“I am happy for him. We’re glad to be of service.”
Ito ang natatawang reaksiyon ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP) member na si Butch Francisco tungkol sa ginawang pagbebenta ni Jiro Manio ng Gawad Urian trophy nito sa content creator at businessman na si Jayson Luzadas, na higit na kilala sa pangalan na Boss Toyo ng Pinoy Pawnstars.
Gumawa ng kasaysayan si Jiro sa movie industry dahil sa edad na labindalawa (12), siya ang pinakabatang nanalong Pinakamahusay na Aktor sa 27th Gawad Urian noong 2004.
Nagwagi si Jiro dahil sa kanyang mahusay na pagganap sa Magnifico, ang pelikulang ipinalabas sa mga sinehan noong Enero 29, 2003.
Makalipas ang dalawang dekada matapos niyang manalo sa Gawad Urian, muling pinag-uusapan si Jiro dahil ibinenta nito kay Boss Toyo ang kanyang best actor trophy sa halagang PHP75,000.
Amused na amused si Butch sa ginawa ni Jiro pero natuwa siya dahil naibenta ng dating child actor sa malaking halaga ang Gawad Urian trophy. Hindi raw kasi bababa sa PHP6,000 ang halaga ng pagpapagawa ng MPP sa trophy.
Natatawang biro ni Butch, “Kung gusto ni Boss Toyo, ire-refer ko siya sa gumagawa ng mga trophy ng Gawad Urian para makamura siya.”
Malaking tulong ang PHP75,000 kay Jiro.
Alam ng lahat na dumaraan sa maraming pagsubok mula ang dating child actor nang tumamlay ang takbo ng kanyang acting career dahil sa mental health issues at pagkalulong sa masamang bisyo.
One hundred thousand pesos ang unang presyong sinabi ni Jiro kay Boss Toyo para sa kanyang Gawad Urian trophy, pero nagkasundo sila sa halagang P75,000.
Plano ni Boss Toyo na ilagay sa kanyang museum ang acting award ni Jiro mula sa Manunuri ng Pelikulang Pilipino. Pero walang pangalan ng batang aktor ang tropeyo dahil hindi nito naipa-engrave ang pangalan niya.
Sa pag-uusap nila ni Boss Toyo, lumabas ang katotohanang hindi alam ni Jiro na Manunuri ang kahulugan ng letrang M sa trophy na ipinagbili niya.
Higit sa lahat, malamang na ignorante si Jiro sa bato na nakalagay sa Gawad Urian trophy.
Simbolo ng bato na ginagamit sa pag-uri ng mga ginto ang stone design sa Gawad Urian trophy, na inihahalintulad ng mga miyembro ng MPP sa pag-uri nila sa mga aktor at pelikulang pagkakalooban ng mga parangal.
Hindi nainsulto si Butch nang ipagbili ni Jiro ang Gawad Urian trophy nito.
Pero noong 1981, nagulat ang mga miyembro ng MPP nang manalo si Johnny Delgado na best supporting actor para sa Kakabakaba noong 1981 dahil nakita nila na isinilid ng aktor sa bulsa ng pantalon nito ang napagwagian na tropeo.
Nasaktan din ang mga miyembro ng MPP nang makita nila na inilapag sa sahig ng direktor na si Ishmael Bernal ang Gawad Urian para sa Pinakamahusay na Dulang Pampelikula (Best Screenplay) na napanalunan niya para sa City After Dark noong 1981.
Umasa raw si Bernal na siya ang mananalo noong pinakamahusay na direktor, pero ang best screenplay award ang kanyang natanggap.
Dahil hindi siya ang nagwaging best director, inilapag lamang niya sa sahig ang Gawad Urian trophy.
Marami na ang mga pagbabagong nangyari mula noong 1981 hanggang 2024 kaya maaaring mauunawaan na ng mga miyembro ng MPP ang pasya ni Jiro na ibenta ang acting trophy nito dahil kailangang-kailangan niya ng pera.
Matagal nang talamak ang pagbebenta ng mga parangal ng ilang award-giving bodies sa mga artistang naniniwalang tataas ang kanilang mga talent fee kapag nanalo sila ng mga parangal.
Pero sa kauna-unahang pagkakataon, ngayon lamang nasangkot ang isang prestigious award-giving body na gaya ng Gawad Urian sa bentahan ng acting trophy dahil sa ginawa ni Jiro.