Former child actor Jiro Manio reveals reason why he won’t go back to acting

Nagsalita nang tapos ang dating child actor na si Jiro Manio tungkol sa pasya nitong talikuran muna ang showbiz.

Gusto raw niyang magkaroon ng ibang trabahong pagkakakitaan na higit magiging komportable ang kanyang pakiramdam.

Pero sa personal na pakikipag-usap ni Jiro sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), sinabi niyang may kinalaman ang mental health sa kanyang desisyong huwag nang umarte sa harap ng kamera.

jiro manio

Sinabi ni Jiro na sumusunod lamang siya sa payo ng doktor na iwasan muna ang pag-arte dahil makakaapekto sa kanyang emosyon ang mga karakter na gagampanan, pati na ang ang mga sitwasyon o eksena sa mga proyektong gagawin niya.

“Nag-iingat ako kasi baka maulit yung nangyari dati, nung tinutulungan ako ni Miss Ai, tapos umayaw ako,” pagtukoy ni Jiro sa pagtulong na ginawa sa kanya noon ng Comedy Queen na si Ai-Ai delas Alas.

Malaki na raw ang pagpapahalaga ni Jiro sa kanyang mental health.

Lahad niya, “Nakapirma ako noon ng kontrata sa GMA-7 para sa Magpakailanman tapos hindi natuloy. Pinag-workshop ako ni Miss Ai, umayaw ako kasi nanginginig ako sa gamot.”

Ayon kay Jiro, mas maayos na ngayon ang kanyang kalagayan.

“Mas okay na ako ngayon kasi naipaliwanag sa akin na mabuti sa Bataan ang mga dapat iwasan. Saka willingness din na gumaling, yun ang importante.”

Ang rehabilitation center sa Bataan na pinagdalhan ni Ai-Ai kay Jiro noong 2015 ang lugar na tinutukoy ng dating award-winning child actor.

Malaki ang naging bahagi ng naturang rehabilitation center sa buhay ni Jiro dahil nang gumaling siya, naging volunteer staff siya pero sa sandaling panahon lamang.

Jiro Manio

“One year lang po ako nag-volunteer pero medyo mahirap din dahil iba-iba ang sitwasyon. May mga mahirap i-handle, hindi nakikinig,” kuwento ni Jiro tungkol sa kanyang karanasan bilang volunteer staff ng rehabilitation center.

Kasalukuyang naninirahan si Jiro sa isang bayan sa Rizal pero, diumano, nasa bahay lamang siya habang walang permanenteng trabaho.

“Nasa bahay lang po ako, naglilibang-libang, cell phone. Nanonood ako ng iba-ibang istorya. Paulit-ulit na nga lang ang mga pinapanood ko.

“Ginawan po ako ng [social media account] ng pinsan kong babae pero hindi ko naman maasikaso. Kahit daw mga simpleng video lang daw tapos i-upload ko raw.

“Kapag marami raw followers, kikita raw ako. Sabi ko, hindi ako sanay sa ganoon.”

Umingay nang husto ang pangalan ni Jiro sa pagpasok ng 2024 dahil ibinenta nito ang kanyang Gawad Urian trophy sa halagang PHP75,000 para panggastos ng pamilya niya sa nakaraan na Pasko at Bagong Taon.

May mga artista bang nakipag-ugnayan sa kanya para tulungan siya dahil sa acting award na ibinenta niya?

“Wala pong artista,” sagot ni Jiro. “Puro po mga researcher ng mga programa.

“Nagugulat nga ako dahil yung iba, bigla na lang tumatawag [para sa mga interbyu].”