Rita Daniela fangirls over Claudine Barretto: “Isa ka po sa tinitingala ko bilang aktres.”

Magkahalong saya at excitement ang nararamdaman ngayon ng Kapuso actress-singer na si Rita Daniela sa pagbabalik sa GMA-7 ng iniidolo niyang si Claudine Barretto, makalipas ang labindalawang taon

Ito’y matapos inanunsiyo ni Claudine sa kanyang Instagram account na tuloy na tuloy na ang pagbabalik niya sa primetime ng Kapuso network para sa drama series na Lovers/Liars.

Co-production venture ng Regal Entertainment Inc. at ng GMA Network Inc. ang Lovers/Liars, na mapapanood simula sa susunod na buwan, Nobyembre 2023.

Ito ang ipapalit sa timeslot na mababakante ng Unbreak My Heart, ang primetime series na pinagbibidahan ni Jodi Sta. Maria, na nauugnay kay Raymart Santiago, ang estranged husband ni Claudine.

Sa Instagram nitong Huwebes, October 19, 2023, hindi napigilan ni Rita ang kanyang saya na nasa iisang bakuran na sila ng iniidolo niyang si Claudine.

“So so happy to know that u will be doing a serye with @gmanetwork!!” saad ni Rita sa kanyang post, kalakip ang litrato nila ni Claudine.

Pagtatapat pa ni Rita, isa si Claudine sa tinitingala niyang artista sa showbiz industry, kaya ganoon na lamang ang kayang galak nang makita at makakuwentuhan niya ito nang personal sa isang birthday event na parehas nilang dinaluhan kamakailan.

Aniya, “One of my dreams came true when i saw you at @dr.rfdsmile’s bday tapos may picture pa at konting kwentuhan!! grabe.”

“Isa ka po sa tinitingala ko bilang aktres.”

Umaasa rin ang Kapuso singer-actress na makasama’t makatrabaho niya si Claudine.

Saad ni Rita, “Hope to work with u, idol! @claubarretto congratulations again.”

Agad naman siyang nireplayan ni Claudine.

Mensahe nito, “Aww [red heart emoji] so sweet.”

Samantala, marami rin sa kanilang fans ang natuwa sa pagkikita ng dalawa.

Anila, hindi kataka-takang magkatotoo ang hiling ni Rita lalo na’t parehas daw silang may ibubuga bilang mga artista.

Komento ng isang netizen, “Petition for them to be in a teleserye as magkapatid. ang gaganda huhu.”

Sabi pa ng isa, Sana mabigyan po kayo ng chance na magkasama sa work together, tutal parehas naman kayong magaling.”

Hirit pa ng isa, “@gmanetwork @gmadrama please collab teleserye for Rita and Claudine.”