Andrea Brillantes kinuyog ng bashers matapos makumpirma ang KathNiel breakup

Hindi na malilimutan ni Andrea Brillantes ang petsang Nobyembre 30, 2023, ang 160th birth anniversary ng bayaning si Andres Bonifacio na kapareho ng initials ng kanyang pangalan.

A new KathNiel series is in the works! Here's what we know so far | Sagisag

Ito kasi ang araw na dinurog nang husto ng netizens ang pagkatao ng Kapamilya young actress.

Ilang minuto matapos kumpirmahin ni Kathryn Bernardo, sa pamamagitan ng isang opisyal na pahayag, na hiwalay na sila ng kanyang boyfriend na si Daniel Padilla, kinuyog na si Andrea ng mga tagahanga ng KathNiel.

Naniniwala ang karamihan ng KathNiel fans na si Andrea ang dahilan ng pagkasira ng relasyon ng kanilang mga iniidolong artista.

“Congratulations!” ang karamihan sa mga komento sa official Facebook page ni Andrea, na may 17 million followers.

Pero may himig ng pangungutya ang pagbati sa kanya dahil nagtagumpay umano siyang wasakin ang relasyon nina Kathryn at Daniel.

Higit na matitindi, masasakit at personal ang mga batikos kay Andrea sa kanyang Instagram page na may 13.9 million followers.

Literal na minumura siya ng mga galit na galit na mga tagahanga ng KathNiel, lalo na ng mga sumusuporta kay Kathryn.

Twenty years old pa lamang si Andrea.

Sa tindi ng mga masasakit na paratang laban sa kanya, imposibleng hindi maapektuhan ang kalusugan ng kanyang pag-iisip kaya mas makabubuting ipahinga muna niya ang sarili mula sa pagbabasa ng mga komento at mensahe ng fans na kinokondena siya.

Kailangan din niya ng wastong paggabay mula sa mga propesyonal para hindi siya talunin ng depresyon.

Hindi na nawalan ng kinasasangkutang kontrobersiya si Andrea buhat nang maghiwalay sila ng kanyang ex-boyfriend na si Ricci Rivero, na kinumpirma nito noong June 2023.

Inakusahan ni Andrea ng cheating si Ricci sa kanilang relasyon kaya nakuha niya ang simpatiya ng publiko at kaliwa’t kanan ang inabot na batikos ng kanyang dating boyfriend.

Nakadagdag sa paninira kay Ricci ang rebelasyon ni Andrea na hindi naglalaba ng damit ang ex-boyfriend.

Andrea B. - YouTube

Pero sa gitna ng mga natanggap na paninira mula sa mga tagasuporta ni Andrea, hindi nagpatinag si Ricci.

Hamon pa nga niya sa isang tagapagtanggol at kaibigan ng kanyang ex-girlfriend: “Gusto mo maglabasan tayo ng labada? Tara sabihan tayo kung sino talaga kumakabit?

“Hingi ka lifeline para may bala ka bago ka mag-reply publicly for your publicity. Sayang pakikialam mo kung di ka kasama sa headline.”

Tila nabaligtad na ang sitwasyon dahil si Andrea na ngayon ang nakakatikim ng masasakit na salita mula sa KathNiel fans, na parang siguradong-sigurado na siya ang ugat ng pagkasira ng labing-isang taong relasyon nina Kathryn at Daniel.

Parehong mga contract star sina Kathryn, Daniel, at Andrea ng Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN.

Isang malaking isyu ang kinasasangkutan ng tatlo kaya interesado ang publiko na malaman ang posisyon ng Star Magic management tungkol sa kontrobersiyang dumudurog ngayon nang husto sa pagkatao ni Andrea.

Wala pa ring pahayag si Andrea tungkol sa pagkakaugnay ng pangalan niya kay Daniel na siya umanong dahilan ng pagkasira ng relasyon ng aktor at ni Kathryn.

Sa gitna ng matinding batikos na natatanggap ngayon ni Andrea, tila inabsuwelto na ng publiko si Daniel gayong, kung tutuusin, kapwa sila may pananagutan kung sakali mang totoong nagkaroon sila ng ugnayan.