It’s official: Miguel Tanfelix and Ysabel Ortega exclusively dating

Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega confirm they're exclusively dating

Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsalita na sina Miguel Tanfelix at Ysabel Ortega tungkol sa estado ng kanilang relasyon.

Pagtatapat ng dalawang Kapuso stars sa Fast Talk With Boy Abunda nitong Martes, December 12, 2023, higit pa sa magka-love team o magkaibigan ang turingan nila dahil “exclusively dating” na sila.

Hindi raw nanliligaw sa iba si Miguel at hindi rin nagpapaligaw sa iba si Ysabel.

Pagtatapat ni Miguel sa host na si Boy Abunda, “Napag-usapan po natin kanina, may business [si Ysabel], nagpi-film school naman ako. So, hindi po kami in rush ni Ysabel.

“Alam naman natin na once na nagmadali ka sa isang relasyon ay puwedeng masayang yung isang magandang bagay.”

Mabilis naman itong sinang-ayunan ni Ysabel.

Aniya, malaki ang pasasalamat niya sa Kapuso actor dahil sa pagtitiyaga at pagmamahal nito sa kanya.

May isang segment kunsaan binigyan ng pagkakataon ni Boy sina Miguel at Ysabel na tanungin ang isa’t isa.

Tanong ni Miguel kay Ysabel, “I just wanna know kung genuinely happy ka ba sa kung anong meron tayo ngayon?”

Sagot ni Ysabel, “Honestly, yes, of course. Super.

“Hindi mo alam how much you make me happy.”

Sundot na tanong ni Boy, “Ysabel, is there specific thing that really makes you happy?”

Sa puntong ito, naging emosyunal na si Ysabel nang isa-isahin kung paano siya napapasaya ni Miguel.

Ayon sa dalaga, “Siguro yung patience niya.

“Well, kasi halos araw-araw magkasama kami. Even kapag hindi kami magkasama, lagi niya akong kinakausap and palagi akong nagra-rant sa kanya about my problems.

“Super grateful ako na palagi siyang nandiyan para makinig sa lahat.”

Hindi rin pinalampas na tanungin ni Ysabel si Miguel.

Tanong niya sa binata: “How long are you willing to love me?”

Mabilis na sagot ni Miguel, “Ako, tama yung sinabi ni Tito Boy kanina, na yung love makes you stronger. And ako, never kong nakita yung sarili ko na ganito before.

“So, nagugustuhan ko yung version ng self ko ngayon kaya I’m willing to wait.

“Yung patience ko kahit na hindi ako pasensiyosong tao, hinahabaan ko for you.”

Noong February 9, sa Fast Talk With Boy Abunda rin nang ibunyag ni Miguel sa publiko na nililigawan niya si Ysabel, kasabay ng panliligaw niya sa ina ng young actress na si Michelle Ortega-Pimentel.

Sabi noon ni Miguel, “Kailangan po kasi nating sundin yung nanay ni Ysabel, medyo strict po si Tita.

“Respeto din po sa desisyon niya sa anak niya, dahil kahit papaano kailangan din pong ligawan yung magulang ng nililigawan mo.

“Nililigawan ko po silang dalawa. Nililigawan ko po si Ysabel at yung nanay niya po.”

Ayon pa kay Miguel, gusto niyang mag-focus si Ysabel sa kurso nitong law, kaya’t handa raw siyang maghintay hanggang sa maging okay na ang lahat at makatapos ito sa pag-aaral.