Sumama ba ang loob ni Vhong Navarro nang mag-resign sa It’s Showtime si Billy Crawford at naging host ng katapat na noontime show sa ibang TV network?
Ito ang mainit na tanong na ibinato ni Ogie Alcasid kay Vhong.
Magkasama ngayon sina Vhong at Ogie sa ABS-CBN noontime show.
Nilisan ni Billy ang It’s Showtime noong 2018, at eventually ay naging main host ng Tropang LOL (Laugh Out Loud), ang itinapat na noontime show ng TV5 (2020-2023).
Ayon kay Vhong, hindi sumama ang loob niya nang tapatan ni Billy ang It’s Showtime via LOL ng TV5.
“Actually, hindi ako nagtampo nung nakatapat natin siya nung LOL. Totoo to, ah, hindi ako nagtampo.
“Alam mo kung saan ako nagtampo? Nung nag-resign siya sa Showtime,” sagot ni Vhong kay Ogie sa isang video sa YouTube channel ni Vhong nitong December 17, 2023.
Pakiramdam daw kasi ni Vhong ay nawalan siya ng partner. Sila kasi ni Billy ang na-establish na partners sa programa.
“Kasi sobrang mahal namin yung show, e. Ano kami dun, tandem talaga kami. Billy-Vhong nga, e.”
Ibinahagi pa ni Vhong na sinabihan silang maging tandem noong binubuo pa lamang ang It’s Showtime.
Lahad niya, “Kaya siya nilagay doon, para ka-tandem ko. Tagasalo, yun yon.
“Kaya nung nawala siya, sobrang miss ko siya, hindi lang sa sayaw, sa prod, sa ‘Magpasikat,’ pati dun sa hosting…
“Dun ako nagtampo nung nag-resign siya. Kaya nagtatampo ka lang kasi, sayang…
“Pero naiintindihan ko kung ano yung rason niya, kung bakit siya nag-resign. Klaro yon.
“That time, kailangan niyang maging family man. Kailangan niyang mag-concentrate sa pagbuo niya ng pamilya niya.
“Kailangan ng quality time kay Coleen [Garcia] at magiging anak. Yun naman, malinis naman…”
Inamin din ni Vhong na nagkaroon sila ng malalim na usapan ni Billy kasunod ng pagre-resign ng huli.
“Iyakan sa telepono, lahat. Malalim. Maiintindihan mo, e. Meron siyang pinanggagalingan nung time na yon.”
Matatandaan ding nagkaroon ng lamat ang relasyon noon nina Billy at Vice Ganda, na isa rin sa main hosts ng It’s Showtime.
Pero natapos iyon sa guest appearance ni Billy sa dating kinabibilangang noontime show at humingi ng sorry kay Vice.
Bagamat hindi na kabilang si Billy sa It’s Showtime, sinabi ni Vhong na patuloy pa rin ang komunikasyon nila.
“Si Billy, nagtatawagan kami. Nagkakalaro pa kami ng basketball, nangangamustahan kami.
“Si Billy, malapit sa puso ko yan. Brother ko yan.”
Tinanong ni Ogie si Vhong kung gusto ba niyang bumalik sa programa si Billy.
Sagot ni Vhong, “Kung puwede talagang makabalik, why not?”