Rio Locsin clarifies what happened in viral Black Rider BTS video

Nagsalita na si Rio Locsin kaugnay sa kumalat na video na makikita siyang umiiyak sa set ng GMA Network primetime series na Black Rider.

Dito ay makikitang inaalo siya ng bida ng teleserye na si Ruru Madrid at ilang staff pagkatapos ng isang mabigat na eksena.

Umani ng iba’t ibang reaksiyon ang nag-viral na video.

May mga akusasyong wala man lang daw tumulong sa beteranang aktres kahit na nakikita itong tila nahihirapan sa paghinga. Wala raw bang medic sa paligid para umalalay kay Rio?

Sa statement na inilabas ni Rio ay sinabi nitong nadala siya sa eksena, dahilan para bumuhos ang labis na emosyon kahit off cam.

Rio Locsin, Ruru Madrid

“Tama po kayo, hindi ako nakabitaw agad sa napakataas na emosyon na kinakailangang ibigay sa eksena kasi apat na tuloy tuloy na eksena na maraming namatay at isa-isa naming nakikita,” pahayag ni Rio.

DEBUNKING RUMORS

Nilinaw naman ni Rio ang espekulasyong pinabayaan siya sa set at hindi binigyan ng nararapat na atensiyon sa kabila ng kanyang kondisyon matapos kunan ang eksena.

“May mga medic kami sa set, may ambulance din. Kaya hindi totoo na walang medic na tumutulong, nagkataon lang na hindi ko naman talaga kinailangan na magpa-medic nung oras na yon, but anytime, andiyan lang sila,” depensa ng aktres.

Dagdag niya, “Hindi rin totoo na inatake ako ng hika, wala po akong hika.”

Well-earned respect for Rio Locsin | Ricky Gallardo

Hindi rin daw siya iniwan at pinabayaan ng aktor na si Ruru Madrid, kasama ni Rio sa eksena at siyang bida ng serye.

Saad ni Rio, “Hindi talaga ako iniwan iniiwan ni Ruru pagkatapos ng mabibigat naming eksena.”

Inalalayan daw siya ng aktor hanggang sa kumalma ang kanyang damdamin.

Pagpapatunay ang nangyari sa husay at dedikasyon ni Rio sa kanyang trabaho bilang aktres. Sana raw ay maramdaman ito ng mga manonood kapag napanood nila ang mga eksena.

“Sa abot nang aming makakaya, kung ano ang nararamdaman namin sa eksena, kami ni Ruru, parehong damdamin at puso ang ipinaaabot namin sa mga manonood, na nawa’y maipaabot namin yung emosyon na nararamdaman namin para sa mga eksena.”