Francis and Pia Magalona have no certificate of ma.rriage in PH; what is its l.egal implication?

Francis and Pia Magalona
Lawyer Sandra Coronel explains in detail whether or not Francis Magalona and Pia Magalona are married based on CENOMAR from PSA.

Walang nakarehistrong certificate of marriage sina Francis at Pia Magalona sa Pilipinas.

Ito ang napag-alaman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) base sa Certificate of No Marriage (CENOMAR) mula sa Philippines Statistics Authority (PSA).

Dalawang kopya ng CENOMAR ang natanggap ng PEP.ph mula sa isang source—isa para kay Francis at isa para kay Pia.

Sa kaso ni Francis, nakasaad ang buong pangalan niya na Francis Michael Durango Magalona, at kapanganakan niya sa Maynila noong October 4, 1964. Ang mga magulang niya ay sina Enrique Gayoso Magalona Jr. at Teresita Rigo Durango.

Sinabi ng PSA na as of October 27, 2023, hindi nakarehistro ang pangalan ni Francis sa “National Indices of Marriages” ng ahensya, base sa records nito ng mga ikinasal mula “1945-2023.”

Sa kaso ni Pia, nakasaad ang buong pangalan niya na Maria Pia Koch Arroyo at kapanganakan niya sa Maynila noong October 6, 1964. Ang mga magulang niya ay sina Ramon Cleofe Arroyo at Edwina Ochoa Koch.

Sinabi ng PSA na as of October 27, 2023, hindi rin nakarehistro ang pangalan ni Pia sa “National Indices of Marriages” ng ahensya.

Kung walang CENOMAR sa Pilipinas sina Francis at Pia, ibig bang sabihin ay hindi kasal ang mga ito?

THE ISSUE

Kontrobersiyal ang isyung ito matapos pagpistahan sa social media ang paglantad ni Abegail Rait at ng kanyang 15-year-old daughter na si Cheska.

Ang rebelasyon ni Abegail, dati siyang karelasyon ng yumaong rapper, actor, at TV host na si Francis.

Si Cheska raw ang bunga ng lihim na pagmamahalan nila ni Francis noon.

“For fifteen years, nanahimik ako. Siguro naman ito na lang yung karapatan na puwede kong magawa para sa kanya [Cheska],” pagsisiwalat ni Abegail sa isang vlog noong October 17, 2023.

Sinundan ito ng pasabog na rebelasyon ng dating aktor na si Robby Tarroza, na nagsiwalat ng mga aniya’y pribadong pag-uusap nila ni Francis noong nabubuhay pa ito.

Ayon kay Robby, taong 2007 nang mag-confide sa kanya si Francis na hiwalay na ito kay Pia.

Makalipas ang ilang buwan, muli raw nagkita sina Robby at Francis, at ibinalita umano ni Francis na nakatagpo ito ng “real love” sa isang babaeng hindi pinangalanan ni Robby kung sino pero mahihinuhang si Abegail ang tinutukoy.

Kinuwestiyon din ni Robby kung kasal si Pia kay Francis, dahil sa pagkakaalam daw ni Robby ay may naunang kasal si Pia sa isang non-showbiz guy at may dalawang anak ang mga ito.

Sa kabilang banda, sinasabing kasal sina Francis at Pia sa Hong Kong.

Ito ay matapos lumutang ang lumang Facebook post ng veteran showbiz writer na si Pilar Mateo, na nagpapakita na kasama ito nang ikinasal sina Francis at Pia sa Hong Kong.

July 2015 nang i-post iyon ni Pilar sa Facebook.

Noong October 23, 2023, o makalipas ang mahigit walong taon, nagkomento si Pilar sa comments section ng kanyang lumang post para klaruhin na “JULY 14, 1995” ginanap ang kasal ng couple.

WHAT THE LEGAL EXPERT SAYS

Sa ngayon, hindi pa malinaw ang kasagutan tungkol sa marital status ni Pia noong nabubuhay pa si Francis.

Pumanaw si Francis noong March 6, 2009 matapos ang ilang buwang pakikipaglaban sa cancer.

Sa pagsasaliksik ng PEP.ph, inalam namin sa isang legal expert, si Atty. Sandra Coronel, kung ano ang legal implication ng CENOMAR nina Francis at Pia.

Si Atty. Coronel ay partner ng Yorac Law Firm, at namumuno ng legal team ng firm sa lahat ng level ng trial at appeal.

Siya ay senior lecturer sa Criminal Law at Remedial Law sa University of the Philippines College of Law.

Ipinaliwanag ni Atty. Coronel sa PEP.ph na hindi sapat na basehan ang CENOMAR para sabihing hindi kasal sina Pia at Francis.

“So, ang Philippine Statistics Authority or PSA, repository siya ng official documents including marriage certificates.

“Kaya pag kailangan mo ng marriage certificate or a copy of the marriage certificate, doon ka pupunta.

“Tapos doon ka rin pupunta para malaman mo kung ang isang tao ay kasal o hindi,” paliwanag ng abogada.

Sabay diin niya, “Kaya lang, itong repository na ito only refers to marriages na dito ginawa sa Pilipinas.

“So, ibig sabihin, if hindi sa Pilipinas kinasal, puwedeng kasal sila pero hindi naka-register sa PSA.

“Pero possible na abroad may record sila kasi doon sila kinasal.”

Tinanong ng PEP.ph kung nire-recognize sa Pilipinas ang kasal ng isang couple kung sa ibang bansa ito ginanap.

Sagot ni Atty. Colonel, “Yes. So, nire-recognize natin maski Pilipino, maski foreigner, pag kasal abroad.

“Basta valid ang kasal nila abroad, we recognize na sila ay kasal. Pero hindi tayo nagkakaroon ng kopya ng record.”

Patuloy na paliwanag pa ni Atty. Coronel, “So, kung may isang Pilipino, mag-boyfriend na Pilipino-Pilipina, nagpunta sila sa Hong Kong, doon sila nagpakasal.

“So, yes, nire-recognize natin na kasal sila, pero ang record ng pagkasal nila nasa Hong Kong, wala sa Pilipinas.

“May option sila na i-register sa Pilipinas ang marriage certificate, pero hindi obligado.

“So, puwede talagang walang record sa PSA, pero kasal abroad.”

DID PIA MAGALONA HAVE A PREVIOUS MARRIAGE?

Sa hiwalay na isyu kung may naunang kasal si Pia bago kay Francis, ipinunto ni Atty. Coronel na hindi pa rin sapat na basehan ang CENOMAR para malaman ang tunay na marital status ni Pia.

“Supposedly, si Francis at si Pia sa Hong Kong nagpakasal, di ba? Pero sinasabi ni Robby Tarorza na hindi puwedeng pinakasalan ka kasi may asawa kang iba?

“Pero lumalabas sa CENOMAR, walang record si Pia sa Pilipinas.”

Pero paliwanag din ng abogada, “inconclusive” ang CENOMAR dahil hindi nito sakop ang ibang bansa.

Kaya kung nagpakasal si Pia kay Francis, o kung may nauna man itong pinakasalang non-showbiz guy abroad, hindi iyon magri-reflect sa CENOMAR.

Aniya, “Ibig sabihin, hindi kino-confirm ng CENOMAR na walang previous marriage si Pia.”

Sa makatuwid, tanging si Pia ang makakapagbigay-linaw sa isyu kung boluntaryo niyang ipapakita ang valid document ng kasal nila ni Francis sa Hong Kong.

Si Pia lang din ang makakapagsabi kung siya ay hindi kasal sa iba abroad.

Ang tanging malinaw ay may anim na anak si Pia kay Francis, at mayroon itong dalawang anak sa isang dating karelasyon.

Hindi malinaw kung kasal si Pia sa ama ng nauna niyang dalawang anak.

ON PARENTAGE OF FRANCIS’S ALLEGED LOVE CHILD

Tinanong din ng PEP.ph si Atty. Coronel kung ano ang parentage ni Cheska, na sinasabing anak ni Francis kay Abegail.

Paano malalaman na ni-recognize ni Francis na lehitimo nitong anak si Cheska?

Sagot ni Atty. Colonel, “It depends kung ni-recognize ang bata ni Francis bago siya namatay.

“Dapat merong document that shows a child is recognized by the father during the lifetime of the father.

“So for example, pinirmahan ba ni Francis yung birth certificate? Pinagamit ba niya ang pangalan niya?

“Meron ba siyang paternity test? Or meron ba siyang last will and testament kung saan nakasulat na meron akong anak at nire-recognize ko?

“Pero kung hindi siya recognize during the lifetime of the father, mahihirapan siyang mag-prove na siya ay heir.”

Nananatiling bukas ang PEP.ph sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.