Kamusta ang experience bilang long-time worker ng isang Dra. Vicki Belo?
Kasama ito sa mga tanong na sinagot ng dalawang empleyado ng kilalang local celebrity cosmetic doctor and businesswoman.
Si Marife ay 27 years nang make-up artist ni Vicki, samantalang si Millet naman ay 15 years nang personal assistant (PA) ng doktora.
Itinampok sila sa YouTube vlog ni Vicki na inilabas nitong January 11, 2024.
Sina Marife at Millet ay isinama ni Vicki at asawang si Hayden Kho Jr. sa Paris, France, para sa isang fashion event.
At hindi ito ang unang beses.
Sa katunayan, kadalasang isinasama sa out-of-the-country trips ng couple sina Marife at Millet, na paminsan-minsan ay nagbibiyahe rin on their own kapag may pinapagawang errands abroad.
Sa kaso ni Marife, binibitbit siya lagi ni Vicki sa ibang bansa kapag may pupuntahang events.
Nakapunta na raw siya “kung saan-saan”—sa Canada, Italy, France, Australia, New Zealand, Morocco, Maldives, Singapore, Africa, Arctic, at “marami pa, sobra.”
Sabi ni Vicki, sa halos tatlong dekadang pagtatrabaho sa kanya ni Marife, alam na nito pati ang personal na buhay ng doktora, pati na rin ang mga pag-aaway nila ni Hayden.
Pero trusted daw niya si Marife, na alam niyang “bawal” magkuwento ng mga sikreto.
Ang P.A. namang si Millet ay nakarating na sa Los Angeles, New York, at Atlanta sa Amerika, pati na rin sa London sa UK, France, Italy, Singapore, Japan, at Hong Kong.
Ang pinakamaikli raw niyang trip ay sa Los Angeles, na nagbalikan lang matapos bilhin ang pinapabili ni Vicki. Nagkaton ding magla-lockdown na sa Pilipinas noon dahil sa pandemya.
Pagdedetalye ni Hayden, “Kaka-land lang niya sa L.A. biglang sinabi magsasarado daw ang Pilipinas. So binili lang niya yung kailangan niyang bilhin, tapos bumalik na siya ng Manila.”
Two days naman daw siya sa France para bilhin ang Jean-Paul Hevin cake na ipinapabili ni Vicki dahil nag-crave ito.
Pagbabahagi ni Vicki: “Pag naglilihi na ako—na hindi naman buntis—ng Jean-Paul Hevin cake na napaka-favorite ko, sasabihin ko, ‘Millet, pumunta ka naman ng Paris, bumili ka ng cake, o.’”
Sundot ni Hayden, “O kaya kapag may kasalanan ako kay Vicks [Vicki], cake iyan.”
Uutusan daw ni Hayden si Millet, “So, Millet punta ka muna ng Paris.”
Klinaro naman nina Vicki at Hayden na “points” ang ginagamit nila sa airlines.
Nagtanong si Hayden sa dalawang assistants kung ano ang mahirap sa kanilang trabaho.
“Wala,” mariing sagot ng make-up artist na si Marife.
Sagot ni Millet, may moments na nakakakaba para sa kanya. Ito raw ay kapag pupunta sila ng ibang bansa at nade-delay ang hina-hire na transportation na sundo nila.
“Pag magla-land na tapos delayed ang drivers,” ani Millet.
Kapag nagkakaaberya sa pagsundo dahil sa delayed flight o pagkuha ng luggage, natataranta raw siya dahil kailangang magmadali para makapaghanda sa event ni Vicki na mangyayari in a few hours.
PERKS OF BEING VICKI BELO’S ASSISTANTS
Ibinahagi rin nina Marife at Millet na life-changing ang pagkakaroon ng boss na kagaya ni Vicki.
Gaya ng nabanggit, kasama rito ang trips.
Ani Marife, “Minsan sasabihin sa akin sa Immigration, ‘Ha, kararating mo lang dito andito ka na naman?’”
Nabigyan din siya ng kotse ni Vicki, na sumingit para sabihing may condo unit na rin si Marife.
Nabigyan din daw ni Marife ng magandang buhay ang kanyang pamilya dahil napag-aral niya sila.
Sinabi rin ni Marife, na ni-refer noon ni Karen Davila kay Vicki, na nakaka-ipon siya.
Sabi naman ni Millet, na isang single parent, nabigyan siya ng kotse ni Vicki.
Napag-aaral din niyo ang anak sa isang magandang school.
Sinabi ni Millet na exposed siya sa mga hotel na “never in my life na hindi naman ako makakarating.”
Sa vlog, niregaluhan nina Vicki at Hayden sina Marife at Millet ng tig-2,000 euros (PHP123,000), na ipinambili nila ng luxury-brand items, tulad ng sneakers, bags at watches.
Binanggit din ni Vicki na pamilya na ang turing niya kina Marife at Millet dahil sa ipinakita nilang loyalty sa loob ng maraming taon.