Kinondena ng Miss Universe Organization (MUO) owner na si Anne Jakrajutatip ang kumakalat na “edited leaked video” niya.
Kamakailan ay kumalat ang isang leaked video ni Anne kasama ang isa pang owner ng MUO na si Raul Rocha Cantu at pito pang katao sa isang conference room.
Dito ay maririnig na pinag-uusapan nila ang pagpo-promote ng social inclusion para sa lahat ng kababaihan.
Sa kabuuan ng video, pinalalabas na ang pinakamotibo ng MUO ay kumita ng pera.
Ayon kay Anne, “out of context” ito. Ginagamit lamang daw ang naturang video upang manipulahin ang ibang tao, para magkaroon ng kalituhan, hindi pagkakaintindihan, at maling konklusyon.
Post ni Anne sa kanyang Facebook ngayong Martes, February 27, 2024: “Thank you for always being ‘HERE’, no matter what situation god tries to teach me.
“I always love you from the bottom of my heart, my dear. The malicious edited video was out of context and used to manipulate other people which led to the public confusion, misunderstanding, misinterpretation and wrong conclusion.”
Tinawag din niyang “non-sense soap opera” ang viral issue.
Hindi raw niya maintindihan ang motibo ng isang lalaking hindi pinangalanan na diumano’y naglagay sa kanya sa alanganin, pati na sa Miss Universe.
Diin pa ni Anne, hindi tungkol sa prestigious beauty pageant ang kanilang pinag-usapan kundi ang mga bagong episode ng isang reality show.
Saad niya, “I hope the world would not go round by this non sense soap opera alike. I still don’t comprehend why this man, who I was so nice to him, would like to jeopardize me and the organization while we were talking about one of the new reality show episodes not the pageantry itself.”
Umaasa si Anne na ang “unlawful act” na ito ay hindi magtatagumpay dahil may supporters naman daw siyang marunong kumilatis sa mali at tama.
Aniya, “However, I do believe that his unlawful act wasn’t successful as we always have the strong clever fans who can distinguish what is real or not.
“We always have the kind supporters who genuinely love MUO brand and believe in our core value of promoting diversity.”
Isa raw siyang trans woman at isa ring ina na nagpapahalaga sa mga “gender equality rights.”
Kaya hindi raw totoo ang kumalat na sinabi niyang maaaring sumali sa pageant ang mga plus-size women, may asawa, may edad na, at trans woman na kagaya niya pero “they cannot win.”
Dagdag pa ni Anne, “I’m a trans woman and a mother myself who all my life fight for the gender equality rights to be where I am. Why do I have to live my life up against on what I believe?
“God gave me the purpose to live, to inspire and to spread the kindness. I do have strength to forgive this man and show the desire to the universe that LOVE is what we need in this world. Amen”
Lumabas ang nasabing video ilang araw matapos niyang isiwalat ang diumano’y corruption ng nakaraang leadership ng Miss Universe.
Partikular na binanggit ni Anne ang pagtanggap ng “under the table money.”
Ang pahayag niyang ito ay nag-udyok kay Paula Shugart, former MUO president, na maglabas ng statement.
Kinondena niya ang akusasyon ni Anne na corrupt umano ang nakaraang administrasyon ng MUO.
Sinabi rin ni Paula na nagpaplano siyang magsampa ng reklamo laban sa Thai businesswoman, na aniya ay patung-patong na ang hinaharap na kaso.
Pumalag din ang MUO sa akusasyon ng panloloko at manipulasyon sa resulta ng pageant.