Nagkalat ang mga maling impormasyon tungkol sa kontrobersiyang kinasasangkutan nina Rob Gomez, Bianca Manalo, Herlene Budol, at Pearl Gonzales dahil sa mga unauthorized uploaded social media conversations nila na pinaghihinalaang kagagawan ni Shaila Rebotera, ang dating karelasyon ng aktor.
Mali ang akala ng netizens na anak si Rob ni Gary Estrada. Ang kapatid ni Gary na si Kate Gomez ang nanay ni Rob.
Hindi rin kasal si Rob kay Shaila.
Naghiwalay sila apat na buwan na ang nakalilipas kaya malaya silang makipagrelasyon sa iba.
Mapapansin sa kumalat na screenshot ng palitan ng mensahe nina Rob at Bianca na tila edited ito dahil ang mga text lamang ng dating beauty queen ang mababasa, wala ang mga sagot ng kontrobersiyal na aktor.
Isang expert sa technology na nakausap ng Cabinet Files ang nagsabing may mga app at website na puwedeng makagawa o makabuo ng fake conversation.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Bianca tungkol sa nabanggit na kontrobersya at parang hindi siya apektado dahil sinusulit niya ang pagbabakasyon sa ibang bansa.
Kung gugustuhin ni Bianca na maabsuwelto siya sa maselang usapin, puwede niyang ilabas ang kabuuan ng pag-uusap nila ni Rob.
Sinabi ng mga saksi sa kaguluhang nangyari sa pagitan nina Rob at Shaila sa inuupahang condominium unit ng beauty queen sa Pasig City na ang driver ng aktor ang makapaglalahad sa katotohanan.
Nakita umano nito ang pagsisimula ng “meltdown” ni Shaila.
Diumano, ang driver ang makapagpapatunay na inagaw ni Shaila ang cellphone ni Rob.
Pinilit daw inalam ni Shaila ang password ang cellphone ni Rob at in-upload sa social media accounts ng aktor ang mga pribadong usapan nito, na isang paglabag sa Data Privacy Act of 2012 o Republic Act No. 10173.
Ayon sa isang advisory opinion ng National Privacy Commission, ang pag-post o pagbabahagi ng screenshot ng isang pribadong pag-uusap na kinasasangkutan ng personal na impormasyon nang walang pahintulot ng mga partidong kasangkot ay maaaring parusahan dahil sa Data Privacy Act (DPA) of 2012.
Sa ilalim ng DPA, makukulong ng isa hanggang tatlong taon at magmumulta ng PHP500,000 hanggang isang milyong piso ang sinumang maglalabas ng mga personal na impormasyon.
Kung ang sensitibong impormasyon ay isinama sa ibinahaging pag-uusap, makukulong ng tatlo hanggang limang taon at magmumulta ng P500,000 hanggang PHP2 miyon ang mga lumalabag sa batas.
Maaaring maghain ng reklamo sa National Privacy Commission at magsampa ng kaso sa korte ang mga biktima na puwedeng humingi ng danyos dahil sa mga paninirang ginawa sa kanila.
Bukas ang Philippine Entertainment Portal sa panig ni Shaila Rebortera kaugnay ng isyung ito.