ng ABS-CBN ang teaser ng programa ngayong Oktubre 11, Miyerkules ng gabi, sa iba’t ibang social media platforms, kaalinsabay halos ng statement na ito:
“Ang pinakabagong game variety show ng Pilipinas na It’s Your Lucky Day ang pansamantalang papalit sa It’s Showtime at pangungunahan ito ng Pambansang Host na si Luis Manzano kasama sina Robi Domingo, Jennica Garcia, at Melai Cantiveros. Makakasama rin nila ang iba pang special co-hosts at celebrity guests.
“Mula sa bumubuo ng It’s Showtime, ang It’s Your Lucky Day ay magtatampok ng bagong game at variety segments at ipapalabas tuwing tanghali mula Oktubre 14 hanggang Oktubre 27, Lunes hanggang Sabado, sa Kapamilya Channel, A2Z, at GTV. Mapapanood rin ito sa Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC.
“Inaanyayahan namin ang mga manonood na patuluyin ang swerte sa kanilang mga tahanan at makisaya kasama ang buong pamilya sa It’s Your Lucky Day.”
Tampok din sa programa sina Andrea Brillantes, Francine Diaz, Kyle Echarri, Seth Fedelin, Negi, Long Mejia, Petite, at Divine Tetay.
Siyempre pa, kaabang-abang ang ratings ng It’s Your Lucky Day.
Papantay lang ba ito sa ratings ng It’s Showtime, bababa o tataas? Ano kaya kung kabugin nito ang E.A.T. at Eat Bulaga!?
NOEL FERRER
All good. Parang naayos naman ang lahat at pagkatapos kong makausap ang kaibigang taga-ABS-CBN, it is not in the corporate core nila na mang-away pa at manggulo.
Instead, naging pro-active sila at bumuo ng bagong palabas. So, wala na ang option na pag-appeal pa sa Malacañang.
Wala na rin yung appeal to emotions na argument tungkol sa mga nagtatrabahong arawan.
In the end, sana ay magdulot ito ng magandang pagbabago sa ating mga mapapanood pa sa telebisyon. Sana.
GORGY RULA
Sa gitna ng mainit na isyung hinaharap ng It’s Showtime, wala namang nabago sa ratings. Hindi man lang ito umangat kahit nagti-trending minsan.
Nung Lunes, October 9, ay 2.8% ang rating nito; 3.6% ang Eat Bulaga!, at 4.5% naman ang E.A.T.
Nung Martes, October 10, ay bahagyang tumaas sa 3% ang It’s Showtime, 4.1% ang E.A.T., at 3.8% ang Eat Bulaga!.
Tingnan natin ang ipapalit na show kung tataas siya.
Paano ngayon kung mataas ang rating nito sa loob ng 12 days? Ang komento ng iba, kung maganda ang kalabasan nito, bakit hindi raw ituloy na at gawing pre-programming ng It’s Showtime?
Tingnan muna natin kung lucky ang 12 days na airing ng programang ito.