Inamin na umano ni Major Allan de Castro na may relasyon sila ni Miss Grand Philippines 2023 candidate at Grade 9 teacher na si Catherine Camilon.
Si De Castro ang itinuturong prime suspect sa misteryosong pagkawala ng beauty queen.
Ginawa ni De Castro ang pag-amin sa harap mismo ng hepe ng PNP at direktor ng CIDG sa Camp Crame kahapon, November 15, 2023.
Sa ulat ng 24 Oras, minsan na rin umanong inireklamo si De Castro ng pananakit ni Catherine.
Sa official residence ng chief PNP na si General Benjamin Acorda Jr. at CIDG Director Romeo Caramat, iniharap si Major De Castro.
Ayon kay Caramat, “Siya po ay iniharap natin kay Chief PNP kaninang umaga and he admitted na mayroon silang illicit relationship with Miss Camilon.”
Ito ang unang pagkakataong may inamin ang suspek.
Ayon pa sa ulat, sa 30 minutong pag-uusap nila sa loob ng tinatawag na White House sa Camp Crame, tikom pa rin daw ang bibig ni De Castro tungkol sa pagkawala ni Camilon.
Lahad ni Caramat, “Nung siya ay tanungin natin kung mayroon ba siyang involvement doon sa pagkawala ni Miss Camilon, ang sinabi lang niya kay Chief PNP, he invoked his right to remain silent.”
Hindi na raw pinilit pa nina Acorda at Caramat na magsalita ang suspek.
Saad ni Caramat, “Nag-sorry siya kay Chief PNP for dragging the PNP organization, na nadadamay ang organization.
“So the Chief PNP naman accepted his apology.”
Nasampahan na ng reklamong kidnapping at serious illegal detention si De Castro, kanyang driver at bodyguard na si Jeffrey Magpantay, at dalawang iba pa kaugnay ng pagkawala ni Camilon.
Hamon ngayon sa CIDG ang mahanap si Camilon na lagpas isang buwan nang nawawala.
Ayon kay Caramat, “May marching order ang ating Chief PNP to exert all our efforts to locate Miss Camilon either alive or dead.”
Dagdag pa sa ulat, base sa pakikipag-usap ng CIDG Region 4A sa pamilya ni Camilon, napag-alamang nagsumbong na dati ang biktima hinggil sa pananakit umano sa kanya ni De Castro.
May isang pagkakataon din daw na kinausap ni Camilon ang asawa ni De Castro tungkol sa pagkakaroon nito ng karelasyon sa beauty queen.
Naka-recover din daw ng 17 hair strands at nakakuha ng 12 swabs ng blood samples sa natagpuang sasakyan, kung saan sinasabi ng ilang testigo na nakakitang isinakay si Camilon habang duguan.
Sabi ni Police Colonel Jacinto Malinao, regional chief ng CIDG Regon 4A, “Since the initial evaluation namin in compliance sa Department Circular 20, ay may nakita ng prima facie evidence for the crime of kidnapping and serious illegal detention.
“So tinanggap naman ang piskalya and the case will undergo a preliminary evaluation.”