Mapapanood sa Fast Talk With Boy Abunda ngayong Miyerkules ng hapon, Marso 20, 2024, ang mga balita at kaganapan sa pagpirma ng kontrata sa pagitan ng GMA Network at ABS-CBN executives.
Ito ay para sa paglipat ng It’s Showtime sa dating timeslot ng Tahanang Pinakamasaya, ang isinarang noontime variety show ng TAPE, Inc.
Sina Iya Villania at Robi Domingo ang mga host ng contract signing na magaganap sa Studio 7 Annex Building ng GMA Network.
Dadaluhan ito ng mga host ng It’s Showtime, ang Kapamilya noontime show na dating napapanood sa TV5 hanggang lumipat sa GTV noong Hulyo 1, 2023.
Ang GTV ang sister television network ng GMA-7.
Walang sinuman ang nag-akalang darating ang panahong matutunghayan sa dating timeslot ng orihinal na Eat Bulaga! ang noontime program na katapat nila at noong matindi pa ang network war sa pagitan ng GMA-7 at ABS-CBN.
Hindi rin sumagi sa isip ng sinuman na ang Eat Bulaga! ang ookupa sa dating oras ng It’s Showtime noong itinatanghal pa ito sa TV5.
Isang aral din tungkol sa pagpapakumbaba o lesson on humility ang mga hindi inaasahang nangyayari ngayon sa Philippine television.
Dokumentado ang nagbibirong pagtatanong ni Vice Ganda sa isang contestant ng “Wit Lang” segment ng It’s Showtime noong Agosto 7, 2017.
Ang “Where you belong” ang isa sa mga popular na slogan noon ng GMA-7.
At ito ang pabirong itinanong ni Vice sa contestant: “Kung sinasabing ang GMA ay ‘Where you belong,’ ba’t sila naglilipatan?”
Ang tinutukoy niya ay ang paglipat ng ilang Kapuso stars sa ABS-CBN, noong namamayagpag pa ang dating giant network sa mundo ng telebisyon.
Tumanggap ito ng malakas na halakhakan mula sa studio audience ng It’s Showtime at naging malaking isyu noon.
Makalipas ang pitong taon, mapapanood na sa GMA-7 ang It’s Showtime, at nangyari rin kay Vice ang salitang binitiwan nito.
Isa itong paalaala sa lahat na maging maingat sa pagbibitaw ng mga biro at salitang maaaring makasakit sa damdamin ng kapwa.
Ngayon na Vice also belongs to GMA-7, naniniwala ang mga mahihilig sa numerology at pamahiin na prominente ang No. 7 sa mga nangyayari sa kasalukuyan sa kanyang TV career.
Nagbitaw siya ng biro noong Agosto 7, 2017.
Makaraan ang pitong taon, masisilayan na ang labimpitong (17) mga host ng It’s Showtime sa GMA-7.
Kaya hindi maiiwasanng sumagi sa isip ang “I Started a Joke,” ang 1968 hit song ng Bee Gees na may makahulugan na lyrics na:
I started a joke
Which started the whole world crying
But I didn’t see
That the joke was on me, oh no
I started to cry
Which started the whole world laughing
Oh, if I’d only seen
That the joke was on me