Ruru Madrid: “Hindi ko po in-expect na mararating ko po yung kung nasaan ako ngayon.”

ruru madrid fast talk
Ruru Madrid on finally succeeding in his showbiz career: “Hindi ko po alam, baka ito po yung magiging katungkulan ko sa mundong ito, pero gagamitin ko po yon sa kabutihan. Gagamitin ko po lahat ng meron ako upang makapagbigay ng saya, ng inspirasyon sa mga tao.”

Bukod sa pagsakay sa LRT para ipaalaala sa mga pasaherong mapapanood na ang Black Rider simula ngayong Lunes ng gabi, Nobyembre 6, 2023, dinayo ng cast ng bagong primetime action drama series ng GMA-7 ang Quiapo.

Ang Quiapo ang itinuturing na teritoryo ni Hesus Nazareno “Tanggol” Dimaguiba, ang karakter ni Coco Martin sa FPJ’s Batang Quiapo, ang katapat na programa ng Black Rider.

Sumakay si Ruru Madrid sa LRT, at bumisita naman sa Quiapo at Carriedo sa Maynila ang mga artistang kasamahan niya sa Black Rider na sina Luis Hontiveros, Saviour Ramos, at Jon Lucas.

Masipag si Ruru sa pagpo-promote ng Black Rider dahil nitong Lunes ng hapon, bumisita siya sa Fast Talk With Boy Abunda.

Naging madamdamin ang kanyang mga pahayag. Walang patid ang daloy ng masaganang luha mula sa mga mata ni Ruru habang ikinukuwento ang kanyang mga pinagdaanan para matupad ang pangarap niyang maging artista.

ruru madrid fast talk

Saad niya, “Hindi ko po in-expect na mararating ko po yung kung nasaan ako ngayon. Hinding-hindi ko makakalimutan, nasa loob ako ng church at nangangarap lang ako.

“Sabi ko, ‘Ama, sana maging artista po ako kasi gusto kong matulungan ang pamilya ko. Na kahit bata pa lang ako, gusto ko na po silang matulungan.’

“Pero ngayon, hindi lang po yon ang ibinigay Niya sa akin. Yung ibang mga pinapangarap ko sa buhay, ibinigay Niya rin sa akin kaya sobrang bait po Niya.

“Hindi ko po alam, baka ito po yung magiging katungkulan ko sa mundong ito, pero gagamitin ko po yon sa kabutihan.

“Gagamitin ko po lahat ng meron ako upang makapagbigay ng saya, ng inspirasyon sa mga tao.”

Ibinahagi rin ni Ruru ang mga mahahalagang aral na natutunan niya dahil sa mga taong hindi naniniwala sa kanyang mga kakayahan bilang aktor at ikinukumpara siya sa iba.

“Even yung mga tao na malapit sa akin, parang nararamdaman ko na unti-unting nawawala, pero na-realize ko na baka may itinuturo sa akin ang Diyos.

“Ang sakit. Natutulog ako na umiiyak. Dumating sa point na naniwala na ako na wala nang mangyayari sa akin. Na hindi ko na makakamtan ang mga pangarap ko.

“But then, isang araw na-realize ko, ‘Bakit ko isusuko yung sampung taon na pinaghirapan ko? Yung mga panahon na walang naniniwala sa akin?’

“Pero ako lang ang naniniwala sa sarili ko. Bakit ko isusuko?

“So, inilaban ko at biglang dumating po yung Lolong,” pagtukoy niya sa kanyang hit 2022 primetime series.

BIANCA UMALI IS THE ONE FOR RURU MADRID

Nagsalita naman nang tapos si Ruru na ang kanyang girlfriend na si Bianca Umali ang gusto niyang makasama habambuhay.

“Masasabi ko na nahanap ko yung tao na katapat ko,” sambit niya.

“Totoo nga talaga. Noong bata ako, iniisip ko gusto ko pong magkaanak, pero parang hindi ko kayang mag-settle with a girl na siya lang habambuhay.

“Pero nung dumating siya [Bianca] sa buhay ko, for some reason, parang nakaramdam po ako ng spark at sinabi ko na ito na yung gusto kong makasama habambuhay.

“Sobrang proud ako na ipagmalaki na yun ang nararamdaman ko para sa kanya.”

Hindi na nakita sa telebisyon ang mahigpit na yakap at halik na iginawad ni Ruru kay Bianca pagkatapos ng panayam sa kanya ni Boy Abunda.

bianca umali ruru madrid hug

Nang umiyak si Ruru, lumuha rin si Bianca dahil nasaksihan niya ang mga pagsubok na naranasan noon ng kanyang boyfriend na lalong nagpatatag sa kanilang pagmamahalan at dahilan para umanib siya sa Iglesia Ni Cristo, ang relihiyon na matagal nang kinaaniban ng aktor at ng pamilya nito.

bianca umali crying
PHOTO/S: GMA NETWORK