Gelli de Belen reacts to Carmina Villarroel being accused of meddling in son Mavy’s love life

Gelli de Belen on Carmina Villarroel being accused of meddling in son's love life
Gelli de Belen (left) on Carmina Villarroel wanting to protect son Mavy Legaspi (right): “Kayo man, kung mayroon kayong point of view, mayroon kayong nakita, nanay yun, huwag nating kuwestyunin yan nanggaling sa kanya, e. More than anybody, hindi natin puwedeng kuwestyunin ang love ng ina. Hindi yun biro.”

PHOTO/S: MELBA LLANERA / @MINA_VILLARROEL

Dinepensahan ni Gelli de Belen ang kaibigang si Carmina Villarroel, na naparatangang “pakialamera” ng netizens nang mauwi sa breakup ang relasyon ng anak nitong si Mavy Legaspi at Kapuso actress na si Kyline Alcantara.

Noong January 7, 2024, nagbitiw ng pahayag si Carmina na hindi siya nakikialam sa love life ng mga anak, at suportado niya ang sinumang mapupusuan ng mga ito basta marespeto at sincere.

Sinabi rin noon ni Carmina na bilang nanay ay handa siyang ipagtanggol ang mga anak sa anumang isyu.

Ayon kay Gelli, walang kahit na sino ang puwedeng kumuwestiyon sa pagmamahal ng isang ina at kagustuhang protektahan ang anak mula sa anumang sakit na maaaring pagdaanan nito.

Sabi ng actress-TV host: “Nobody can judge a mother, a mother who is hurting, who loves her child.

“Kayo man, kung mayroon kayong point of view, mayroon kayong nakita, nanay yun, huwag nating kuwestyunin yan. Nanggaling sa kanya, e.

“More than anybody, hindi natin puwedeng kuwestyunin ang love ng ina. Hindi yun biro.

“Ano pa ba ang madadagdag ko?”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Gelli sa presscon ng bagong GMA-7 weekly morning program na Si Manoy Ang Ninong Ko, na ginanap sa Limbaga 77, sa Quezon City, noong February 29, 2024.

ON GELLI’S SONS

Tinanong ng PEP.ph si Gelli kung naranasan niyang tutulan ang naging kasintahan ng mga anak niyang sina Julio at Joaqui Rivera.

Sagot ni Gelli, “Wala, wala naman. Bata pa kasi sila, e. Like si Julio, isa pa lang ang girlfriend niya.

“Si Joaqui, tatlo ang naging girlfriend niya and okay naman silang lahat. Hindi ko pa nami-meet ang bagong girlfriend ni Joaquin.”

Hindi raw nakikialam si Gelli sa love life ng mga anak.

“Ang pinaka-support ko is to actually try and accept the girl. Siyempre, pag may sabit, huwag naman. Of course, kikilalanin…

“Mabuti na lang nandito ako sa Pilipinas. Ang iniisip ko na lang lagi, ito ang additional na magmamahal sa anak ko at mag-aalaga sa kanya lalo na malayo ako, so dapat i-embrace ko siya.

“Unless nakakaloka siya, di ba?”

Sa Canada nakatira at nag-aaral ang mga anak nina Gelli at Ariel Rivera.

ON JANICE DE BELEN

Nilinaw ni Gelli na ibang kaso kung may nakikita siyang mali sa relasyon.

Sa YouTube interview ni Karen Davila kay Gelli noong January 18, inamin niyang sa mga nakarelasyon ng kapatid na si Janice de Belen ay sa dating asawa nitong si John Estrada siya nakakita ng red flag.

Hindi nangimi si Gelli na ipaabot ito kay Janice noon.

Kung sakaling pumasok uli sa panibagong relasyon si Janice at nakitaan ni Gelli ng red flag ang bago nitong nobyo, hindi raw siya magdadalawang-isip iparating iyon sa kapatid.

“Oo naman,” mabilis na sagot ni Gelli.

“Bakit hindi? Dapat kasi, kung ako nangyari sa akin yun, gusto ko abisuhan din naman ako ng kapatid ko.

“Di ba, parang, ‘Ano ka naman? Alam mo naman na may mga ganyan di mo sinabi sa akin?’

“So, let her be the first one to know.”

KAILA ESTRADA

Proud tita naman si Gelli sa pamangkin na si Kaila Estrada, isa sa apat na anak nina Janice at John.

Pinag-uusapan ang husay sa pag-arte ni Kaila sa mga Kapamilya teleseryeng Can’t Buy Me Love at Linlang.

“Yes, I’m super proud of her. I am super proud of Kaila. She’s someone to look out for. She is coming out of her shell.

“Alam niyo si Kaila, whatever she wants in life, it seems to be clear to her na na she loves what she is doing now and she’s doing well. I’m so happy for her.”

Hiningan din ng reaksiyon si Gelli sa notable performance ni Kaila sa Linlang, kunsaan gumanap ito bilang battered wife ni JM de Guzman.

“Well, she has the genes of her mother and her father, parehong magaling, so saan ka pa?

“For somebody who is so new, iba na yung level na ipinapakita niya. She’ll soon gonna get better,” sambit niya.

Ang payo ni Gelli sa pamangkin ay ipagpatuloy ang pagiging tutok nito sa trabaho.

“Mahirap kasi mga bata pa kasi sila. Kung kailan siya nag-20s saka siya pumasok.

“Push forward lang, huwag masyadong ma-dishearten kapag may mga batikos, kapag mayroong hindi maganda, kapag mayroong mga bashing. Kasi that’s part of being an actor or an actress.

“Focus on being the best performer. Don’t compare yourself to others. ”

Huwag muna raw intindihin ni Kaila ang love life.

“Saka na. Pag na-in love siya, fine. Pero kung hindi, saka na.

“Bata ka pa, darating at darating ang tamang tao para sa iyo.”

NEW SHOW

Si Gelli ay isa sa co-host sa Si Manoy Ang Ninong Ko, a brand new public service show na mapapanood sa GMA-7.

Kasama niya sa show sina Sherilyn Reyes-Tan, Patricia Tumulak, at Agri Partylist representative Wilbert Lee.

Nagsimulang umere noong March 3, mapapanood ang show tuwing Lingoo, 7-8 a.m.

“This show is not just a regular show. I mean, not that I don’t like what I’ve done before because, of course, magaganda ang mga ginawa ko noon,” tukoy ni Gelli sa defunct long-running morning talk show na SiS (2001-2010).

Patuloy niya, “And hopefully in the future, I can do more of that. But, parang nag-iba lang, nag-iba lang ang focus ko this time.

“Mas serious, tapos mas focused on kung paano ka makakatulong. Marami akong natutunan.

“I was exposed to a little bit of kung paano nahihirapan ang mga pamilyang Pilipino nung ginawa ko yung SiSFace The PeopleFace To Face.

“Pero to this extent of how can we help… I’m grateful to be a part of a show that I am also learning kung paano pala makatulong sa mga kapwa niyo.

“Ang bigat. Kung ako man, nanonood lang ako, ‘Paano nga ba?’ Nanonood lang ako. They are living that life, paano sila?

“Kung makakapagbigay ka ng pag-asa, sige lang, gawin mo lang.”