Buong-buo ang suporta kay Michelle Dee ng kanyang pamilya sa pagsali niya sa Miss Universe 2023.
Magaganap ang grand coronation ng 72nd Miss Universe sa Nobyembre 18, 2023 sa El Salvador, at live na mapapanood sa Pilipinas sa Nobyembre 19, 2023.
Nang makausap ng Cabinet Files ang ina ni Michelle na si Melanie Marquez, tiniyak nitong bibiyahe siya sa El Salvador para personal na bigyan ng moral at emotional support ang kanyang anak na sinundan ang mga yapak niya sa showbiz at beauty pageant.
PHOTO: Facebook
Suportado rin si Michelle ng kanyang kapatid na si Abraham “Abe” Lawyer at matunog na “Queen” ang tawag nito sa kanyang kapatid sa ina.
Si Abe ang bunsong kapatid ni Michelle, at anak siya ni Melanie sa American husband nitong si Adam Lawyer.
Artistahin ang hitsura ni Abe.
Minsan na siyang naging model ng isang sikat na clothing company sa bansa, pero panandalian lamang ang kanyang modelling career sa Pilipinas dahil bumalik siya sa Amerika para magsilbi bilang missionary ng The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints o Mormon Church.
Nakilala si Abe sa tawag na Elder Lawyer sa dalawang taong pagsisilbi nito bilang Mormon missionary sa Chile, na nagsimula noong 2021 at nakumpleto niya noong nakaraang buwan, Oktubre 2023.
Ipinagmamalaki ni Melanie ang pagiging misyonaryo, responsable, at kabutihan ng kanyang bunsong anak na huli niyang nakita bago magkaroon ng coronavirus pandemic noong 2020.
Marami ang nagsasabi kay Melanie na puwedeng-puwedeng artista sa Pilipinas si ang 20-year-old na si Abe.
Pero ayon kay Melanie, “Hindi siya marunong magsalita ng Tagalog. Puwede siguro siya sa Hollywood.”
Tulad ng kanyang ina at kapatid na parehong aktres at beauty queen, head-turner si Abe dahil sa kanyang maamong mukha at taas na 6’5 1/2″.
Naninirahan si Abe sa kasalukuyan sa Utah, USA, dahil dito siya umuwi matapos ang dalawang taong missionary duties niya sa Chile.