Daniel Padilla shows support for Kathryn Bernardo amid br.eakup rumors

Daniel Padilla shows support for Kathryn Bernardo amid breakup rumors

Tila binasag na ni Daniel Padilla ang kanyang pananahimik hinggil sa haka-hakang hiwalay na sila ng longtime girlfriend niyang si Kathryn Bernardo.

Noong November 8, 2023, kumalat ang balitang nagwakas na umano ang relasyon nina Daniel at Kathryn nang mapag-usapan ito sa vlog sa YouTube ni Ogie Diaz.

Nadawit pa rito ang pangalan ni Andrea Brillantes, na ayon kay Ogie ay nali-link kay Daniel.

Saad ni Ogie, “Hanggang ngayon marami pa ring nangungulit sa amin, ‘Sina Kathryn at Daniel Padilla pa rin ba?’

“Talagang pinag-uusapan sa social media yung diumano nga’y hiwalayan ni Kathryn at ni Daniel na ang dahilan daw ay si—siyempre hindi naman ito confirmed, kaya dapat marinig din natin ang panig nila.

“Kasi nili-link si Daniel kay Andrea Brillantes.”

Dagdag pa niya, “May nagchika pa sa akin na pasikretong nagkikita si Daniel at si Andrea.”

Bagamat sinabi ni Ogie na wala pang kumpirmasyon ang kanyang ibinalita ay maraming KathNiel fans ang agad pumalag sa kanya.

Tinawag pa ng mga ito si Ogie na “fake news peddler” dahil sa sinabi nito sa kanyang vlog na wala naman daw katotohanan.

Nitong Biyernes, November 10, pasimpleng pinabulaaanan ni Daniel ang kumakalat na espekulasyon sa kanila ni Kathryn, nang ibahagi niya sa kanyang Instagram story ang video ng nobya sa Preview—kung saan ang aktres ang online cover ngayong buwan.

Sa video na in-upload ng Preview sa Instagram, makikita si Kathryn na inaayusan.

Makikita rin na ni-like ito ni Daniel bago niya ilagay sa kanyang Instagram Story.

Dito ay nilagyan niya ng animated photo ng pusa, na katunog sa palayaw ni Kathryn na “Kath.”

Daniel Padilla shows support for Kathryn Bernardo amid breakup rumors

Tweet ng isang netizen (published as is), “Supreme Idol Daniel Padilla debunked all the breakup allegations thrown against him and girlfriend Kathryn Bernardo. Tama na sa fake news!”

Saad ng isa, “Ayan na ah? daniel padilla finally debunking the kathniel break up allegations. clear na rin naman na siguro na fake news yung b/lythe issue ano? mananahimik na ba mga marites?”

Sabi pa ng isa, “Ito ba sinsabi niyo na break na? Daniel Padilla literally put on his IG story the preview magazine video of her gf. Huhu my KathNiel heart.”

KATHNIEL BREAKUP RUMORS

Hindi ito ang unang pagkakataong napabalitang may problema sa relasyon nina Daniel at Kathryn.

Noong October 31, 2022, itinanggi ni Karla Estrada na hiwalay na ang kanyang anak na si Daniel at girlfriend nitong si Kathryn.

Ito’y matapos may isang fan na mag-comment sa Instagram post ni Karla at tinanong nito kung totoo raw bang may problema sina Daniel at Kathryn.

Tanong ng netizen (published as is), “Tita Karla please enlighten us na hindi totoo na break ang KathNiel or may problem sila po… May naglalabasan po kasing mga comments sa TikTok dahil lang sa pagsabi ni Dj na si Summer and definition ng pinaka loyal niya.”

Mabilis na reply ni Karla: “WALANG KATOTOHANAN!!!”

Isa pang Facebook post ang kanyang sinagot.

Saad ni Karla: “Gong gong lang ang nag pauso niyan! Matulog na kayo at mag-aral ng maayos bukas!”

Umugong ang balitang may pinagdaraanan sina Daniel at Kathryn nang mag-trending noon sa TikTok ang ilang kuhang video clip sa presscon ng finale ng seryeng 2 Good 2 Be True noong October 24, 2022.

Natanong kasi sina Daniel at Kathryn kung ano nga ba para sa kanila ang loyalty.

Ayon kay Kathryn ang loyalty ay pagiging kuntento na hindi na maghahanap pa ng kung ano at kung sino.

Para naman kay Daniel, ang pinaka-loyal para sa kanya ay ang alagang aso na si Summer dahil kahit ano man daw ang pagdaraanan niya ay tanggap nito kung sino siya.

Dahil dito ay nagbunga ito ng maraming espekulasyon at agad umugong ang usap-usapang hiwalay na ang dalawa.