CNN Philippines reportedly shutting down after nine years on air

Magpapaalam na ba sa ere ang CNN Philippines?

Ang CNN Philipppines ang nag-iisang predominantly English-language news channel on free-to-air television sa Pilipinas.

Kahapon, January 25, 2024, kumalat ang balitang hanggang sa katapusan na lamang ng buwan ng Enero umano ang operasyon ng istasyon.

Unang lumabas ang balitang ito sa Media Newser Philippines, isang website na nakatutok sa mga balita tungkol sa telebisyon sa bansa.

Ayon sa website, nagkasundo ang Nine Media Corporation at CNN na tapusin na ang kanilang licensing agreement dahil sa pagkalugi.

CNN Philippines shutting down after 9 years?

Ang Nine Media Corp., na dating kilala bilang Solar Television Network, Inc. (STNI), ang nagmamay-ari at nag-o-operate ng CNN Philippines.

Dapat ay sa katapusan pa ng 2024 magtatapos ang nasabing kontrata pero hindi na umano kaya ng Nine Media Corp. na ma-sustain ito.

Nakasaad sa ulat, “Additionally, the financial strain has been heightened by the lack of ad placement, adding to the overall difficulties for Nine Media in minimizing the losses. Ultimately, we were told, the best move is to shut down the network.”

Makakatanggap umano ang mga empleyado at staff ng separation pay.

Nasabihan na rin daw ang top talents ng istasyon na sina Pia Hontiveros, Pinky Webb, at Rico Hizon na maaaari na silang makipagnegosasyon sa ibang istasyon.

Ibabalik umano sa RPN-9 ang istasyon, pansamantala.

OTHER SOURCES

Naglabas din ang GMA News Online ng kaparehong balita Huwebes ng gabi.

May ilan umanong CNN Philippines personnel na nangangamba sa kanilang trabaho matapos lumabas ang ulat ng Media Newser.

May memo raw ang istasyon sa kanilang mga tauhan na magkakaroon ng general assembly sa darating na Lunes, January 29, 2024.

Ngunit wala umanong nakalagay sa agenda.

Dagdag pa sa ulat, baka hanggang Lunes na lamang umano ang kanilang pagsahimpapawid, ngunit meron namang nagsabing hanggang March 2024 pa sila sa ere.

CNN Philippines and its financial troubles

Ayon naman sa Manila Standard, 10:00 a.m. ang nakalagay sa memo ng istasyon para sa kanilang pagtitipon sa Lunes.

Pirmado raw ito ng CNN Philippines president na si Benjamin Ramos.

May nakausap din silang “unnamed CNN Philippines employee” na nagsabing, “The brand licensing agreement of CNN Philippines is set to expire by the end of 2024, but there are rumors that our operations would only be until March. There’s also that hearsay that our last airing would be on Monday.

“From what we know as of now, CNN Philippines and Nine Media Corp. have agreed not to renew the licensing agreement with CNN International because the company could not afford the required amount. Nine Media Corp. incurs losses, and until now it’s trying to reduce the losses, but it appears it is not enough.”

Dagdag pa ng kanilang source, kapag hindi na-renew ang licensing agreement, babalik sa operasyon ang istasyon bilang Radio Philippines Network (RPN) o di kaya ay magkakaroon ng partnership sa TV5.

Saad niya, “Worst that could happen is total shutdown. People would lose their jobs, including mine. And all we’ll get, by accepting the sad fate, is separation pay.”

Nilinaw naman ng kanilang source na hindi pa ito kumpirmado at masasagot lamang ang lahat ng ito sa kanilang general assembly.

BLACK CNN PHILIPPINES LOGO?

May cryptic post naman ang reporter ng CNN Philippines na si Tristan Nodalo, kagabi rin.

New profile picture ang nakalagay sa kanyang X account.

Makikita rito ang black logo ng CNN Philippines. Wala siyang nilagay na caption.

Unang umere ang CNN Philippines noong March 2015 sa ilalim ng Nine Media Corporation ng Cabangon-Chua family.

Pag-aari rin ng Nine Media Corp. ang Aliw Broadcasting Network, DWIZ, at Home Radio 97.9, ang mga diyaryong Business Mirror at Pilipino Mirror, at ang magazine na Philippine Graphic Weekly.

Kanila rin ang Citystate Savings Bank, Fortune Life Insurance Co. Inc., Eternal Plans Inc., Citystate Properties and Management Corp. (CPMC), Isuzu GenCars Inc., at ilang hotels sa Metro Manila at mga probinsiya.

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang Nine Media Corporation kaugnay ng balitang ito.