Hinding-hindi raw makalimutan ng veteran character actress na si Vangie Labalan ang kanyang mapait na karanasan sa kamay ng isang beteranang aktres sa set ng isang Kapuso TV series noong 2013. Kuwento niya, “Sa harap ng lahat, nilait niya ako dahil kinuwestyon niya ang singit reactions ko sa eksena namin. She questioned some reactions I did on a scene with her. Niyakap ako ni Alessandra [de Rossi] and told me not to react.” PHOTO/S: PR
Sa edad na 70, naranasan ng mahusay na character actress na si Vangie Labalan na laitin ng isang beteranang aktres, at nangyari ito noong 2013 sa set ng isang television drama series ng GMA-7.
“Sa harap ng lahat, nilait niya ako dahil kinuwestyon niya ang singit reactions ko sa eksena namin. She questioned some reactions I did on a scene with her.
“Niyakap ako ni Alessandra [de Rossi] and told me not to react,” ang pagbabalik-tanaw ni Vangie tungkol sa isa sa mga hindi niya makalilimutan na nakaraan sa kanyang matagal na panahon na pagiging artista.
Ang panghahamak na ginawa kay Vangie ng beteranang aktres ang kauna-unahang pagkakataon na nakaranas siya na masita at mapagalitan.
Sa kabila ng mapait na karanasan sa kamay ng beteranang aktres, sinabi ni Vangie na mas marami pa rin ang mga artistang mababait at hindi pa niya nasusubukan na hindi igalang ng mga nakababata at baguhan na aktor.
“Wala pa naman. If ever, kung kaya na i-ignore, I will,” ang reaksyon ni Vangie tungkol sa isyu ng ilang mga datihan na artista na nakararanas ng pambabastos mula sa mga baguhan.
Labing-isang taon na ang nakalilipas buhat nang mangyari ang panglalait kay Vangie ng aktres na beterana at may mataray na imahe, pero hindi na sila nagkaroon ng pagkakataon na muling magkita o magkasama sa mga proyekto sa pelikula at telebisyon.
“I never saw her again,” ani Vangie tungkol sa senior citizen actress na aktibo pa rin sa pag-arte hanggang sa ngayon.
FAMILY
Maria Christina Labalan ang tunay na pangalan ni Vangie at isinilang siya noong Enero 20, 1943 sa Bago City, Negros Occidental.
Idinagdag ang Evangeline sa pangalan ni Vangie dahil pitong buwan ito nang isilang kaya inakala na hindi siya mabubuhay.
May apat na anak si Vangie at ang kanyang pumanaw na asawa na si Noli, si Dr. Marlon Labalan na isang dentista, ang dalawang anak nila na babae na sina April Lee Young at Tangerine Labalan na mga computer analyst at kapwa naninirahan sa Sydney, Australia.
Carlo ang pangalan ng bunso na tinatapos ang Philosophy course sa La Salle University at may sideline job bilang dubber tulad ng kanyang ina. Siyam sa kasalukuyan ang bilang ng mga apo ni Vangie.
ACTING CAREER HIGHLIGHTS
Nag-umpisa ang acting career ni Vangie sa edad na labingsiyam nang sumali siya sa audition para sa isang radio drama sa Bacolod.
Ang National Artist for Film na si Ishmael Bernal ang nakatuklas kay Vangie na nakita niya sa dubbing studio noong 1979.
“I was dubbing for Aliw when Ishmael Bernal saw me and cast me for City After Dark [1980] and then Himala [1982], Sugat sa Ugat [1983] and the rest is history,” ang kuwento ni Vangie na maituturing na mapalad dahil si Bernal ang nakadiskubre sa kanya at binigyan siya ng mga magagandang proyekto.
Bukod sa mahusay na character actress, magaling din si Vangie na voice actress at radio soaps writer.
Hindi na matandaan ni Vangie ang halaga ng unang talent fee na kanyang natanggap pero sinabi niya na, “I forgot my first talent fees for tv and movie but I laughed at it because I earned big voicing for radio commercials.
“I was a writer also for radio soaps and Kasaysayan ng Lahi ni Ka Doroy Valencia. I also translated scripts and produced radio commercials.”
At dahil magaling at maaasahan na aktres si Vangie, naging paboritong katrabaho siya ng isang National Artist for Film din, ang direktor na si Marilou Diaz-Abaya.
“Marilou got me for a number of films after Himala,” ang saad ni Vangie na itinuturing na highlight ng kanyang acting career ang mga eksena niya kina Vilma Santos at Malu de Guzman sa Alyas Baby Tsina na mula sa direksyon ni Marilou at ipinalabas sa mga sinehan noong Oktubre 18, 1984.
Nagkaroon si Vangie ng mga acting nomination dahil sa hindi matatawaran na talento niya sa pag-arte tulad ng Best Supporting Actress award na kanyang napanalunan sa 2016 QCinema International Film Festival para sa Ang Manananggal sa Unit 23B.
ACTING NOMINATIONS
May mga ibang mga parangal na natanggap si Vangie pero hindi na niya matandaan.
Aniya, “I had quite a few nominations. I forgot another Best Actress from a quite popular movie group.”
Isa lamang si Vangie sa maraming mga mahuhusay na character actress na hindi masyadong nabibigyan ng atensyon sa industriya dahil hindi sila kabilang sa kategorya ng mga big star pero napakalaki ng mga kontribusyon nila sa industriya ng pelikula at telebisyon.
Walang mga bida kung wala ang mga character actor kaya nararapat na bigyan ng pagpapahalaga ang mga kagaya ni Vangie na mahuhusay at mahal ang kanilang propesyon pero hindi nakatatanggap ng kaukulan na rekognisyon.