Kapansin-pansin na lalong gumaganda si Marian Rivera-Dantes nang humarap siya sa press launch ng bagong endorsement niyang Barley ng IAM Worldwide ngayong araw, March 12, 2024.
Nilinaw ni Marian na bago siya pumirma bilang bagong endorser at humarap sa entertainment press, sinubukan muna niya ang supplement nito ng isang buwan para alam niya kung effective sa kanya.
Back to normal na kasi ang trabaho ni Marian na halos araw-araw ay may ginagawa siya.
Tuluy-tuloy na ang taping niya sa My Guardian Alien na magsisimula na sa GMA-7 sa April kaya hindi na rin daw normal ang pagtulog niya.
Malaking bagay raw ang supplement na tini-take niya para mabalik ang kanyang lakas kahit kulang siya sa tulog.
Ibinahagi ni Marian na kahit maikli lang ang tulog niya ay kailangan niyang gumising nang maaga para personal na maasikaso ang dalawa anak nila ni Dingdong Dantes na sina Zia at Sixto na papasok ng school.
Kuwento niya, “Kasi yung taping ko kasi, paiba-iba ako ng uwi… e, halos araw-araw, may trabaho ako.
“Actually, bukas may soap ako. Sa Cavinti, Laguna naman ako. Kinabukasan, meron na naman ako.
“So, araw-araw talaga may trabaho ako at yung uwi ko ay hindi talaga pare-parehas. At the same time, kahit anong oras uwi ng bahay, gigising ako nang maaga kasi ako nagpapaligo sa mga anak ko at saka naghahatid sa school.
“So, talagang minsan konting tulog, minsan mahaba. So, minsan alam mo yun… hindi ko talaga maintindihan kung ano ba talaga yung pagtulog ko at anong oras talaga. So, malaking tulong ito sa akin.
“Tapos ang biyahe pa, minsan traffic, minsan hindi traffic. Ako kasi yung tipong hindi natutulog sa biyahe.”
Sa mga pagkakataong kailangan niyang umalis nang maaga, si Dingdong naman daw ang nag-aasiko sa kanilang anak. Pero most of the time ay siya raw ang nag-aasikaso kina Zia at Sixto hanggang sa paghatid sa school.
“Oo, e. Parang pakiramdam ko, kapag hindi ko yan ginagawa sa mga anak ko, hindi kumpleto yung araw ko. So, kailangan ginagawa ko yan.
“Sa tulong siguro ng mga pag-inom ko nito. Sabi ko nga, kahit walang tulog, fresh pa rin ako. Freshness pa rin,” napapangiting bulalas ni Marian.
Ang laki ng ipinagbago ni Marian lalo na sa pananaw sa buhay. Iniiwasan na raw niya ang mga kanegahan at ang gusto niya ay pawang pasasalamat na lang sa Panginoon.
Kinakantiyawan na nga naming parang madre na siyang magsalita.
“Mamaya usap tayo. Ipag-pray kita,” pabiro niyang buwelta sa akin.
Pormal na ipinakilala ang GMA Primetime Queen at Box Office Queen sa ilang entertainment media ngayong Martes, March 12, sa Manila Haus, BGC, Taguig City bilang bagong miyembro ng pamilya ng IAM Worldwide.
Kasama ni Marian na pumirma ng kontrata ang management team niya sa All Access to Artists na sina Jojo Oconer at Jacqui Cara; at mga taga-IAM Worldwide na sina Mr. Allen Marvin Eder, Ms. Joanna Manego ,at ang agent nito na si Ms. Khai Liclican.
Ang lagi raw niyang ipinaalala sa mga anak niya, “Maging blessed sila kung anong meron sila. Makuntento sila, kung ano ang binibigay ni Mama at ni Dada sa kanila.
“At lahat ng ito ay hindi talaga… alam mo yun. Hindi ito pangmatagalan. Lahat ito ay hindi permanent sa mundong ito.
“At ang maganda niyan, yung totoong i-eye mo o talagang igugusto mo ay yung relationship mo sa Taas.
“Kasi lahat ng ito ay balewala kung hindi maganda yung relationship mo sa Taas. Dapat meron talaga… the connection is there.
“Kahit ano pang gawin mo, kahit ikaw na ang pinakamaganda, pinakasikat, pinakamadaming endorsement, at the end of the day, pag natutulog ka at maganda yung relationship mo sa Kanya, nakakausap mo Siya, para mo na ring sinasabing finished everything,” saad ni Marian.
Sa mga hindi magagandang nangyayari ngayon, kagaya ng biglang pagpanaw ni Jaclyn Jose, ano ang realizations nito kay Marian?
Sagot niya, “Siguro, madami talagang realizations sa buhay. Pero one thing is for sure, life is too short.
“So, yung maikling paglalakbay na yan, siguraduhin mong marami kang natutulungang ibang tao, at masaya ka bilang ikaw..”
Tinitiyak ni Marian na constant ang communication niya sa Panginoon. Pawang pasasalamat na lamang daw siya, at ito ang ipinapanalangin niya bago matulog, kasama ang dalawa niyang anak.
“Naku minsan, ang tao kapag tinanong mo, minsan hindi nauubusan ng gustong mangyari sa buhay nila.
“Siguro sa punto ng buhay ko ngayon, ang lagi ko na lang sinasabi, walang hanggang pasasalamat sa lahat na binibigay sa akin ni Lord.
“At siyempre, palagi ko yun sinasabi kapag nagdadasal kami every night ng mga anak ko na maging thankful tayo sa lahat ng mga blessing ni Lord sa atin.”