SRO (Standing Room Only) ang tribute ng FPJ’s Batang Quiapo at ABS-CBN sa Kapamilyang si Jaclyn Jose sa Arlington Chapel, Araneta Avenue, Quezon City, nitong Martes ng gabi, Marso 5, 2024.
Matagal-tagal ding nakatayo sa bandang likuran si Vice Ganda bago nahanapan ng upuan.
Makabagbag-damdamin ang pag-awit ni Zsa Zsa Padilla ng “Mula Sa Puso,” ni Jona ng “Paano Kita Mapasasalamatan,” at ni Jed Madela ng “To Where You Are.”
Humahaplos at kumukurot sa puso ang pagbabalik-tanaw ni Tanggol — Coco Martin — sa paggabay ni Jaclyn sa kanyang buhay at career.
Ang ending ng programa ay ang “class photo” ng mga Kapamilya at taga-FPJ’s Batang Quiapo.
Maliban kina Coco, Vice, Jed, at Jona, kasama sa litrato sina Christopher de Leon, John Estrada, Cherry Pie Picache, Pen Medina, Jaime Fabregas, Julio Diaz, Soliman Cruz, Vandolph, Mark Lapid, Nonie Buencamino, Irma Adlawan, Ronnie Lazaro, Jojit Lorenzo, King Gutierrez, Mark Anthony “Big Mak” Andaya, Renz Joshua “Baby Giant” Baña, Janine Gutierrez, Jake Ejercito, Cory Vidanes, Direk Malu Sevilla, MJ Felipe, at marami pang iba.
Takaw-pansin sa gitna ng group photo si Gladys Reyes, na nasa cast ng Black Rider — ang katapat ng FPJ’s Batang Quiapo. Mahigpit pang yumakap kapagkuwan si Gladys kay Coco.
Ano ang ginagawa ng isang Gladys Reyes sa gabi ng pagpupugay kay Jaclyn ng FPJ’s Batang Quiapo at ABS-CBN?
Natawa si Gladys, “Grabe naman! At talagang ang puwesto ko, nasa gitna! Katabi ko si Vice at Direk Malu. Di ba?!
“Iisipin nila, ‘Ano na ba ito? Hudyat ba ito? Hudyat?! Hudyat?!’”
Sabi, sa Marso 8, Biyernes, ang Gabi ng Pagpupugay ng GMA Network kay Jaclyn.
Pupunta ba siya roon?
“Ahhh talaga? Nakapunta na ako. Trapik na. Trapik na sa Friday… Hindi! To be fair, sinabihan ako,” lahad ni Gladys.
“Pero late na nung nalaman ko, from PPL naman. E, kasi, kung makakabalik pa ako sa Friday, bakit hindi?
“Kaya lang, alam mo naman, medyo hindi ako marunong mag-drive. Itinataon ko rin lang na walang taping. Saka baka may taping din ako ng Black Rider pag MWF.
“So… hindi! Alam mo naman, pagka naman ganitong mga pagkakataon, wala nang ganun-ganun. Walang ABS, wala nang GMA.
“Actually, ako yung nag-joke sa kanila. Kasi, di ba, nakahilera silang lahat, ganyan.
“Siyempre, hindi ako tumatayo. Tapos maya-maya, may tumawag sa akin. ‘Gladys!’ ganyan-ganyan. ‘Ay! Ka-join ba ako?!’
“Siyempre, ayoko namang magmahadera, bigla akong pumunta dun. E, ang sabi, Batang Quiapo and ABS-CBN Family lang.
“E, of course naman, si Ninang Cory naman, lagi namang sinasabi, I’m always family.”
In fairness, tinawag siya at inimbitahan sa group photo ng Batang Quiapo!
“Oo! At paglapit ko, pumunchline ako, ‘Puwede ba yung Black Rider dito?’ Kasi, ako lang yung nag-iisa, di ba?
“And alam mo naman ako, di ba? Sabi ko nga, ako ay Katrabaho.”
GLADYS REYES ON ABS-CBN TURF
Welcome na welcome ng mga Kapamilya at taga-Batang Quiapo si Gladys.
“Yes! Alam mo naman ako, isa lang yata ako dun sa… may matapang na loob!” natatawang bulalas pa ng premyadong aktres.
“May malakas na loob na gawin yun na ini-invade ko talaga pati ang GTV at TV5.”
Ka-close naman niya talaga si Jaclyn, na kapwa Kapampangan at miyembro ng Iglesia Ni Cristo.
“Pati si Coco, naka-work ko sa Apag, si Ninang Cory siyempre, kailan lang din naghurado ako sa Showtime uli, di ba?” pagmamatuwid ni Gladys.
“Si Vice, andun din. Sabi ni Vice, binulungan niya ako, ‘Alam mo, iba ka talaga, e!’ Yun talagang nakapag-punchline pa ako, ‘Puwede ba ang Black Rider dito?’”
Hindi siya na-awkward! Belong siya!
“Wala naman akong naramdamang awkwardness. Ha! Ha! Ha! Ha!” pagtawa ni Gladys.
GLADYS REYES ON JACLYN JOSE
Kinilalang best actress si Gladys sa 1st Summer MMFF noong Abril 2023 para sa pelikulang Apag, na idinirek ni Brillante Mendoza.
Streaming sa Netflix ang Apag, kung saan tampok din sina Coco Martin, Jaclyn Jose, Julio Diaz, Lito Lapid, Gina Pareño, at Mercedes Cabral.
Sa presscon pa lang noon ng Apag ay buong ningning nang sinabi ni Jaclyn na ihanda na ni Gladys ang gown, at tiyak na tatanghalin itong best actress.
Ang huling TV show na pinagsamahan nina Gladys at Jaclyn ang seryeng TODA One I Love (2019) na pinagbidahan nina Ruru Madrid at Kylie Padilla.
Saad ni Gladys, “Nag-guest siya sa TODA One I Love, sa GMA Public Affairs yon. Medyo comedy yung tarayan namin dun.
“Ang ano namin dun, stick ng fishball. Kasi, di ba, parang ano sa fishball scene niya dun sa Ma’ Rosa.
“Kaya nga ano, ang sarap si Ate Jane [totoong pangalan ni Jaclyn]… actually, I call her ‘Ate’ lang…
“Si Ate Jane, mapa-comedy, mapa-drama, alam mo yung nagtitinginan lang kami. Hindi na namin kailangang, ‘O ganito ka. Gagawin natin to.’
“Wala nang ganun. Walang choreography. Basta nagkatinginan kami, alam na alam na namin yung bigayan sa isa’t isa sa eksena.
“Ang sarap ng ganun, di ba? Yung automatic.”