Mariing pinabulaanan ng showbiz talk show host at columnist na si Cristy Fermin ang paratang na siya ang nagsabing sina Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos at former Quezon City Congressman Bong Suntay ang mga “benefactor” ng aktor na si Dominic Roque.
“Wala po akong binanggit na pangalan ni Mayor Bullet Jalosjos. Wala po akong sinabing siya ay benefactor ni Dominic Roque.
“Maging kay Ginoong Bong Suntay, hindi ko rin po ginamit yung salitang benefactor,” diin ni Fermin sa live broadcast ng Cristy Ferminute, ang kanyang radio program sa 92.3 FM na napapanood din sa Facebook page ng One.Ph, ngayong Miyerkules ng hapon, Pebrero 21, 2024.
Ayon kay Fermin, “ibang vloggers” ang nagkabit ng salitang “benefactor” kina Jalosjos, Suntay, at iba pang mga politiko.
Saad niya, “Ibang vloggers po ang nagkabit ng salitang yan sa kanilang dalawa at sa iba pang mga pulitiko na nadawit ang pangalan dito. Hindi po sa akin yan nagmula.
“Puwede po ninyong balikan ang lahat ng episodes ng Showbiz Now Na at nitong mismong Cristy FerMinute.
“Ako po ang nagsasabi na ni minsan, hindi ko po binitiwan ang pangalang Mayor Bullet Jalosjos.
“Minsan ko lang binanggit si Ginoong Bong Suntay, pero paglilinaw pa.”
Diin pa ni Fermin: “Nasaan po ang malisya? Nasaan po ang paninirang-puri sa ganyang kalagayan? Wala po akong nakikita.”
Labis daw ang pagtataka ni Fermin dahil siya ang pinuntirya ng opisyal na pahayag na inilabas ng mga abogado ni Dominic, ang Fernandez and Singson Law Offices, noong Martes, Pebrero 20, 2024
Dito ay tinawag ng kampo ng aktor na “malicious and defamatory” ang mga binitawan umanong pahayag ni Fermin na nag-uugnay sa politikong nagmamay-ari ng condo unit na tinitirhan ni Dominic.
Dagdag pa ng kampo ni Dominic, “The messaging of the innuendos were clear and unambiguous.”
ON BEA-DOMINIC BREAKUP
Sa kanyang radio program ngayong hapon, sinabi ni Fermin na ipinagtataka niya kung bakit siya ang pinupuntirya ng mga abogado ni Dominic gayong hindi lang naman siya ang tumalakay sa isyu ng breakup ng aktor sa fiancée nitong si Bea Alonzo.
Saad ni Fermin, “ Ako rin po, takang-taka dahil ito pong isyu ng paghihiwalay ni Bea Alonzo at ni Dominic Roque, na nauwi na nga po sa hindi pagkakatuloy ng kanilang kasal, ay tinalakay ng halos lahat ng mga media people — hindi lamang po sa pahayagan, ang buong social media.
“Kami po, dito sa Cristy Ferminute at sa SNN, lahat po kami ay tumalakay dito, sumalat sa isyu.
“Nagtataka rin po ako kung bakit ang sinentruhan lamang ni Dominic Roque at ng kanyang mga abogado ay ang inyong lingkod.”
Paglilinaw pa niya: “Noong unang sultada po ng pagputok ng kuwento nina Dominic Roque at Bea Alonzo ay lahat naman po talaga ay nagtaka. Nagulantang po ang buong lokal ng industriya.
“Ang unang-una ko pong sultada ay tinutukan ko po yung kasabihan nila na, ‘O, kaya siguro hindi natuloy ito dahil walang pera si Dominic Roque kasi mas mayaman sa kanya si Bea Alonzo.’
“Yung po ang nagtulak sa akin para tanungin si Dominic Roque, ‘Ano ang kanyang trabaho? Sino ang kanyang boss? At kung totoong wala siyang pera, bakit nakatira siya sa isang condominium na pagkalaki-laki po ng halaga kung uupahan?’
“Yun po yon. Puro katanungan po yon. Wala pong banggit ng kung anuman.
“At napatunayan ko po na yung ngang condo unit na yon ay nakalagay sa pangalan ng isang politiko.
“Wala rin pong banggit ng pangalan. Puro katanungan po yon.”
Ipinakita ni Fermin sa radio program nito ang video clips ng mga nakaraang kabanata ng kanyang YouTube show na magpapatunay umanong hindi siya nagbanggit ng anumang pangalan ng politiko.
Ang netizens at vloggers daw ang tumukoy kina Jalosjos at Suntay.
Sabi ni Fermin, “Nang lumaon po, marami na ang dumampot diyan sa kuwento. Iba-iba na pong isyu ang lumabas.
“Mula po doon sa pinakatinanim kong isyu, may mga vloggers po na hindi nagpapakita ng mukha kundi boses lamang na kina-crop po ang ating mga sinasabi dito sa Cristy Ferminute at sa Showbiz Now Na.
“Hanggang sa isang araw, dahil ang dami-dami na po talagang politikong nauugnay dito sa isyung ito, dahil pahulaan po, e.
“Kahit sino po ang magtanong sa akin, saksi po kayo mga CFMers, saksi po kayo mga netizen, saksi po si Senator Raffy Tulfo at si Senator Jinggoy Estrada, at ang marami pa pong kaibigan na pinagkakatiwalaan ko, na pinagdamutan ko po ng pangalan ng pulitiko.
“Puro halakhak at pasintabi lang po ang aking sinasabi.”
Ayon pa kay Fermin, kung sino man dapat magsalita at sagutin ang isyung pagkakaugnay ni Dominic sa politiko ay walang iba kundi ang aktor din mismo.
Aniya, “Ang sinabi ko, ‘Dominic Roque, alam mo na hindi ko lang inimbento ang kuwentong ito. Alam mong may may politikong may-ari ng condominium unit na iyong tinitirhan.
“’Ikaw dapat ang magsabi, hindi ako. Ikaw ang dapat magliwanag, magbigay ng linaw kung sino ang politikong may-ari ng condo unit.
“‘Hindi sa akin kailangang manggaling.'”