Lovely Abella relates convo with Joey Paras in her dream: “Hindi siya malungkot, yung face niya maaliwalas.”

Lovely Abella saddened by death of good friend Joey Paras

Isa sa labis na nalungkot sa pagpanaw ng komedyanteng si Joey Paras ay si Lovely Abella.

Matagal na nagkasama ang dalawa sa defunct Sunday variety show ng GMA na Sunday PinaSaya.

Ngayong Huwebes, November 2, 2023, nag-post si Lovely sa Facebook na napanaginipan daw niya ang matalik na kaibigan kaninang madaling araw.

Ayon kay Lovely, bago siya matulog ay nakita niya ang isang post tungkol sa burol ng kaibigan, kaya raw siguro pumasok ito sa kanyang panaginip.

Lahad ni Lovely (published as is): “OMG!! Kakagising ko lang at kasama ko siya sa panaginip [crying emoji]

“Nakita ko ang post ng wake and interment ni Mama Joey kanina bago ako makatulog, dahil ako ang nagbabantay ng anak ko sa madaling araw kaya umaga ang tulog ko.

“Nagkita daw kami somewhere at ang sabi niya sakin

“J: Gaaaaaaaaaaa totoo bang patay na ako?

“Hindi siya malungkot, yung face niya maaliwalas, kung paano kami nagkikita sa Sunday PinaSaya

“L: Oo, Ma, pupuntahan natin ngayon kung saan ka nakaburol, sobrang ganda Ma matutuwa ka kasi napapaligiran ka ng flowers.

“Pagdating namin.

“J: Oo nga Gaaa ang gandaaaa

“L: Darating mga bisita mo mamaya kung may gusto kang ipasabi, sabihin mo sakin ako magsasabi sa knila.”

Dito na daw naputol ang kanilang usapan.

LOVELY’S FOND MEMORIES OF JOEY PARAS

Ikinuwento naman niya sa asawang si Benj Manalo ang kanyang panaginip.

Dagdag pa ni Lovely, labis daw siyang nalungkot dahil isa si Joey sa pinakamabait na kanyang nakatrabaho.

Napansin naman daw niyang walang halong lungkot ang mukha nito sa kabila ng kanyang pagpanaw.

Saad pa ni Lovely (published as is), “Tapos nagising ako, sinabi ko sa asawa ko na napanaginipan ko si Mama Joey, sabi niya pakinggan mo kung ano ang sasabihin. [crying emojis]

“Grabe nalungkot ang puso ko, dahil isa siya sa nakatrabaho ko na napakabait at hindi pinagdadamot ang talentong pinagkaloob sa knya ni Lord, lagi niya ako tinutulugan at lagi ako nagpapatulong sa knya kung paano ang tamang atake ng ibang eksena ko sa Sunday PinaSaya. [crying emoji]

“Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng panaginip ko, pero isa lang ang nakita ko saknya, ramdam ko na bago siya nawala nasurrender niya ang sarili niya kay LORD kaya hindi masakit para saknya o walang pagsisisi akong narinig mula skanya”

May realisasyon naman si Lovely sa nangyari kay Joey.

Aniya, “Ang bilis ng buhay, at alam ko na pinapakita lang ni Mama Joey sa sitwasyon na to, na kailangan nating ingatan ang buhay na binigay sa atin, wag nating abusuhin ang katawan natin kahit alam nating kaya pa, magipon tayo habang kumikita at may trabaho pa, para kahit papano handa tayo sa mga mangyayari [praying hands emojis]

“Marami ang nagmamahal sayo Ma at isa na ako don [heart, praying hands emojis]

“May we request to include him in your prayers for the eternal repose of his soul. [praying hands emoji]”

Pumanaw si Joey sa edad na 45 noong Oktubre 29, 2023, sa Metro South Medical Center, Bacoor, Cavite.

Nakaburol na ang mga labi niya sa St. Peter Chapel Annex, New Bldg., Sct. Chuatoco Street corner Panay Avenue, Quezon City.

Ngayong araw din, Nobyembre 2, 2023, sisimulan ang public viewing ng kanyang mga labi.