JM de Guzman reflects on how he handled past heartbreak: “Self-destruct kasi bata pa ako nun.”

JM de Guzman on Linlang

Aminado si JM de Guzman na naranasan niyang malinlang sa totoong buhay pagdating sa usaping puso.

Lubha raw itong nakaapekto sa kanya lalo na’t humantong ito sa pagpapabaya niya sa sarili noon.

“Una, di ko kinaya, parang naging hassle siya sa akin. Yun nga, self-destruct kasi bata pa ako nun. I learned the hard way,” saad ng aktor.

Naniniwala siyang natuto na raw siya mula sa pagkakamali niya noon.

“Natutunan ko to love myself more, always. Yes, respect yourself, love yourself. Unahin ko na muna ang sarili ko.”

Napansin din ni JM mas kumpiyansa siya kapag buo na ang kanyang sarili.

“Okay naman, mas strong. Mas kaya ko nang magbigay,” lahad ni JM.

“Before hindi, e. Sabi nga nila, paano ka magmamahal kung di mo mahal ang sarili mo?

“Paano ka magbibigay kung di mo mabigay sa sarili mo?”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si JM sa media conference ng Linlang, na gjnanap sa Cinema 76 sa Quezon City, noong October 2, 2023.

Sa ngayon, tila positibo ang takbo ng love life ni JM.

Bukas si JM sa pag-amin na nanliligaw siya sa vlogger-internet personality na si Donnalyn Bartolome, at mukhang consistent ang magandang relasyon ng dalawa.

Nang banggitin nga namin ang pangalan ng dalaga ay kapansin-pansin ang kilig at matamis na ngiti ni JM.

“Kanina magka-text kami. Siyempre, pag naririnig ko ang pangalan niya, nai-inspire ako,” pag-amin ni JM.

JM DE GUZMAN ON DARING SCENES WITH KIM CHIU

Si JM ay gumaganap bilang Alexander Lualhati sa suspense-thriller series na Linlang. Siya ay half-brother ni Victor, na ginagampanam naman ni Paulo Avelino.

Parehong may malalim na ugnayan sina Alexander at Victor kay Juliana, ang karakter ni Kim Chiu sa istorya.

Maraming mga daring at mature na mga eksena ang ginawa nila ni Kim sa Linlang, pero siniguro ni JM na naging maingat siya sa mga eksena nilang ito ng aktres.

“I’ve been honest to her, too, na ako rin kinakabahan.

“Siyempre, I treat her with respect always. Di ako mauuna lagi kasi super daring ng mga eksena.”

Nagpaalam ba siya kay Xian para sa intimate scenes nila ni Kim?

Sagot ni JM, “Hindi naman, pero napaka-professional ng atake namin, ng directors namin and ni Kim.”

Pagbabahagi sa amin ni JM, challenging ang role niya na may pagka-shady at tiyak na kaiinisan ng mga manonood.

“Mahirap kasi kailangan mong malaman yung ginagawa mo.

“Boksingero din kasi ang role ko dito, mahilig sa boxing so sumabay ako kay Paulo na mag-train ng boxing,” paliwanag ni JM.

Sabay paglalarawan niya sa kanyang co-stars: “Sobrang inspiring nilang katrabaho, sobrang professional.

“Pau is a good leader. Si Kim as herself and as an actress, sobrang inspiring.”

Mahusay na nagagampan ang mga roles na pinagkakatiwala sa kanya mapa-bida man o kontrabida.

Nang papiliin namin kung ano ang mas gusto niyang gampanan sa dalawa, sabi ni JM, “Mas gusto ko bida. Stressful ang kontrabida, sa iyo lahat ng galit ng co-actors mo and the audience.”

Nagsimula nang mapanood ang Linlang sa Prime Video, at ito ay iprinodyus ng ABS-CBN AT Dreamscape, sa ilalim ng direksyon nila Direk FM Reyes at Direk Jojo Saguin.