Mag-ex na sina Kim Chiu at Xian Lim magtatapat sa prime time


Kim Chiu’s Kapamilya primetime series Linlang and Xian Lim’s Kapuso primetime drama Love. Die. Repeat. will go head-to-head starting January 22. PHOTO/S: ABS-CBN / GMA-7

From KimXi to Kim vs Xi!

Kaabang-abang ang bakbakan sa primetime ng kani-kanyang teleserye nina Kim Chiu at Xian Lim.

Magpa-pilot ang teleseryeng Love. Die. Repeat. nina Jennylyn Mercado at Xian sa Enero 15, 2024, Lunes, pagkatapos ng Black Rider sa GMA Prime.

Sa pilot week ng Love. Die. Repeat. ay katapat nito ang teleseryeng Can’t Buy Me Love nina Donny Pangilinan at Belle Mariano.

Umeere ang DonBelle series sa TV5 at iba pang platform pagkatapos ng FPJ’s Batang Quiapo ni Coco Martin.

Sa Enero 15, Lunes, din ang umpisa ng Asawa ng Asawa Ko nina Jasmine Curtis-Smith at Rayver Cruz.

Ito ang papalit sa Liars and Lovers na magtatapos ngayong Enero 11, Huwebes ng gabi.

Ang timeslot ng Asawa ng Asawa Ko ay pagkatapos ng Love. Die. Repeat.

Katapat ng pilot week ng Asawa ng Asawa Ko ang finale week ng Senior High.

Sa Enero 22, Lunes, mag-uumpisa ang teleserye version ng Linlang nina Kim Chiu, Paulo Avelino, JM de Guzman, at Maricel Soriano sa TV5, A2Z, Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live — pagkatapos ng FPJ’s Batang Quiapo.

Inihayag ito ng Dreamscape Entertainment sa socmed nitong Enero 10, Miyerkules ng gabi.

Makikipagsalpukan ang Linlang ni Kim sa Love. Die. Repeat. ni Xian!

Simula Enero 22 ay mauurong ang timeslot ng DonBelle series. Susunod na ito sa Linlang.

Can’t Buy Me Love ang makikipagbardagulan kapagkuwan sa Asawa ng Asawa Ko (na originally ay panghapon sana).

NOEL FERRER

Ang galing lang, kasi ang mga Pinoy, kahit napanood na, kapag maganda, uulit-ulitin pa ang nasabing pelikula o teleserye — tulad na lang ng Linlang na ipinalabas sa Prime Video.

At meron pang bagong viewers ito — ang masa na hindi naka-access nito sa paid streaming device kaya dagdag na audience pa talaga.

Sino ang mas susuportahan ng KimXi fans?

Interesado akong malaman ito. Pero ang choice nila ay hindi lang nakaangkla kina Kim and Xian.

Ano ba ang mas magandang teleserye na tatatak sa puso ng masang Pinoy

Abangan natin ang numbers at qualitative data!!!

GORGY RULA

Matagal ding hindi napapanood na umarte si Jennylyn Mercado, kaya isa ito sa kaabang-abang sa Love. Die. Repeat.

Nagpapasalamat si Jennylyn sa co-actors niyang sina Nonie Buencamino at Ina Feleo dahil parang sila raw ang tumayong acting coach niya sa kanyang pagbabalik-acting.

Ang daming pinaghandaan ni Jennylyn bago siya bumalik sa taping ng Love. Die. Repeat. dahil may iniwan siyang mga eksena nung halos tatlong taon nang nakaraan.

Tumaba raw siya pagkatapos niyang manganak kay Dylan, ang anak nila ni Dennis, kaya hindi raw siya nagpu-post sa social media dahil sa laki niya.

Puspusan ang ensayo niya para mabalik ang dating katawan bago siya bumalik ng taping.

“Nung first time na nag-lock-in kami nung unang production pa, kailangan kong habulin yung hitsura na yun. So, may konting pressure. Matagal din bago nabalik sa dati,” pakli ni Jennylyn sa nakaraang mediacon ng Love. Die. Repeat.

Nagpapasalamat din si Jennylyn sa asawa niyang si Dennis.

“Bago ako bumalik, yung kaba ko ibang klase, kasi parang, ‘Kaya ko bang bumalik?’ Kasi parang iniisip ko pa lang na bumalik, nanginginig na ako, e.

“Si Dennis, yun talagang ano ko, parang life coach ko na ‘Kaya mo yan. Ganito lang gagawin mo, enjoy ka lang, huwag mong isipin masyado,’” saad ni Jennylyn.

Pagkatapos ng Love. Die. Repeat. ay ang Asawa ng Asawa Ko naman na lalong na-challenge ang direktor nitong si Laurice Guillen dahil ang nung tini-tape daw nila ito, alam nilang pang-afternoon slot ito.

Pero nung sinabihan silang sa GMA Prime na ito na ipapalit sa matatapos nang Love Before Sunrise, medyo na-pressure sila dahil iba rin talaga ang audience nito sa gabi.

Medyo maselan ang tema ng kuwento ng Asawa ng Asawa Ko at baka may mga mag-react na grupo, lalo na yung sa grupo ng mga rebelde na ginagampanan nina Joem Bascon, ang Kalasag na team.

In-assure naman nilang wala silang matatamaan o mao-offend at meron daw silang legal team na consultant nila. Ibang drama rin naman ito sa makakatapat nila sa kabilang istasyon.