Ayon kay Rayver Cruz, araw-araw pa rin siyang kinikilig sa girlfriend na si Julie Anne San Jose.
Sa presscon ng Sparkle Goes To Canada na ginanap sa Studio 7 ng GMA Network, kahapon, March 12, 2024, sabay-sabay humarap sa press ang Sparkle love teams na sina Julie Anne at Rayver, Barbie Forteza at David Licauco, at Bianca Umali at Ruru Madrid.
Nakatakda silang mag-perform sa harap ng mga Pilipino sa Canada sa April 5 at 7, 2024.
Matapos ang presscon, inusisa ng media si Julie Anne kung ano ang pakiramdam niya sa sinabi ni Rayver.
Aniya, “Oo naman. Araw-araw akong kinikilig. Araw-araw niya rin akong pinapakilig.
“Tsaka ano, e, kasi si Ray, napakadali niyang mahalin.”
Saad naman ni Rayver, “For me kasi, parang araw-araw Valentine’s Day kasama ko si Julie.
“Alam ko ang cliché, pero talagang kinikilig talaga.
“Especially pag nakikita ko siya sa stage at kamakailan na nag-concert siya. In awe talaga ako palagi.”
Kinuha rin ang opinyon nila sa sunud-sunod na balita tungkol sa breakups ng ilang showbiz couples.
Kabilang na rito ang kontrobersiyal na breakup nina Bea Alonzo at Dominic Roque, na nakatakda na sana silang ikasal.
Sabi ni Julie Anne, “E… di ko alam sasabihin ko, e. Siyempre, nakakalungkot po talaga.
“Kumbaga kasi, kung para sa yo talaga, para sa yo, e.
“Kung hindi talaga, ibig sabihin, may better na darating para sa yo.
“Kumbaga, pampatatag din ng puso.”
CANADA SHOW
Limang buwan nang nag-eensayo ang Sparkle love teams para sa nalalapit nilang shows sa Canada.
Si Julie Anne, excited ding makasama si Mr. Johnny Manahan o Mr. M na magsisilbing direktor nila.
Ayon sa Limitless Star, “Okay naman po. Actually, yung last work namin together ni Mr. M was during The Voice Generations.
“So, sobrang excited ako kasi first time kong makaka-work si Mr. M sa isang concert or sa isang show na out of the country.
“Masarap katrabaho si Mr. M tsaka talagang tututukan niya lahat.”
Dagdag pa ni Julie Anne tungkol sa concert, “Parang siguro yung mindset kasi namin is really to make them happy and really entertain.
“Kasi yun ang goal namin, e, is to bring them closer to our home, to home.
“Kumbaga yung mga na-miss nila sa Pilipinas, ibibigay namin sa kanila.”
Excited din sila sa winter weather ng Canada.
Ayon kay Rayver, “Looking forward din kami sa winter.
“Di lang summer sa atin, masarap naman yung… alam ko, hindi rin nakaka-enjoy yung ganun kalamig.
“Pero kasi for us mga Filipino, mai-enjoy namin for a brief moment.
“Maranasan namin yung cold weather.”
Gaganapin ang first show ng Sparkle Goes To Canada sa April 5, 2024, sa Southview Alliance Church, Calgary, Canada.
Ang second show naman ay sa April 7 sa Toronto Pavillion sa Toronto, Canada.
Para sa tickets, kontakin lamang si Vangie Fons (587 834 1820), Beth Malcolm (416 731 4772), at Candace David (416 825 5750).