Nakipag-ugnayan ang Cabinet Files sa isang malapit kay Diego Loyzaga para sa panig nito tungkol sa mga eksplosibong social media post ni Alexis Suapengco, ang ina ng kanyang anak na si Hailey.
Sinabi ng taong nakausap ng Cabinet Files, walang plano si Diego na magsalita tungkol sa matitinding paratang ni Alexis laban sa kanya dahil mas pinahahalagahan umano ng aktor ang kapakanan ng kanilang anak.
Ginamit ni Alexis ang IG stories niya para isiwalat na, diumano, pinalayas siya ni Diego at ang kanilang anak sa bahay dahil sa isang babae.
Binanggit ni Alexis ang pangalan ng babaeng tinutukoy niya.
Isang pribadong mamamayan ang babaeng tinukoy ni Alexis at biktima ngayon ng bullying ng netizens na kumakampi sa kanya.
Mula nang ilabas ni Alexis ang pangalan ng babaeng kanyang pinagseselosan, may gumawa agad ng fake social media account nito.
Kumalat din sa iba’t ibang mga social media platform ang screenshot ng pakikipagpalitan ni Diego ng mensahe sa isang kausap nito.
Dapat ipaalala sa pinagmulan ng mga screenshot at sa mga patuloy na nagkakalat nito ang Data Privacy Act of 2012.
Nakasaad sa advisory ng National Privacy Commission, “posting or sharing a screenshot of a private conversation involving personal information without the consent of the parties involved may be punishable under the Data Privacy Act of 2012.
“The disclosure of a private conversation involving personal data without the consent of the parties involved, or without some other lawful basis for the processing of personal data under the DPA, may be construed as unauthorized processing.”
Sa ilalim ng Data Privacy Act, puwedeng maghain ng reklamo sa NPC at magsampa ng kaso sa korte ang mga biktima para sa perhuwisyong idinulot sa kanila ng mga screenshot ng personal na pakikipag-usap nila na walang pahintulot na ikinalat.
Pagkakakulong ng isa hanggang tatlong taon at pagmumulta ng PHP500,000 hanggang isang milyong piso ang parusang ipapataw sa sinumang maglalabas ng personal na impormasyon nang walang permiso.
Kung isinama sa ibinahagi o ikinalat na pag-uusap ang mga maselan o sensitibong impormasyon, makukulong ng tatlo hanggang limang taon at magmumulta ng PHP500,000 hanggang PHP2 milyon ang mga mapapatunayang lumabag sa Data Privacy Act.