Toni Rose Gayda reveals putting brakes on possible romances with former co-hosts Randy Santiago, Vic Sotto

May rebelasyon ang dating noontime show host na si Toni Rose Gayda tungkol sa mga dating co-hosts na sina Randy Santiago at Vic Sotto.

Nakasama ni Toni Rose si Randy sa GMA-7 noontime show na Lunch Date. Nagkasama naman sila ni Vic sa Eat Bulaga!

Taon din ang binilang ni Toni Rose bilang host sa parehong programa.

Pag-amin ni Toni Rose, may pagpaparamdam sa kanya sina Randy at Vic noon sa magkahiwalay na pagkakataon.

Subalit hindi iyon umusbong sa pagkakamabutihan dahil hindi raw ito hinayaang mangyari ni Toni Rose.

Diin ni Toni Rose, alam niya kung gaano kahirap kapag nagkakagustuhan ang dalawang hosts sa trabaho.

Ikinuwento ni Toni Rose ang kanyang personal at propesyunal na buhay sainterview ni Julius Babao na ipinost sa YouTube nitong February 22, 2024.

Ang sabi ni Toni Rose, biggest break niya ang noontime show na Lunch Date na umere sa GMA-7 mula 1986 hanggang 1993.

Paano nga ba siya naging bahagi ng programa?

Minsan daw siyang nagbibigay ng testimony sa isang spiritual gathering, at isang GMA-7 executive ang nakakita sa kanya at inanyayahang maging host ng bubuuing noontime show.

Bagamat may agam-agam, pumayag si Toni Rose sa anyaya ng Kapuso executive.

Noong mga panahong iyon ay nagsisimula na rin ang kanyang hosting career.

“’Okay, I’ll give it a try,’ sabi kong ganyan. And then ayun, the rest is history. I tried it, and I liked it because I was just myself.”

Young Toni Rose Gayda

PHOTO/S: YOUTUBE
Young Toni Rose Gayda hosted of “Lunch Date” for seven years

Initially, ang kasama raw niya ay sina Chiqui Hollman, Rico J. Puno, at Orly Mercado.

Nang nagkaroon ng reformatting, ipinasok na sina Randy Santiago, Tina Revilla, at Lito Pimentel.

Noong mga panahong iyon ay “phenomenal” ang showbiz career ni Randy.

Tina Revilla, Lito Pimentel, Toni Rose Gayda(Front row: Tina Revilla, Lito Pimentel and Toni Rose peforming on “Lunch Date”)

ATTRACTION WITH RANDY SANTIAGO

Inusisa si Toni Rose kung hindi ba sila nagkagustuhan ni Randy sa tagal ng kanilang pagsasama bilang hosts.

“Of course, meron din. Yun yung, siyempre, nagkaka-crush din. Yung natutuwa ka sa itsura niya, sa talent niya, at ganon din siguro, vice versa.

Pakli ni Toni Rose, “Pero hindi namin tinuloy. Hindi namin in-allow because mas importante yung relasyon namin sa TV.”

Ayaw raw maapektuhan ni Toni Rose ang magandang rapport nila ni Randy bilang co-hosts.

“Kasi pagka mag-on kayo, lalo ako, super selosa ako, di ba, lumaki ako walang tatay, e, di insecure ako…

“So, sabi ko hindi magwo-work ito. Pag nagkaroon ng kahit anong any form of ano [romantic factor].

“So, pinatay namin. At kahit papano, we just concentrated on having fun in the show and developing our craft.”

Pitong taon ang itinagal ng Lunch Date sa Kapuso network.

Nang tanggalin ito, ipinalit na ang Eat Bulaga!, kung saan niya nakasama si Vic Sotto.

PREVENTING ROMANCE WITH VIC

Nang umeere na ang Eat Bulaga! GMA, kinukuhang guest host si Toni Rose.

Sabi niya, “Kasi nagi-guest-guest din ako, e, paminsan-minsan.

“’Tapos they asked me if I could do once a week muna, which I did.”

Unti raw napapadalas ang kanyang pagiging guest co-host, hanggang sa mag-araw-araw na siya at maging regular.

Kinumpirma ni Toni Rose na malaking parte ng pagiging regular niya si Joey de Leon.

“Joey is such a wonderful person,” papuri ni Toni Rose.

Toni Rose Gayda, Joey de Leon, Ruby Rodriguez

PHOTO/S: YOUTUBE
(L-R Toni Rose Gayda, Joey de Leon, and Ruby Rodriguez were together as hosts of Eat Bulaga!)

“Hindi lang iyon, pati si Bossing, pati si [Tito].

“If there is a blessing that I would consider is nakatrabaho ko si TVJ because talaga… ang sarap nilang katrabaho, ang sarap nilang kasama.

“Saka si Joey will really make you feel talaga, welcome.

“Si Bossing naman, sobrang bait ni Bossing, kaya lang mahiyain.”

Sinundot ng tanong si Toni Rose kung hindi ba siya pinormahan ni Vic.

Saglit na natigilan ni Toni Rose.

“Ahhh… hindi ko pinayagan,” na sinundan niya ng malakas na tawa. “Hindi ko pinayagan, oo…”

Ibig bang sabihin ay nagparamdam sa kanya si Vic?

“May… may ganon, konti-konti, Oo… May vibration din pag nakaupo,” sagot ni Toni Rose na may pagbibiro.

Sundot niya, “Kasi mahirap, e, mahirap talaga. Na-experience ko with Randy, mahirap talaga karelasyon mo yung kasama mo.

“Mahirap, oo, lalo for me kasi nga selosa ako, e. “

ON DECISION TO LEAVE EAT BULAGA!

Makalipas ang ilang taong pagho-host sa Eat Bulaga! ay nagdesisyon si Toni Rose na umalis para unahin ang kanyang pamilya—ang kanyang inang si Rosa Rosal at ang dalawa niyang anak.

Maagang ikinasal si Toni Rose at nagkaroon ng dalawang anak, pero maaga rin silang naghiwalay ng non-showbiz husband.

Sabi niya ukol sa desisyong umalis sa Eat Bulaga!, “It came to a point na nagkasakit ang mommy ko, dalawang anak ko nasa hospital for different reasons…

“Hindi ko nakayanan. Yung talagang sabi ko, ‘I cannot give it my best, e.

“Nahihiya naman ako kay Mr. [Tony] Tuviera at kay Malou [Choa-Fagar],” aniya sa former executives ng Eat Bulaga!

“Sabi ko aalis na lang ako.”

Toni Rose Gayda and Allan K.

PHOTO/S: YOUTUBE
 (Toni Rose with Allan K in Bulagaan segment of Eat Bulaga!)

Sa simula raw ay sinabi ni Toni Rose na indefinite leave muna, pero kalaunan ay nagdesisyon na talaga siyang huwag bumalik.

Sa kalagayan daw ng kanyang ina at mga anak ay kinailangan niyang tutukan ang mga ito.

“So that’s it. Talagang inuna ko muna ito kasi mabigat din, e.

“Only child lang ako. Wala naman akong kapatid na tatakbuhan, so talagang everything is in my shoulders.”

Sa ngayon, tinututukan pa rin ni Toni Rose ang pag-aalaga sa kanyang inang si Rosa Rosal na bedridden na sa edad na 94, subalit malakas pa ang memorya.

Pumanaw na ang isang anak ni Toni Rose, pero may isa pa siyang anak na kasama.