Kim Chiu asked when was the last time she told an ex, “I wish you the best”

Kim Chiu and It's Showtime hosts

Naging tampulan muli ng panunukso si Kim Chiu tungkol sa usapang ex sa episode ng It’s Showtime ngayong Lunes, December 4, 2023.

Nangyari ito sa bagong segment ng ABS-CBN noontime show na “Expecially For You,” isang dating game kung saan kasama ng contestant ang kanyang ex.

Sa isang punto, naging usapan ang tungkol sa paghahangad ng tagumpay ng isang tao para sa kanyang dating karelasyon.

Unang tinanong ni Vice Ganda ang co-host na si Vhong Navarro.

“Pag successful ka na, gusto mo maligaya rin ang ex mo, successful para pareho kayo,” sagot ni Vhong.

Tinanong din ni Vice si Karylle, na halatang umiwas.

Sabay sabi ni Vice, “Yun naman ang dapat. We should always wish the best for everybody.”

Sa puntong iyon ay ibinaling ni Vice ang atensiyon kay Kim.

Dinig ang reaction ng audience at pati ang co-hosts. Bali-balita ngayon na hiwalay na umano si Kim sa boyfriend na si Xian Lim.

Pagpapatuloy ni Vice sa tanong kay Kim kung totoong kapag ex mo na ay wala nang nararamdamang concern.

Sumagot si Kim: “Totoo naman ang kasabihang, ‘I wish you the best,’ kahit di mo birthday, di ba? O, di ba, ‘Happy birthday, I wish you all the best in life.’

“Kahit walang okasyon, gusto mo yung best para sa tao.”

Hindi roon nagtapos ang panunukso ni Vice.

“Kailan mo huling nasabi yan na, ‘I wish you the best’?”

Malakas na tawa ang reaksiyon ni Kim.

“Kanina lang nung nag-birthday greeting ako,” birong sagot niya kasabay ng tawa.

Sa isang interview noong November 27, tinanong si Kim tungkol sa estado ng relasyon nila ni Xian.

“Grabe, sa amin na lang muna yon. We’ll just keep it to ourselves na muna,” sagot ni Kim.

Na-interview rin siya ukol kay Xian noong October 31 sa presscon ng limited series niyang Linlang.

Maiksi man ang sagot ay nakapagkomento pa rin siya ukol kay Xian.

Sinabi ni Kim na “okay naman” sila ni Xian, at umoo siya nang tinanong kung “very strong” ang kanilang relasyon.

Napansin kasi ng mapagmatyag na netizens na walang masyadong posts sina Kim at Xian na magkasama lately.

Noong nakaraang buwan ay may mga biyahe sa loob at labas ng bansa si Kim na wala si Xian.

KIM TEASED ABOUT HER LOVE LIFE ON IT’S SHOWTIME

Recently, maraming beses na nagiging tampulan ng panunukso si Kim ng kanyang fellow It’s Showtime hosts tungkol sa love life.

Noong November 2, tinukso siya ni Vice at tinanong kung sino ang nagpapangiti sa kanya.

Nabanggit pa ni Kim noon na isa na rito si Xi (palayaw ni Xian).

November 15, sa segment na “Tawag ng Tanghalan,” kapansin-pansing ingat na ingat sina Amy Perez at Vhong na tanungin si Kim nang pag-usapan ang ukol sa pagkakaroon ng pinagdadaanan.

Noong November 28, sa isang game segment ng noontime show, tinanong ang guest co-host na si Darren Espanto kung ano ang kakantahin niya para kay Kim.

Inawit ni Darren ang “Anong Nangyari Sa Ating Dalawa,” ang breakup song ni Erik Santos.

Kita sa camera ang malaking reaksiyon ni Jugs Jugueta. Dinig ang malakas na hiyawan ng audience.

Kagyat na nag-iba ang mukha ni Kim at pabirong sinakal si Darren.

Inamo ni Darren si Kim.

Nag-joke pa si Darren ng, “Ang laki ng reaction ng madlang people.”

Sa gitna ng breakup issue, wala pa ring kinukumpirma o itinatanggi sina Kim at Xian.

Kim Chiu and Darren Espanto