Inamin ni Anjo Yllana, 55, na hindi sila nag-uusap ngayon ng kanyang nakababatang kapatid na si Jomari Yllana, 47.
Ibinunyag ito ni Anjo sa YouTube interview sa kanya ni Aiko Melendez na lumabas ngayong Miyerkules, November 22, 2023.
Si Aiko ay dating asawa ni Jomari. Mayroon silang isang anak, si Andre Yllana na artista na rin ngayon.
Sa interview, nabanggit ni Aiko na hindi sila nag-uusap ngayon ni Jomari.
Singit naman ni Anjo, “Hindi kayo nag-uusap? Huwag kang mag-alala, hindi rin kami nag-uusap. Kayo hindi kayo nag-uusap, kami hindi kami nag-uusap.”
Pero pakli ng comedian-TV host, “Pero ayoko nang pag-usapan kung bakit di kami nag-uusap. I just don’t wanna lie na merong hindi tama.
“May problema kaming magkapatid, but that’s between us. As much as possible, ayoko na lang pag-usapan.”
Tila nais tumbukin ni Anjo na hindi niya kukunsintihin kung may nakikita siyang maling ginagawa ang nakababatang kapatid.
Sabi niya, “Basta katulad niyan, kinasal sila, di ba, so I’m happy for them. Ikinasal sila even though we did not talk.”
Ang tinutukoy ni Anjo ay ang pagpapakasal ni Jomari kay Abby Viduya sa Las Vegas, Nevada, nito lamang November 5, 2023.
Pagpapatuloy ni Anjo, “Kasi ang bilin ko sa kanya [Jomari] noon, I was so hurt nung nakipaghiwalay siya sa yo [Aiko]…
“Kasi sabi ko nga, once you’re a member of our family, I consider you as a family. You will be forever part of me as a family member…
“So, nung nag-break kayo, nasaktan ako,” sabi ni Anjo kay Aiko.
“I advised him. Sabi ko, ‘Next time, ha…’ ako minsan lang ako magsalita… bilang the kuya and wala na kasi yung daddy ko nun…
“Sabi ko sa kanya, being the eldest, ‘Ang pakiusap ko lang sa yo, pag nakaroon ka ng girlfriend ulit, bigyan mo ng five years bago ka mag-asawa ulit. Kasi ayokong maggi-girlfriend ka, mag-aasawa ka, tapos maghihiwalay ulit.’”
Sumegunda si Aiko na tinupad naman daw ni Jomari ang hiling ni Anjo.
Noong lamang October, ipinagdiwang nina Jomari at Abby ang kanilang fourth anniversary bilang reunited couple.
“Ayoko ngang maulit yung nangyari sa inyo. Gusto ko pag nagkaroon siya ng asawa, panghabambuhay na.
“So, hopefully, panghabambuhay yon,” ani Anjo ukol sa pagpapakasal ni Jomari kay Abby.
Hindi tinukoy ni Anjo kung ano ang pinag-ugatan ng alitan nila ni Jomari, pero sa pamamagitan ng Facebook post noong December 2021 ay inakusahan niya sina Jomari at Abby ng pagbulsa umano ng kanyang campaign funds para sana sa pagtakbo niya bilang congressman sa Camarines Sur.
Umatras kalaunan si Anjo.
STAFF MEMBER OF SENATOR JINGGOY ESTRADA
Nagtatrabaho ngayon si Anjo bilang staff member ni Senator Jinggoy Estrada.
Si Anjo ay kabilang daw sa staff na nakikinig sa mga hinihinging tulong ng local government units na lumalapit sa opisina ng senador.
“We deal with kung ano kunwari ang kailangan ng mayor sa Pampanga, hihingi sila ng tulong, pupuntahan sila don… yung kami sa political…
“We talk, we ask what they need, we read what they request and bibigay namin kay Senator yon for approval.
“More or less, kami yung nag-i-interact doon sa local government… buong Pilipinas yan,” saad niya.
Malaking tulong daw na dati siyang naging public service.
Naging two-term councilor si Anjo sa Parañaque at kalaunan ay naging vice mayor. Naging konsehal din siya sa Quezon City for two terms.
Sinabi rin ni Anjo na sa 2025 ay balak niyang tumakbo bilang konsehal sa Calamba, Laguna kung saan siya nakatira ngayon.