Walang kamalay-malay si Jiro Manio na natunton ni Ai-Ai Delas Alas noong Setyembre 2015 ang kinaroroonan ng kanyang Japanese father na si Yusuke Katakura.
Naka-confine si Jiro sa isang rehabilitation center noong 2015 kaya hindi na niya nalaman na nagpunta si Ai-Ai sa Japan para hanapin ang kanyang ama.
“Hindi ko po alam,” ang reaksyon ni Jiro nang makausap siya ng Cabinet Files noong Huwebes, Enero 18, 2024.
Ipinaabot namin kay Jiro na natagpuan ni Ai-Ai ang tatay niya, halos walong taon na ang nakalilipas.
Si Ai-Ai ang tumulong kay Jiro para maipasok ito sa rehabilitation center nang makita ang dating child actor na pagala-gala sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport noong Hunyo 2015.
Noong panahon iyon, nasa airport si Jiro sa kagustuhang puntahan sa Japan ang Japanese father niya na matagal nang hindi nakikita.
WHAT AI-AI LEARNED ABOUT JIRO’S FATHER
Natunton ni Ai-Ai ang bahay sa Japan ng ama ni Jiro, pero nabigo siya na makausap si Yusuke dahil malakas ang phobia nito sa mga Pilipino.
Mismong si Ai-Ai ang nagkuwento nito sa Cabinet Files nang tawagan namin ito sa Amerika noong Biyernes, Enero 18, 2024, para linawin ang mga tunay na nangyari sa kanyang paghahanap sa ama ni Jiro noong 2015.
“Ayaw na niya na nakikipag-usap sa mga Pilipino. Parang nawalan siya ng tiwala sa mga Pilipino.
“Masyado siyang nasaktan dahil hindi raw nakarating ang mga tulong na ipinadala niya sa lola ni Jiro.
“Saka hindi raw siya naalaala noong kasikatan ni Jiro bilang artista,” lahad ni Ai-Ai.
Idinagdag ni Ai-Ai na dahil may phobia sa Pilipino si Yusuke, isang Hapon na kakilala ng aktres ang nakipag-usap sa tatay ni Jiro.
Dito napag-alaman ni Ai-Ai ang kinikimkim na sama ng loob ang estranged father ng former child actor.
Sinabi rin ni Ai-Ai ang ugali ng mga Hapon na binibigyan ng kalayaan ang kanilang mga anak kapag tumuntong na sa edad na 18, at posibleng isa ito sa mga dahilan kaya hindi na nagpakita si Yusuke ng interes na tulungan si Jiro na 31 years old na ngayon.
Hindi man nagkaroon ng personal na relasyon si Jiro sa ama nito dahil hindi nila naranasan na mamuhay na magkasama, ginagamit niya ngayon sa kanyang social media accounts ang apelyido ni Yusuke.
Muling napag-uusapan ang mga kaganapan sa buhay ni Jiro dahil malaking balita ang pagbebenta niya sa halagang PHP75,000 ng kanyang Gawad Urian best actor trophy noong December 26, 2023 para may pang-gastos sila ng kanilang pamilya sa pagpasok ng 2024.