“Pray for healing.”
Ito ang mensahe ng “Magpasikat” performance ng It’s Showtime host na sina Anne Curtis, Ryan Bang at Ogie Alcasid para sa pagdiriwang ng ika-14 anibersaryo ng Kapamilya noontime show.
Ang grupo nila ang nagtanghal nitong Miyerkules, November 8, 2023, kasama ang mga special guest nilang sina Dingdong Avanzado, Jed Madela, Nyoy Volante, at Jasmine Curtis-Smith.
Ayon kay Anne, napili nila ang mensahe ng kanilang performance dahil alam nilang tanging pagdarasal ang sagot sa mga dagok, pinagdaraanan, at pagdaraanan pa ng mundo.
Nakita rin daw nilang may malalim pang kahulugan ng salitang paghilom lalo na sa usaping pag-ibig.
“Everyone needs healing, the world needs healing, we all need healing.
“With everything that is happening, we wanted to use this platform to reach out to people, to pray for everyone.
“For some, the world is healing na talaga, like si Ryan, nakahanap ng…” ani Anne.
Mabilis naman itong sinang-ayunan ni Ryan.
Bakas din ang pagka-in love at saya sa mukha ni Ryan nang alalahanin kung paano nito natagpuan ang itinuturing niya ngayong “the one.”
Ito’y walang iba kundi ang kanyang non-showbiz girlfriend na si Paola Grace Huyong, 28.
Nakangiting lahad ni Ryan, “Now I’m, Madlang People, healing by loving.
“Sa sobrang tagal ng panahon, alam naman natin, Madlang People talaga na ang hirap pala maghanap ng taong iibigin ko at iibigin ako.”
Pag-amin ni Ryan, hindi niya inaasahang diringgin ng Diyos ang matagal na niyang hiling na makatagpo ng isang babaeng iibigin niya.
Pagbabahagi niya, “Dumating sa punto na nag-give up na ako. Kasi baka gusto talaga ni Lord na single ako, para makapag-focus ako sa sarili ko
“Pero nung nag-give up na po ako talaga, out of nowhere, nung naglaro lang po ako ng football talaga nakita ko yung the one.
“Naniniwala na po ako na kapag nakita mo [ang] the one, talagang alam mo na, may spotlight, may slow-mo.”
Sa huli, may iniwang mensahe si Ryan sa lahat ng taong patuloy na naghihintay sa tamang panahon at pagkakataon na makita ang kanilang “the one.”
Aniya, “Alam kong marami diyang Madlang People na tulad ko, matagal na naghihintay ng the one.
“Gusto ko lang pong sabihin sa inyo na ang tunay na pag-ibig, hindi hinahanap, dumarating po.”
Hirit naman ni Vice Ganda, “[Halatang] in love siya. Ang ganda ng mga sinabi niya.”
RYAN INTRODUCES GIRLFRIEND
Noong August 29, inanunsiyo ni Ryan sa programang It’s Showtime na siya ay “in a relationship” na matapos ang ilang taon niyang pagiging single.
Pagmamalaki niya, “Gusto kong sabihin sa aking Showtime family, sa harap ninyo, Mommy, Daddy, kay kuya ko, ate ko, T’yang, may girlfriend na ako.”
Maging ang nanay-nanayan ni Ryan na si Vice Ganda ay hindi naitago ang tuwa.
Ibinuking pa nitong naiyak ang Korean TV host-comedian nang ibalita sa kanya ang tungkol sa bago niyang natagpuang pag-ibig.
Ani Vice, “Ang saya-saya. Alam mo kahapon, ang sama-sama ng pakiramdam ko tapos nag-text siya sa akin, ang saya-saya niya.
“Sabi niya, ‘Mommy, ikaw una kong sasabihan.’ Tapos tinawagan ko siya, umiiyak siya.”
Nagpasalamat din si Ryan sa kanyang It’s Showtime family sa suporta at words of encouragement na ibinigay ng mga ito.
“Sobra kong saya kasi ang tagal kong naging single tapos ngayon may girlfriend na ako.
“Thank you so much sa support niyo sa pag-ibig ko,” saad niya.
Winelcome na rin ng It’s Showtime hosts ang nobya ni Ryan na si Paola nang isama nila ito sa bakasyon nila sa Hong Kong noong October 2023.