SB19 Josh Cullen admits considering acting career: “Marami nang nag-o-offer sa akin…”

SB19's Josh Cullen admits considering acting career

“Roller coaster ride.”

Ganito ilarawan ng SB19 member na si Josh Cullen ang kanyang 2023 matapos niyang dumaan sa maraming pagsubok, hindi lang sa showbiz career kundi maging sa personal na buhay.

Sinubok man siya ngayong taon, malaki pa rin daw ang pasasalamat ng P-pop idol dahil nalampasan at napagtagumpayan niya ito.

“Grabe, 2023, roller coaster ride,” ani Josh nang tanungin siya kung paano niya idi-describe ang taong ito.

Pagpapatuloy niya, “Maraming pangit, maraming magagandang nangyari.

“Pero sa totoo lang, I’m very blessed and grateful to every blessings.”

Bukod sa tagumpay ng SB19, isa pa sa ipinagpapasalamat ni Josh ay ang pagsa-shine individually.

Ito ang ibinida ni Josh sa MV (music video) launch ng bagong niyang single na “Get Right,” noong December 15, 2023, na ginanap sa Lust Nightclub sa Timog Avenue, Quezon City.

Ani Josh, katuparan sa kanyang pangarap ang kantang “Get Right,” matapos ang success ng tatlong nauna niyang inilabas na single na “Wild Tonight,” “Pakiusap Lang,” at “Sofa (Remix)” na siya mismo ang sumulat, nag-direct, at nag-conceptualize.

Dahil sa sunud-sunod na tagumpay na natatamasa niya ngayon sa kanyang music career, tinanong si Josh kung handa na rin ba siyang mag-level up at sumabak sa acting.

Tanong ng isang entertainment reporter, “Kung may offer sa yo to try acting, game ka ba dun?”

Pag-amin ni Josh, noon pa man ay marami nang lumalapit sa kanyang production companies para kunin siyang aktor.

Noong una ay wala raw siyang interes dito dahil hindi naman niya pinangarap maging artista at umakting sa mga pelikula at teleserye.

Sapat na raw kasi kay Josh ang mag-perform, sa pamamagitan ng pagkanta at pagsayaw, lalo na’t dito siya unang nakilala.

Aniya, “Marami nang nag-o-offer sa akin, even before.

“Even from the biggest production companies, mga production.

“Pero I always choose to perform, and siyempre sa schedules, medyo mahirap talaga.”

Hanggang kamakailan daw nang magdesisyon si Josh na kumawala sa kanyang comfort zone at sumubok ng mga ibang bagay-bagay na makapagpapalabas sa kaya pa niyang gawin bilang isang artist.

Sabi niya, “Right now, I’m considering it na magkaroon nga ng siguro acting career.

“I-venture out din kung ano yung mapupuntahan ko dito. Kasi ever since hindi ko ini-imagine yung sarili ko mag-aartista.

“Pero I think being an artist is always part of, di ba, siyempre acting, kasama yan sa paggawa ng music video and it’s a good thing to explore din.”

Sundot na tanong sa kanya, “Anong role ang gusto mong i-try?”

Saglit na napangiti si Josh sabay sagot ng: “Gusto ko talaga psycho, e, something like that yung medyo uncommon.

“Kasi feeling ko, I’ll do good when it comes to those kind of roles since I love playing horror games and I love watching thriller movies.”