Natutuwa si Betong Sumaya na matatapos na ang 12-day suspension sa ere ng It’s Showtime, ang katapat na noontime show ng Eat Bulaga!.
Babalik na sa ere ang Kapamilya noontime show, na napapanood din sa GTV, sa Sabado, October 28, 2023.
Kahit sabihin pang katapat ito ng programang kinabibilangan ni Betong, ang Eat Bulaga!, ikinalulungkot daw niya ang pagkawala ng It’s Showtime ng dalawang linggo dahil mga kapatid pa rin niya sa trabaho ang bumubuo nito.
Malaking leksiyon din daw ito sa mga katulad nilang minsan ay hindi conscious sa mga binibitawang salita o ikinikilos habang nasa harap ng kamera.
Pahayag ng Kapuso comedian-TV host, “Pagdating doon sa nangyari sa It’s Showtime, kahit naman siguro kami, kung naroroon sa posisyon nila, nakakalungkot din po.
“Pero yun naman ay desisyon ng MTRCB. Wala naman akong opinyon doon, kasi yun naman ay kanilang jurisdiction.
“At sa amin naman po [Eat Bulaga! hosts], naging conscious na rin po kami sa mga dapat sabihin, sa mga dapat ikilos, kasi marami po talaga ang nagmamatyag.
“Kumbaga, tulong na rin po yun sa amin na, ‘O mag-ingat-ingat tayo, ha?’
“Nakapalaking responsibilidad po talaga ang noontime show, kasi noontime live po siya.
“Pag noontime live, kung ano ang masabi mo na hindi ka maingat, hindi ka conscious sa ginagawa mo, maaari nga pong magdulot ng hindi kanais-nais sa show.
“Actually, di lang po sa hosts, kundi pati na rin po sa staff, lahat po. Yun po ang mahirap.
“May mga pamilya rin po ito na dapat buhayin.”
NOT HAPPY ABOUT RIVAL SHOW’S TROUBLE
May ilang netizens na nagsasabing baka raw natutuwa pa ang mga taga-Eat Bulaga! sa sinapit ng It’s Showtime, dahil nabawasan sila ng kakumpitensiya kahit ilang linggo lamang ito tatakbo.
Pagtanggi ni Betong, “Ay, hindi po. Hindi po.
“Actually, naisip nga namin kung paano tayo ang nasa ganoong posisyon?
“Naiisip namin na kung kami ang nasa ganoong posisyon, nakakalungkot nga po. Ayaw naman po namin ang magsaya sa kalungkutan ng iba.”
Nagbigay din ng komento si Betong sa It’s Your Lucky Day, na pansamantalang humalili sa It’s Showtime.
Ang It’s Your Lucky Day ay binubuo ng hosts na sina Luis Manzano, Melai Cantiveros, Robi Domingo, at Jennica Garcia.
Kasama rin sina Francine Diaz, Seth Fedelin, Kyle Echarri, Andrea Brillantes, Negi, Long Mejia, Petite, Divine Tetay, at pati na ang Kapuso na si Bianca Umali.
“Actually, nakakatuwa nga din ang It’s Your Lucky Day, kasi nakakatuwa na merong ibang hosts tayong nakikilala.
“And okey naman ang pagtanggap sa show na yun, kasi minsan napapanood ko din sila sa TikTok.
“Masaya po, masaya po na maraming choice [na panonoorin] ang mga tao.”
Ang It’s Your Lucky Day ang pansamantalang pumalit sa timeslot ng It’s Showtime, at at mapapanood ito hanggang bukas, October 27.
Eksklusibong nakapanayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) si Betong sa pa-dinner ng Professional To USA CEO na si Mr. Ray Raval at ang pamilya nito noong Sabado, October 21, 2023, sa Victorino’s restaurant, sa Quezon City.
Si Betong ay family friend ng mga Raval na merong direct hiring recruitment agency ng nurses sa Amerika at dito sa ating bansa.
MESSAGE FOR IT’S SHOWTIME HOSTS
Sa puntong ito, inalam ng PEP.ph kay Betong kung may gusto siyang iparating na mensahe sa grupo nina Vice Ganda.
Saad niya, “Ako po, wala man ako sa inyong posisyon, hindi po madali ang pinagdadaanan nila.
“Trabaho po natin ang magpasaya, pero pag ganyan po, kung ilalagay ko man sarili ko sa kanilang posisyon, e, mahirap po.
“Pero, parang… heto nga ang naging bonding nila, kasi nagpunta sila sa Hong Kong, nagkaroon ng group bonding.
“Sa tagal na rin po ng It’s Showtime, at least in a way, heto po ang pahinga nila, at nag-enjoy sila.
“Pero sana huwag maging dahilan yun, lalo na ni Meme Vice, yung kanilang ginagawa na magpasaya…
“Kung meron mang hindi nagawa, o may may nagawa mang tama o mali, yun, ako, gagawin ko siya as a lesson to improve, and at the same time, para… yun nga, sabi niyo nga, parang wake-up call.
“At huwag nang uulitin.”
Halos limang buwan na mula nang umere ang revamped Eat Bulaga!, na pinangungunahan nina Isko Moreno, Paolo Contis, Betong, Buboy Villar, Cassy Legaspi, at Mavy Legaspi.
Base sa ratings ng AGB Nielsen noong Sabado, October 21, mahigpit ang laban sa pagitan ng Eat Bulaga! at E.A.T., na nakakuha ng 4.9% at 4.3%, respectively. Ang It’s Your Lucky Day ay nakakuha ng score na 1.9%.
Saad ni Betong, “Sa ngayon, very thankful na kahit very challenging ang bagong trabaho, sobrang blessing siya.
“Sobrang challenging, kasi alam naman po natin ang nangyari noon, na sobrang controversial po talaga na para kaming ipinako sa krus.
“Ang iniisip na lang po namin ay, una, trabaho po siya.
“Ang naging motibasyon po ay yung magpasaya ng tao, at magandang venue nga ang Eat Bulaga! to do it.
“Nakakatuwa na nakakaapat na buwan na rin kami noong October 5. So, kumbaga, bagyo, unos, buhawi, lahat.
“Pero ngayon po, hindi na ganoon katindi ang negative comments.
“Nakakatuwa po na nagiging maganda na ang pagtanggap sa amin.”
Ang maganda pa nito, mas lalo raw tumitibay ang kanilang samahan na hindi rin nawawala ang respeto sa mga dating host ng Eat Bulaga! na sina Tito, Vic & Joey.
Sabi ni Betong, “Yes, unang-una po talaga, wala naman po talaga ang makakapalit sa kanila.
“TVJ po ay forty-four po sila, so wala po talagang [papantay]. Kami po ay naatasan lang na ipagpatuloy ang nasabing show
“Sa akin naman po, ang importante ay meron tayong work ngayon, at kailangan po nating mabuhay.
“Sa show namin, every day is a learning process. Marami kaming natututunan kay Paolo Contis, na napakahusay na host po.
“Parang araw-araw ay nandoon kami sa eskuwelahan, tapos araw-araw may assignment.
“Wala naman po talagang perfect na minsan kapag nagkakamali, dyinu-joke na lang namin.
“Ako nga minsan, nabubulol, minsan nagha-hang, parang, ‘Paano ba namin sasaluhin.'”
RESPECT TO ORIGINAL DABARKADS
Nagkaroon na ba ng pagkakataong nagkrus ang landas nila ng TVJ at legit Dabarkads?
Sagot ni Betong, “Actually, hindi pa po. Kasi ako po, personally, wala po akong close working relationship with them, unlike po kay Kuya Bitoy [Michael V] sa Bubble Gang.
“Nakapag-guest po ako noon sa Eat Bulaga! noong nasa Broadway pa sila, at sa Daddy’s Girl.
“Kung magkikita-kita man po kami, siyempre, nakakabigla po yun, pero magbibigay-pugay po ako. Lalapitan ko po sila.
“Parang yung nangyari nun kay Vice sa GMA Gala, so lumapit po talaga ako. Actually, pinost ko po yun sa TikTok.
“Pero di ko po alam kung kilala [niya] ako. Ha ha ha!
“Sabi ko lang, ‘Hello, Vice,” pero tuwang-tuwa ako. Parang ngumiti naman siya, kasi ang dami po nila. Ang hindi ko lang nagawa ang makapagpa-picture sa kanya.
“Kaya kung makikita ko rin sina Kuya Jose [Manalo], at Kuya Wally [Bayola], lalapitan ko po talaga sila.
“Kung ano man ang mangyari, tatanggapin po. Ha ha ha!”