Sa live broadcast ng Eat Bulaga! sa GMA-7 ngayong Miyerkules ng tanghali, Disyembre 6, 2023, si Paolo Contis ang nagbitaw ng pahayag tungkol sa desisyon ng Intellectual Property Office (IPO) na kanselahin ang trademark registration ng TAPE Inc., ang producer ng longest-running noontime show.
Napatunayan ng IPO na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon ang tunay na lumikha sa pinag-aagawang pamagat na Eat Bulaga at EB.
Pahayag ni Paolo sa opening ng kanilang programa: “Simple lang ang gusto kong sabihin para sa ating mga Kapuso.
“Mga Kapuso, mahaba pa po ang laban. Ibig sabihin, legally, wala pang final. Okay?”
Dagdag pa ng actor-TV host, na nagsilbing spokesperson para sa TAPE, “Pero ito lang po ang pangako namin, anuman ang mangyari, ang nasimulan po namin na tulong at saya ay itutuloy lang po namin araw-araw dahil yun lang po ang dahilan kung bakit kami pumapasok araw-araw.
“Kayo po ang dahilan kaya nandito kami.”
Dugtong ni Winwyn Marquez, “Kaya tuloy ang Pasko na pinakamasaya.”
Pagsang-ayon ni Betong Sumaya, “Dito lang yan sa tahanang pinakamasaya!’ “
“Teka, teka, hindi yan ang title natin,” reaksiyon ni Paolo sa mga sinabi nina Winwyn at Betong bago sabay-sabay na isinigaw ng lahat ng mga host ang “Ito po ang Eat Bulaga!!”
Bukod sa free TV, live na napanood sa YouTube ang Eat Bulaga! at ang E.A.T.
Kumpirmadong higit na marami ang nag-abang sa live broadcast ng E.A.T. dahil, as of this writing, 56,867 ang bilang ng mga nanonood sa official YouTube channel ng E.A.T.
Samantalang 1,330 naman ang bilang ng mga sumusubaybay sa Eat Bulaga!, na isang indikasyon ng tunay na sentimyento ng publiko sa kontrobersyal na isyu.