IPINAGDIINAN ng Kapamilya actress na si Kim Chiu na hindi niya mapapatawad agad-agad ang mga taong nanloko sa kanya.
Tao lang din daw siya na nagmamahal at nasasaktan kaya mahirap daw maging friend uli ang taong nakarelasyon at nakahiwalay niya.
Nagsalita tungkol dito si Kim sa naganap na presscon nitong nagdaang Monday para sa pagpapalabas ng teleserye version ng Prime Video series niyang “Linlang” kasama sina Paulo Avelino, JM de Guzman at ang Diamond Star na si Maricel Soriano.
Dito nga siya natanong kung ano ang masasabi niya sa pakikipagkaibigan sa kanyang ex-partner. Aniya, tamang panahon lamang ang makapagsasabi kung dapat silang maging friends uli ng kanyang dating dyowa.
Ang hugot na ito ay base na rin sa mga karakter niya at nina Paulo at JM sa “Linlang” na dumaan sa matitinding hamon ng buhay dahil sa isyu ng pagtataksil at panloloko.
“Lahat naman ng sugat hindi naman siya agad-agad gumagaling. So lahat ng panloloko, hindi mo kaagad mapapatawad. So I think it involves time and acceptance,” paliwanag ni Kim.
Iba rin daw ang magiging sitwasyon kapag may anak na ang dating mag-asawa o mag-partners dahil mas marami silang dapat ikunsidera.
“Dapat may consideratiom din na kasama sa time and acceptance para sa anak niyo kasi para hindi naman sila matrauma.
“I-set aside na yung hate, kasi dadaan talaga sa ganyang proseso kasi hindi naman siya in one click mapapatawad mo at nag bati na kayo para sa anak niyo,” paliwanag ng ex-girlfriend ni Xian Lim.
Nauna rito, nasabi rin ni Kim na handa naman siyang buksan muli ang kanyang puso para sa bagong pag-ibig.
“Oo naman. Hindi man sa ngayon muna pero hopefully in the next months to come. Ay hindi years pala,” sagot ng dalaga na makalipas ang 11 years ay nakipaghiwalay din kay Xian.
“Marami namang kayang magbigay ng love, sa work, sa family and friends and willing naman akong tumanggap. And basta kasali sa buhay yun, so i-embrace natin yun,” dugtong ng aktres.
Kamakailan lamang ay kinumpirma ni Kim na hiwalay na sila ni Xian, “It was our mutual decision to transition our relationship into what we hope to be a lifelong friendship.
“We thank all our followers for their love and support, but now we ask you to appreciate our honesty and give us the privacy we need as we begin new chapters of our lives. To all our supporters, maraming salamat for all the love and understanding,” mensahe ni Kimmy.
Samantala, abangers na ang madlang pipol sa teleserye version ng “Linlang” na magsisimula na sa January 22 sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN after “Batang Quiapo.”
Ayon sa director ng serye na si FM Reyes, “When we presented the original script to Prime, we were asked for an hour per episode with a total of fourteen episodes. So, you can imagine roughly 60 percent of the original story hindi pa napapanood.
“While they say it’s successful in Prime, yung structure niya kasi is for one hour lang kaya hindi nila tinigilan. Now if you have a 30-minute show sa TV, iba din yung experience,” aniya pa.