Melanie Marquez, may ibubunyag sa nasaksihang “milagro” sa Miss Universe 2023 coronation night

Melanie Marquez and daughter Michelle Dee

Must-watch ang pagbisita bukas, Biyernes, Disyembre 15, 2023, ni Melanie Marquez sa Fast Talk with Boy Abunda dahil bibigyang-linaw niya kung imbento lamang o may katotohanan ang mga “Melanism” na iniiugnay sa kanya.

Ilan sa mga katagang ito ay ang “I don’t eat meat. I am not a carnival,” “Ang tatay ko ang only living legend na buhay,” “Why should I have a calling card? I am not a call girl!,” “Don’t judge my brother, he’s not a book!” at “You can fool me once, you can fool me twice, you can even fool me thrice, but you can never fool me four.”

Ito ang magbibigay ng tuldok sa mga salita na diumano’y binitiwan niya at naghatid ng aliw sa publiko, pero nananatiling palaisipan dahil wala siyang kumpirmasyon kung totoo o kathang-isip lamang ng mga natutuwa sa kanyang pagsasalita sa wikang Ingles.

Babasagin din ni Melanie ang pananahimik tungkol sa isyu ng pagkakaligwak ng kanyang anak na si Michelle Dee sa Top 5 ng 72nd Miss Universe na ginanap sa El Salvador noong November 18, 2023.

Ihahayag din niya ang tungkol sa isang eksena sa gabi ng koronasyon na personal niya na nasaksihan kaya naniniwala siya na may naganap na “milagro.”

MELANIE “IN DISGUISE”

Hindi ang mga Melanism ni Melanie ang aming paboritong kuwento dahil mahirap makalimutan ang pag-uusap namin sa telepono nang bumalik siya sa Pilipinas matapos ang matagal na panahong pagtatago sa Amerika.

Inilayo kasi noon ni Melanie mula sa estranged husband niya noon na si Derek Dee ang kanilang dalawang maliliit na anak, sina Maxine at Michelle.

Nagkaroon sina Melanie at Derek ng custody battle para sa dalawang anak nila na itinakas niya at dinala sa Utah, USA.

Dahil sa ginawa ni Melanie, nagsampa si Derek ng kaso kaya nasa watch list ng Bureau of Immigration at hindi makauwi ng Pilipinas ang former Miss International.

Makalipas nga ang ilang taon, bandang 5 a.m. nang tumunog ang landline ng awtor na ito.

Nang sagutin namin ito, si Melanie ang nasa kabilang linya.

“Nandito na ako sa Manila, nasa airport ako,” ang sabi ni Melanie habang papungas-pungas pa kami mula sa biglang pagkakagising.

Ikinagulat namin ang pagbabalik ni Melanie sa bansa dahil nasa watch list nga siya ng Bureau of Immigration.

Kaya nagtanong kami kung paano siya nakapasok ng bansa na hindi napapansin ng immigration officers.

Mahirap na hindi mapuna ang isang kagaya ni Melanie na matangkad na babae at popular na personalidad.

Ang sagot ni Melanie, “Hindi nila ako nakilala! Nag-disguise ako!”

Manghang-mangha kami sa sagot ni Melanie kaya “Talaga? Ang galing mo naman. Ano ang disguise mo?” ang usisa namin sa kanya.

“Nag-disguise ako na model” ang seryoso at walang anuman na pretensyon na deklarasyon ni Melanie.